< Mga Awit 64 >

1 Dinggin mo ang tinig ko, Oh Dios, sa aking hibik: ingatan mo ang buhay ko sa pagkatakot sa kaaway.
Dinggin mo ang aking tinig, O Diyos, pakinggan mo ang aking daing; ingatan mo ang aking buhay mula sa takot mula sa aking mga kaaway.
2 Ikubli mo ako sa lihim na payo ng mga manggagawa ng kasamaan; sa panggugulo ng mga manggagawa ng kasamaan:
Itago mo ako mula sa lihim na pakana ng mga mapaggawa ng masama, mula sa kaguluhan ng mga gumagawa ng masama.
3 Na siyang nangaghasa ng kanilang dila na parang tabak, at pinahilagpos ang kanilang mga palaso, sa makatuwid baga'y ang masasakit na salita:
Hinasa nila ang kanilang mga dila gaya ng mga espada; itinutok nila ang kanilang mga palaso, mapapait na mga salita,
4 Upang kanilang maihilagpos sa sakdal sa mga lihim na dako: biglang inihihilagpos nila sa kaniya at hindi natatakot.
para panain nila mula sa lihim na mga lugar ang mga taong walang kasalanan; agad nilang papanain siya at walang kinatatakutan.
5 Sila'y nagpapakatapang sa masamang akala; sila'y nagsasangusapan ng paglalagay ng lihim na silo; Sinasabi nila, Sinong makakakita?
Pinalalakas nila ang kanilang loob sa masamang plano; palihim silang nagpulong para maglagay ng mga patibong; sinasabi nila, “Sino ang makakikita sa atin?”
6 Sila'y nagsisipagsiyasat ng mga kasamaan; aming naganap, sabi nila, ang masikap na pagsiyasat; at ang pagiisip sa loob ng bawa't isa, at ang puso ay malalim.
Lumikha (sila) ng mga planong makasalanan; “Natapos namin,” sinasabi nila, “ang isang maingat na plano.” Malalim ang saloobin at puso ng tao.
7 Nguni't pahihilagpusan (sila) ng Dios; sila'y masusugatang bigla ng isang palaso.
Pero papanain (sila) ng Diyos; kaagad silang masusugatan ng kaniyang mga palaso.
8 Sa gayo'y sila'y matitisod palibhasa't ang kanilang sariling dila ay laban sa kanila: ang lahat na makakita sa kanila ay mangaguuga ng ulo.
Madarapa (sila) dahil laban sa kanila ang kanilang mga dila; iiling sa kanilang mga ulo ang lahat ng makakakita sa kanila.
9 At lahat ng mga tao ay mangatatakot; at kanilang ipahahayag ang salita ng Dios, at may karunungang kanilang bubuhayin ang kanilang gawa.
Matatakot ang lahat ng mga tao at ihahayag ang mga gawa ng Diyos. Pag-iisipan nilang mabuti ang tungkol sa kaniyang mga ginawa.
10 Ang matuwid ay matutuwa sa Panginoon, at manganganlong sa kaniya; at lahat ng mga matuwid sa puso ay magsisiluwalhati.
Magagalak kay Yahweh ang matuwid at kukubli (sila) sa kaniya; magmamalaki ang lahat ng matapat sa puso.

< Mga Awit 64 >