< Mga Awit 62 >
1 Sa Dios lamang naghihintay ng tahimik ang aking kaluluwa: sa kaniya galing ang aking kaligtasan.
Sa Diyos lamang ako naghihintay nang tahimik; magmumula sa kaniya ang aking kaligtasan.
2 Siya lamang ang aking kanlungan at aking kaligtasan: siya ang aking matayog na moog; hindi ako lubhang makikilos.
Siya lamang ang aking muog at aking kaligtasan; siya ang aking mataas na tore; ako ay hindi matitinag.
3 Hanggang kailan maghahaka kayo ng masama laban sa isang tao. Upang patayin siya ninyong lahat, na gaya ng pader na tumagilid, o bakod na nabubuwal?
Hanggang kailan kayong lahat sasalakay sa isang tao, para pabagsakin siya tulad ng isang pader o isang maugang bakuran?
4 Sila'y nagsisisangguni lamang upang ibagsak siya sa kaniyang karilagan; sila'y natutuwa sa mga kasinungalingan: sila'y nagsisibasbas ng kanilang bibig, nguni't nanganunumpa sa loob. (Selah)
Sumasangguni (sila) sa kaniya para ibagsak siya mula sa kaniyang marangal na posisyon; mahilig silang magsabi ng mga kasinungalingan; siya ay pinagpapala nila sa kanilang mga bibig, pero sa kanilang mga puso siya ay kanilang isinusumpa. (Selah)
5 Kaluluwa ko, maghintay kang tahimik sa Dios lamang; sapagka't ang aking pagasa ay mula sa kaniya.
Naghihintay ako nang tahimik para lamang sa Diyos; dahil nakatuon ang aking pag-asa sa kaniya.
6 Siya lamang ang aking malaking bato at aking kaligtasan: siya'y aking matayog na moog; hindi ako makikilos.
Siya lamang ang aking muog at kaligtasan; siya ang aking mataas na tore; ako ay hindi matitinag.
7 Nasa Dios ang aking kaligtasan at aking kaluwalhatian; ang malaking bato ng aking kalakasan, at ang kanlungan ko'y nasa Dios.
Sa Diyos ang aking kaligtasan at kaluwalhatian; nasa Diyos ang saligan ng aking kalakasan at kanlungan.
8 Magsitiwala kayo sa kaniya buong panahon, kayong mga bayan; buksan ninyo ang inyong dibdib sa harap niya; Dios ay kanlungan sa atin. (Selah)
Magtiwala kayo sa kaniya sa lahat ng oras, kayong mga tao; ibuhos ninyo ang inyong puso sa kaniyang harapan; kanlungan natin ang Diyos. (Selah)
9 Tunay na walang kabuluhan ang mga taong may mababang kalagayan, at ang mga taong may mataas na kalagayan ay kabulaanan: sa mga timbangan ay sasampa (sila) silang magkakasama ay lalong magaan kay sa walang kabuluhan.
Tunay na walang kabuluhan ang mga lalaking mahina ang katayuan, at kasinungalingan ang mga lalaking mataas ang katayuan; magaan silang tinimbang sa sukatan; pareho silang tinimbang, (sila) ay magaan kaysa sa wala.
10 Huwag kang tumiwala sa kapighatian, at huwag maging walang kabuluhan sa pagnanakaw: kung ang mga kayamanan ay lumago, huwag ninyong paglalagakan ng inyong puso.
Huwag kang magtitiwala sa pang-aapi o pagnanakaw; at huwag umasa sa walang kabuluhan na mga kayamanan, dahil wala itong maibubunga; huwag mong itutuon ang iyong puso sa mga ito.
11 Ang Dios ay nagsalitang minsan, makalawang aking narinig ito; na ang kapangyarihan ay ukol sa Dios:
Minsang nagsalita ang Diyos, dalawang beses kong narinig ang mga ito: sa Diyos nauukol ang kapangyarihan.
12 Sa iyo naman, Oh Panginoon, ukol ang kagandahang-loob: sapagka't ikaw ay nagbabayad sa bawa't tao ayon sa kaniyang gawa.
Gayundin sa inyo, Panginoon, nauukol ang katapatan sa tipan, dahil binabayaran mo ang bawat tao kung ano ang kaniyang ginawa.