< Mga Awit 73 >

1 Tunay na ang Dios ay mabuti sa Israel. Sa mga malilinis sa puso.
Sadyang mabuti ang Diyos sa Israel sa mga may dalisay na puso.
2 Nguni't tungkol sa akin, ang mga paa ko'y halos nahiwalay: ang mga hakbang ko'y kamunti nang nangadulas.
Pero para sa akin, halos dumulas ang aking mga paa; halos dumulas ang aking mga paa sa aking paghakbang
3 Sapagka't ako'y nanaghili sa hambog, nang aking makita ang kaginhawahan ng masama.
dahil nainggit ako sa arogante nang makita ko ang kasaganaan ng masasama.
4 Sapagka't walang mga tali sa kanilang kamatayan: kundi ang kanilang kalakasan ay matatag.
Dahil wala silang sakit hanggang sa kanilang kamatayan, kundi (sila) ay malakas at nakakakain nang mabuti.
5 Sila'y wala sa kabagabagan na gaya ng ibang mga tao; na hindi man (sila) nangasasalot na gaya ng ibang mga tao.
Malaya (sila) mula sa mga pasanin tulad ng ibang mga tao; hindi (sila) nahihirapan katulad ng ibang mga tao.
6 Kaya't kapalalua'y gaya ng kuwintas sa kanilang leeg: tinatakpan (sila) ng karahasan na gaya ng bihisan.
Ang pagmamalaki ay nagpapaganda sa kanila na tulad ng kwintas na nakapalibot sa kanilang leeg; dinadamitan (sila) ng karahasan tulad ng balabal.
7 Ang kanilang mga mata ay lumuluwa sa katabaan: sila'y mayroong higit kay sa mananasa ng puso.
Mula sa ganoong pagkabulag nagmumula ang kasalanan; ang masamang mga kaisipan ay tumatagos sa kanilang mga puso.
8 Sila'y manganunuya, at sa kasamaan ay nanunungayaw ng pagpighati: sila'y nangagsasalitang may kataasan.
Nangungutya silang nagsasabi ng mga masasamang bagay; nagmamalaki silang nagbabanta ng karahasan.
9 Kanilang inilagay ang kanilang bibig sa mga langit, at ang kanilang dila ay lumalakad sa lupa.
Nagsasalita (sila) laban sa kalangitan, at ang kanilang mga dila ay gumagala sa daigdig.
10 Kaya't ibinabalik dito ang kaniyang bayan: at tubig ng punong saro ay nilalagok nila.
Kaya, ang bayan ng Diyos ay nakikinig sa kanila at ninanamnam ang kanilang mga salita.
11 At kanilang sinasabi, Paanong nalalaman ng Dios? At may kaalaman ba sa Kataastaasan?
Sinasabi nila, “Paano nalalaman ng Diyos? Alam ba ng Diyos kung ano ang nangyayari?”
12 Narito, ang mga ito ang masama; at palibhasa'y laging tiwasay nagsisilago sa mga kayamanan,
Pansinin ninyo: ang mga taong ito ay masama; wala silang inaalala, lalo pa silang nagiging mayaman.
13 Tunay na sa walang kabuluhan ay nilinis ko ang aking puso, at hinugasan ko ang aking mga kamay sa kawalaang sala;
Sadyang walang kabuluhan na bantayan ko ang aking puso at hugasan ang aking mga kamay sa kawalang-kasalanan.
14 Sapagka't buong araw ay nasalot ako, at naparusahan tuwing umaga.
Dahil buong araw akong pinahirapan at dinisiplina bawat umaga.
15 Kung aking sinabi, Ako'y magsasalita ng ganito; narito, ako'y gagawang may karayaan sa lahi ng iyong mga anak.
Kung aking sinabi, “Sasabihin ko ang mga bagay na ito,” parang pinagtaksilan ko ang salinlahi ng inyong mga anak.
16 Nang aking isipin kung paanong aking malalaman ito, ay napakahirap sa ganang akin;
Kahit na sinubukan kong unawain ang mga bagay na ito, napakahirap nito para sa akin.
17 Hanggang sa ako'y pumasok sa santuario ng Dios, at aking nagunita ang kanilang huling wakas,
Pagkatapos pumasok ako sa santuwaryo ng Diyos at naunawaan ang kanilang kapalaran.
18 Tunay na iyong inilagay (sila) sa mga madulas na dako: iyong inilugmok (sila) sa kapahamakan.
Sadyang inilalagay mo (sila) sa madudulas na mga lugar; dinadala mo (sila) sa pagkawasak.
19 Kung paanong naging kapahamakan (sila) sa isang sandali! Sila'y nilipol na lubos ng mga kakilabutan.
Paano (sila) naging disyerto sa isang iglap! Sumapit (sila) sa kanilang wakas at natapos sa kahindik-hindik na takot.
20 Ang panaginip sa pagkagising: sa gayon, Oh Panginoon, pag gumising ka, iyong hahamakin ang kanilang larawan.
Katulad (sila) ng panaginip matapos magising; Panginoon, kapag ikaw ay tumindig, wala kang iisiping ganoong mga panaginip.
21 Sapagka't ang puso ko'y namanglaw, at sa aking kalooban ay nasaktan ako:
Dahil nagdalamhati ang aking puso, at ako ay labis na nasugatan.
22 Sa gayo'y naging walang muwang ako, at musmos; ako'y naging gaya ng hayop sa harap mo.
Ako ay mangmang at kulang sa pananaw; ako ay katulad ng walang alam na hayop sa harapan mo.
23 Gayon ma'y laging sumasaiyo ako: iyong inalalayan ang aking kanan.
Gayumpaman, ako ay palaging kasama mo; hawak mo ang aking kanang kamay.
24 Iyong papatnubayan ako ng iyong payo, at pagkatapos ay tatanggapin mo ako sa kaluwalhatian.
Gagabayan mo ako ng iyong payo at pagkatapos tanggapin mo ako sa kaluwalhatian.
25 Sinong kumakasi sa akin sa langit kundi ikaw? At walang ninanasa ako sa lupa liban sa iyo.
Sino ang hahanapin ko sa langit bukod sa iyo? Walang sinuman na nasa daigdig ang aking ninanais kundi ikaw.
26 Ang aking laman at ang aking puso ay nanglulupaypay: nguni't ang Dios ay kalakasan ng aking puso, at bahagi ko magpakailan man.
Humina man ang aking katawan at ang aking puso, pero ang Diyos ang lakas ng aking puso magpakailanman.
27 Sapagka't narito, silang malayo sa iyo ay mangalilipol: iyong ibinuwal silang lahat, na nangakikiapid, na nagsisihiwalay sa iyo.
Ang mga malayo sa iyo ay mamamatay; wawasakin mo ang lahat ng mga taksil sa iyo.
28 Nguni't mabuti sa akin na lumapit sa Dios; ginawa kong aking kanlungan ang Panginoong Dios, upang aking maisaysay ang lahat ng iyong mga gawa.
Pero para sa akin, ang kailangan ko lang gawin ay lumapit sa Diyos. Ginawa kong kublihan si Yahweh na aking Panginoon. Ipahahayag ko ang lahat ng iyong mga gawa.

< Mga Awit 73 >