< Mga Awit 77 >

1 Ako'y dadaing ng aking tinig sa Dios; sa Dios ng aking tinig; at kaniyang didinggin ako.
Tatawag ako sa Diyos gamit ang aking tinig; tatawag ako sa Diyos gamit ang aking tinig, at diringgin ako ng aking Diyos.
2 Sa kaarawan ng aking kabagabagan ay hinahanap ko ang Panginoon: ang kamay ko'y nakaunat sa gabi, at hindi nangangalay; tumatangging maaliw ang kaluluwa ko.
Sa mga araw ng aking mga kaguluhan, hinanap ko ang Panginoon; sa gabi, inunat ko ang aking mga kamay, at hindi nito nagawang mapagod. Tumanggi akong mapanatag.
3 Naaalaala ko ang Dios, at ako'y nababalisa: ako'y nagdaramdam, at ang diwa ko'y nanglulupaypay. (Selah)
Inisip ko ang Diyos habang naghihinagpis ako; inisip ko siya habang nanghihina ako. (Selah)
4 Iyong pinupuyat ang mga mata ko: ako'y totoong nababagabag na hindi ako makapagsalita.
Binuksan mo ang aking mga mata; labis akong nabahala para magsalita.
5 Aking ginunita ang mga araw ng una, ang mga taon ng dating mga panahon.
Iniisip ko ang nakaraan, tungkol sa mga panahong matagal nang nakalipas.
6 Aking inaalaala ang awit ko sa gabi: sumasangguni ako sa aking sariling puso; at ang diwa ko'y masikap na nagsiyasat.
Sa kahabaan ng gabi inaalala ko ang awit na minsan kong inawit. Nag-isip akong mabuti at sinubukang unawain ang nangyari.
7 Magtatakuwil ba ang Panginoon magpakailan man? At hindi na baga siya lilingap pa?
Tatanggihan ba ako ng Panginoon habang buhay? Hindi na ba niya muli ipakikita ang kaniyang tulong?
8 Ang kaniya bang kagandahang-loob ay lubos na nawala magpakailan man? Natapos na bang walang hanggan ang kaniyang pangako?
Ang kaniya bang katapatan sa tipan ay wala na habang buhay?
9 Nakalimot na ba ang Dios na magmaawain? Kaniya bang tinakpan ng kagalitan ang kaniyang malumanay na mga kaawaan? (Selah)
Habangbuhay na bang bigo ang kaniyang pangako? Nakalimutan na ba ng Diyos na maging mapagbigay-loob? Napigil na ba ng galit ang kaniyang habag? (Selah)
10 At aking sinabi, Ito ang sakit ko; nguni't aalalahanin ko ang mga taon ng kanan ng Kataastaasan.
Sabi ko, “Ito ang aking hinagpis: ang pagbabago ng kanang kamay ng Makapangyarihang Diyos sa atin.”
11 Babanggitin ko ang mga gawa ng Panginoon; sapagka't aalalahanin ko ang mga kabagabagan mo ng una.
Pero, aalalahanin ko ang mga ginawa mo Yahweh; Iisipin ko ang mga kahanga-hangang mga ginawa mo noon.
12 Bubulayin ko ang lahat ng iyong gawa, at magmumuni tungkol sa iyong mga gawa.
Pagninilay-nilayan ko ang lahat ng mga ginawa mo at pagmumuni-munihin ko ang mga iyon.
13 Ang iyong daan, Oh Dios, ay nasa santuario: sino ang dakilang dios na gaya ng Dios?
Ang paraan ninyo O Diyos ay banal; anong diyos-diyosan ang maihahambing sa aming dakilang Diyos?
14 Ikaw ay Dios na gumagawa ng mga kagilagilalas: iyong ipinakilala ang kalakasan mo sa gitna ng mga tao.
Ikaw ang Diyos na gumagawa ng mga kababalaghan; ipinakita mo ang iyong lakas sa mga tao.
15 Iyong tinubos ng kamay mo ang iyong bayan, ang mga anak ng Jacob at ng Jose. (Selah)
Binigyan mo ng tagumpay ang iyong bayan sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan - ang mga kaapu-apuhan ni Jacob at Jose. (Selah)
16 Nakita ka ng tubig, Oh Dios; nakita ka ng tubig, sila'y nangatakot: ang mga kalaliman din naman ay nanginig.
Nakita ka ng katubigan O Diyos; nakita ka ng katubigan, at natakot (sila) ang kailaliman ng tubig ay nanginig.
17 Ang mga alapaap ay nangaglagpak ng tubig; ang langit ay humugong: ang mga pana mo naman ay nagsihilagpos.
Nagbuhos ng tubig ang mga ulap; ang kalangitan ay kumulog; kumikislap ang iyong mga palaso sa buong paligid.
18 Ang tinig ng iyong kulog, ay nasa ipoipo; tinanglawan ng mga kidlat ang sanglibutan: ang lupa ay nayanig at umuga.
Ang madagundong mong boses ay narinig sa hangin; inilawan ng kidlat ang mundo; nanginig at nayanig ito.
19 Ang daan mo'y nasa dagat, at ang mga landas mo'y nasa malalawak na tubig, at ang bakas mo'y hindi nakilala.
Papunta sa dagat ang iyong landas at ang iyong daan ay patungo sa umaalong tubig, pero ang mga bakas ng iyong mga paa ay hindi nakita.
20 Iyong pinapatnubayan ang iyong bayan na parang kawan, sa pamamagitan ng kamay ni Moises at ni Aaron.
Inakay mo ang iyong bayan tulad ng isang kawan sa pamamagitan ng mga kamay ni Moises at Aaron.

< Mga Awit 77 >