< Mga Awit 69 >
1 Iligtas mo ako, Oh Dios; sapagka't ang tubig ay tumabon sa aking kaluluwa.
Iligtas mo ako, O Diyos, dahil nilagay ng katubigan ang buhay ko sa panganib.
2 Ako'y lumulubog sa malalim na burak na walang tayuan: ako'y lumulubog sa malalim na tubig, na tinatabunan ako ng agos.
Lumulubog ako sa malalim na putikan kung saan walang lugar na matatayuan; pumunta ako sa malalim na katubigan kung saan rumaragasa ang baha sa akin.
3 Ako'y hapo sa aking daing; ang lalamunan ko'y tuyo: ang mga mata ko'y nangangalumata habang hinihintay ko ang aking Dios.
Napapagal ako sa aking pag-iyak; nanunuyo ang aking lalamunan; nanlalabo ang aking mga mata habang naghihintay ako sa Diyos.
4 Silang nangagtatanim sa akin ng walang anomang kadahilanan ay higit kay sa mga buhok ng aking ulo: silang ibig maghiwalay sa akin, na mga kaaway kong may kamalian, ay mga makapangyarihan: akin ngang isinauli ang hindi ko kinuha.
Higit pa sa aking mga buhok sa ulo ang mga napopoot sa akin ng walang dahilan; ang mga pumapatay sa akin, ang naging mga kaaway ko dahil sa mga maling dahilan, ay makapangyarihan; ang mga hindi ko ninakaw ay kailangan kong ibalik.
5 Oh Dios, kilala mo ang kamangmangan ko; at ang mga kasalanan ko'y hindi lihim sa iyo.
O Diyos, alam mo ang aking kahangalan, at hindi nalilihim ang mga kasalanan ko sa iyo.
6 Huwag mangapahiya dahil sa akin ang nangaghihintay sa iyo, Oh Panginoong Dios ng mga hukbo: huwag mangalagay sa kasiraang puri dahil sa akin ang nagsisihanap sa iyo, Oh Dios ng Israel.
Huwag mong hayaang malagay sa kahihiyan ang mga naghihintay sa iyo dahil sa akin, Panginoong Diyos ng mga hukbo; huwag mong hayaang malagay sa kasiraang-puri ang mga naghahanap sa iyo dahil sa akin, O Diyos ng Israel.
7 Sapagka't dahil sa iyo ay nagdala ako ng kadustaan; kahihiyan ay tumakip sa aking mukha.
Para sa iyong kapakanan, tinanggap ko ang panlalait; kahihiyan ang bumalot sa aking mukha.
8 Ako'y naging iba sa aking mga kapatid, at taga ibang lupa sa mga anak ng aking ina.
Naging dayuhan ako sa aking mga kapatid, dayuhan sa mga anak ng aking ina.
9 Sapagka't napuspos ako ng sikap sa iyong bahay; at ang mga pagduwahagi nila na nagsisiduwahagi sa iyo ay nangahulog sa akin.
Dahil nilamon ako ng kasigasigan sa iyong tahanan, at ang mga lait ng mga nanlalait sa iyo ay bumagsak sa akin.
10 Pag umiiyak ako at pinarurusahan ko ng pagaayuno ang aking kaluluwa, yao'y pagkaduwahagi sa akin.
Noong umiyak ako at hindi kumain, hinamak nila ako.
11 Nang magsuot ako ng kayong magaspang, ay naging kawikaan ako sa kanila.
Noong ginawa kong kasuotan ang sako, naging paksa ako ng kawikaan sa kanila.
12 Pinag-uusapan ako nilang nangauupo sa pintuang-bayan; at ako ang awit ng mga lango.
Pinag-uusapan ako ng mga nakaupo sa tarangkahan ng lungsod; ako ang awit ng mga manginginom.
13 Nguni't tungkol sa akin, ang dalangin ko'y sa iyo, Oh Panginoon, sa isang kalugodlugod na panahon: Oh Dios, sa karamihan ng iyong kagandahang-loob,
Pero para sa akin, sa iyo ang aking panalangin, Yahweh, sa panahon na tatanggap ka; sagutin mo ako sa pagiging mapagkakatiwalaan ng iyong kaligtasan.
14 Iligtas mo ako sa burak, at huwag mo akong ilubog: maligtas ako sa kanila na nangagtatanim sa akin, at sa malalim na tubig.
Hilahin mo ako mula sa putikan, at huwag mo akong hayaang lumubog; hayaan mo akong malayo mula sa napopoot sa akin at sagipin mo mula sa malalim na katubigan.
15 Huwag akong tangayin ng baha, ni lamunin man ako ng kalaliman: at huwag takpan ng hukay ang kaniyang bunganga sa akin.
Huwag mong hayaang tabunan ako ng baha, ni hayaang lamunin ako ng kalaliman. Huwag mong hayaang isara ng hukay ang bibig nito sa akin.
16 Sagutin mo ako, Oh Panginoon; sapagka't ang iyong kagandahang-loob ay mabuti: ayon sa karamihan ng iyong mga malumanay na kaawaan ay bumalik ka sa akin.
Sagutin mo ako Yahweh, dahil mabuti ang iyong katapatan sa tipan; dahil labis ang iyong kahabagan sa akin, humarap ka sa akin.
17 At huwag mong ikubli ang iyong mukha sa iyong lingkod; sapagka't ako'y nasa kahirapan; sagutin mo akong madali.
Huwag mong itago ang iyong mukha sa iyong mga lingkod, dahil ako ay nasa kalungkutan; sagutin mo ako agad.
18 Lumapit ka sa aking kaluluwa, at tubusin mo: Iligtas mo ako dahil sa aking mga kaaway.
Lumapit ka sa akin at tubusin ako. Dahil sa aking mga kaaway, iligtas mo ako.
19 Talastas mo ang aking kadustaan, at ang aking kahihiyan, at ang aking kasiraang puri: ang aking mga kaaway, ay pawang nangasa harap mo.
Alam mo ang aking paghihirap, kahihiyan at kasiraang-puri; nasa harap mo ang lahat ng aking mga kalaban.
20 Kaduwahagihan ay sumira ng aking puso; at ako'y lipos ng kabigatan ng loob: at ako'y naghintay na may maawa sa akin, nguni't wala; at mga mangaaliw, nguni't wala akong masumpungan.
Winasak ng pagtutuwid ang aking puso; punong-puno ako ng kabigatan; naghahanap ako ng sinumang maaawa sa akin, pero wala ni isa man. Naghahanap ako ng mga mag-aaliw, pero wala akong nakita.
21 Binigyan naman nila ako ng pagkaing mapait; at sa aking kauhawan ay binigyan nila ako ng suka na mainom.
Binigyan nila ako ng lason para kainin ko; sa aking pagka-uhaw binigyan nila ako ng suka para inumin.
22 Maging lalang sa harap nila ang kanilang dulang; at maging isang silo kung sila'y nasa kapayapaan.
Hayaan mong maging bitag ang mesa sa harap nila; kapag iniisip nila na ligtas (sila) hayaan mong maging patibong ito.
23 Manglabo ang kanilang mga mata, na sila'y huwag makakita; at papanginigin mong palagi ang kanilang mga balakang.
Hayaan mong magdilim ang kanilang mga mata para hindi (sila) makakita; lagi mong yugyugin ang mga baywang nila.
24 Ibugso mo ang iyong galit sa kanila, at datnan (sila) ng kabangisan ng iyong galit.
Ibuhos mo ang iyong labis na galit sa kanila, hayaang mong abutan (sila) ng bagsik ng iyong galit.
25 Magiba ang tahanan nila; walang tumahan sa kanilang mga tolda.
Hayaan mong ang kanilang lugar ay maging kapanglawan; hayaang mong walang sinuman ang manirahan sa kanilang mga tolda.
26 Sapagka't kanilang hinabol siya na iyong sinaktan, at sinaysay nila ang damdam niyaong iyong sinugatan.
Dahil inuusig nila ang siyang sinaktan mo; ibinalita nila sa iba ang hapdi ng mga sinugatan mo.
27 At dagdagan mo ng kasamaan ang kanilang kasamaan: at huwag silang masok sa iyong katuwiran.
Isakdal mo (sila) dahil sa paggawa ng sunod-sunod na kasalanan; huwag mo silang hayaang pumasok sa matuwid mong katagumpayan.
28 Mapawi (sila) sa aklat ng buhay, at huwag masulat na kasama ng matuwid.
Hayaan mo silang mabura sa aklat ng buhay at hindi maisulat kasama ng mga matutuwid.
29 Nguni't ako'y dukha at mapanglaw: sa pamamagitan ng pagliligtas mo, Oh Dios, ay iahon mo nawa ako.
Pero ako ay naghihirap at nagdadalamhati; hayaan mo, O Diyos, na parangalan ako ng iyong kaligtasan.
30 Aking pupurihin ng awit ang pangalan ng Dios, at dadakilain ko siya ng pasalamat.
Pupurihin ko ang pangalan ng Diyos ng may awit at dadakilain siya ng may pasasalamat.
31 At kalulugdan ng Panginoon na higit kay sa isang baka, o sa toro na may mga sungay at mga paa.
Higit na kalulugdan ito ng Diyos kaysa sa isang baka o toro na may mga sungay at paa.
32 Nakita ng mga maamo, at nangatuwa: mabuhay ang puso, ninyong nagsisihanap sa Dios.
Nakita ito ng mga mapagpakumbaba at natuwa; kayo na mga naghahanap sa Diyos, hayaan niyong mabuhay ang inyong mga puso.
33 Sapagka't dinidinig ng Panginoon ang mapagkailangan, at hindi hinahamak ang kaniyang mga bilanggo.
Dahil naririnig ni Yahweh ang mga nangangailangan at hindi hinahamak ang mga bilanggo.
34 Purihin siya ng langit at lupa, ng mga dagat, at ng bawa't bagay na gumagalaw roon.
Purihin siya ng langit at lupa, ng mga dagat at lahat ng mga gumagalaw dito.
35 Sapagka't ililigtas ng Dios ang Sion, at itatayo ang mga bayan ng Juda; at sila'y magsisitahan doon, at tatangkilikin nila na pinakaari.
Dahil ililigtas ng Diyos ang Sion at itatayong muli ang mga lungsod sa Juda; maninirahan ang mga tao roon at aangkinin ito.
36 Mamanahin naman ng binhi ng kaniyang mga lingkod; at silang nagsisiibig ng kaniyang pangalan ay magsisitahan doon.
Mamanahin ito ng mga lingkod ng kaniyang mga kaapu-apuhan; maninirahan doon silang mga nagmamahal sa kaniyang pangalan.