< Mga Awit 71 >

1 Sa iyo Oh Panginoon, nanganganlong ako: huwag akong mapahiya kailan man.
Sa iyo, Yahweh, ako ay kumukubli; huwag mo ako kailanman ilagay sa kahihiyan.
2 Iligtas mo ako sa iyong katuwiran, at sagipin mo ako: ikiling mo ang iyong pakinig sa akin, at iligtas mo ako,
Sagipin mo ako at iligtas sa iyong katuwiran; ibaling mo ang iyong tainga sa akin at iligtas ako.
3 Ikaw ay maging kanlungan ng aking tahanan, na aking kapaparunang lagi: ikaw ay nagbigay utos na iligtas ako; sapagka't ikaw ay aking malaking bato at aking kuta.
Maging batong kublihan ka para sa akin kung saan man ako pumunta; nagbigay ka ng utos para iligtas ako, dahil ikaw ang aking bato at tanggulan.
4 Sagipin mo ako, Oh aking Dios, sa kamay ng masama, sa kamay ng liko at mabagsik na tao.
Sagipin mo ako, aking Diyos, mula sa kamay ng masasama, mula sa kamay ng makasalanan at malupit.
5 Sapagka't ikaw ay aking pagasa, Oh Panginoong Dios: ikaw ay aking tiwala mula sa aking kabataan.
Dahil ikaw ang aking pag-asa, Panginoong Yahweh. Nagtiwala ako sa iyo mula noong ako ay bata pa.
6 Sa pamamagitan mo ay naalalayan ako mula sa bahay-bata: ikaw ang kumuha sa akin sa tiyan ng aking ina: ang pagpuri ko'y magiging laging sa iyo.
Habang ako ay nasa sinapupunan, inalalayan mo ako; ikaw ang siyang kumuha sa akin palabas sa tiyan ng aking ina; ang aking papuri ay tungkol palagi sa iyo.
7 Ako'y naging isang kagilagilalas sa marami; nguni't ikaw ang matibay kong kanlungan.
Isa akong halimbawa sa maraming tao; ikaw ang aking matibay na kublihan.
8 Ang bibig ko'y mapupuno ng pagpuri sa iyo, at ng iyong karangalan buong araw.
Ang aking bibig ay mapupuno ng iyong papuri, na may karangalan mo sa buong araw.
9 Huwag mo akong itakuwil sa katandaan; huwag mo akong pabayaan pagka ang aking kalakasan ay nanglulupaypay.
Sa panahon ng aking pagtanda huwag mo akong itapon; huwag mo akong iwanan kapag ang aking lakas ay manghina.
10 Sapagka't ang mga kaaway ko'y nangagsasalita tungkol sa akin: at silang nagsisibakay ng aking kaluluwa ay nangagsasanggunian,
Dahil ang aking mga kaaway ay pinag-uusapan ako, silang mga nagmamasid sa aking buhay ay sama-samang nagbabalak.
11 Na nangagsasabi, pinabayaan siya ng Dios: iyong habulin at hulihin siya; sapagka't walang magligtas.
Sinasabi nila, “Pinabayaan siya ng Diyos” habulin at kunin siya, dahil wala ni isa ang magliligtas sa kaniya.”
12 Oh Dios, huwag kang lumayo sa akin: Oh Dios ko, magmadali kang tulungan mo ako.
O Diyos, huwag kang lumayo sa akin; aking Diyos, magmadali ka sa pagtulong sa akin.
13 Mangapahiya at mangalipol (sila) na mga kaaway ng aking kaluluwa; mangatakpan ng pagkaduwahagi at kasiraang puri (sila) na nagsisihanap ng aking kapahamakan.
Hayaan mo silang mapunta sa kahihiyan at masira, silang mga laban sa aking buhay; hayaan mo silang mapuno ng pagsaway at kasiraan, silang naghahangad na ako ay saktan.
14 Nguni't ako'y maghihintay na palagi, at pupuri pa ako sa iyo ng higit at higit.
Pero lagi akong aasa sa iyo at pupurihin kita nang higit pa.
15 Ang bibig ko'y magsasaysay ng iyong katuwiran, at ng iyong pagliligtas buong araw; sapagka't hindi ko nalalaman ang mga bilang.
Buong araw sasabihin ng aking bibig ang tungkol sa iyong katuwiran at iyong kaligtasan, bagamat hindi ko ito kayang unawain.
16 Ako'y yayao na may mga makapangyarihang gawa ng Panginoong Dios: aking babanggitin ang iyong katuwiran, sa makatuwid baga'y ang iyo lamang.
Pupunta ako sa kanila kasama ang mga makapangyarihang gawa ng Panginoong Yahweh; Aking babanggitin ang iyong katuwiran, ang iyo lamang.
17 Oh Dios, iyong tinuruan ako mula sa aking kabataan; at hanggang ngayon ay aking inihahayag ang iyong kagilagilalas na mga gawa.
O Diyos, tinuruan mo ako mula pa sa aking pagkabata; kahit ngayon ihinahayag ko ang iyong mga kahanga-hangang gawa.
18 Oo, pag ako'y tumanda at may uban, Oh Dios, huwag mo akong pabayaan; hanggang sa aking maipahayag ang iyong kalakasan sa sumusunod na lahi, ang iyong kapangyarihan sa bawa't isa na darating.
Tunay nga, kahit na matanda na ako at maputi na ang buhok, O Diyos, huwag mo akong pabayaan, dahil ihinahayag ko ang iyong kalakasan sa susunod na salinlahi, at iyong kapangyarihan para sa lahat ng darating.
19 Ang iyo ring katuwiran, Oh Dios, ay totoong mataas; ikaw na gumawa ng dakilang mga bagay, Oh Dios, sino ang gaya mo.
Maging ang iyong katuwiran, O Diyos, ay napakataas; ikaw na gumawa ng mga dakilang bagay, O Diyos, sino ang katulad mo?
20 Ikaw na nagpakita sa amin ng marami at lubhang kabagabagan, bubuhayin mo uli kami, at ibabangon mo uli kami mula sa mga kalaliman ng lupa.
Ikaw na nagpakita sa amin ng mga matitinding suliranin ay bubuhay sa amin at mag-aangat sa amin mula sa kailaliman ng mundo.
21 Palaguin mo ang aking kadakilaan, at bumalik ka uli, at aliwin mo ako.
Dagdagan mo nawa ang aking karangalan; bumalik kang muli at aliwin ako.
22 Pupurihin din kita ng salterio, ang iyong katotohanan, Oh Dios ko; sa iyo'y aawit ako ng mga kapurihan sa pamamagitan ng alpa, Oh ikaw na Banal ng Israel.
Magpapasalamat din ako sa iyo gamit ang alpa para sa iyong pagiging mapagkakatiwalaan, aking Diyos; aawit ako sa iyo ng mga papuri gamit ang alpa, nag-iisang Banal na Diyos ng Israel.
23 Ang mga labi ko'y mangagagalak na mainam pagka ako'y umaawit ng mga pagpuri sa iyo; at ang kaluluwa ko, na iyong tinubos.
Sisigaw sa galak ang aking mga labi habang inaawit ko ang mga papuri sa iyo, maging ako na iyong tinubos.
24 Ang dila ko naman ay magsasalita ng iyong katuwiran buong araw: sapagka't sila'y nangapahiya, sila'y nangalito, na nagsisihanap ng aking kapahamakan.
Sasabihin rin ng aking dila ang tungkol sa iyong katuwiran buong araw; dahil inilagay (sila) sa kahihiyan at nilito, (sila) na hinahangad ang aking kapahamakan.

< Mga Awit 71 >