< Mga Awit 52 >

1 Bakit ka naghahambog sa kasamaan, Oh makapangyarihang tao? Ang kagandahang-loob ng Dios ay palagi.
Bakit mo ipinagyayabang ang iyong panggugulo, ikaw malakas na lalaki? Ang katapatan ng Diyos sa tipan ay dumarating araw-araw.
2 Ang dila mo'y kumakatha ng totoong masama; gaya ng matalas na pangahit, na gumagawang may karayaan.
Nagbabalak ang iyong dila tulad ng matalim na labaha na mapandayang gumagawa.
3 Iniibig mo ang kasamaan ng higit kay sa kabutihan; at ang pagsisinungaling kay sa pagsasalita ng katuwiran. (Selah)
Minamahal mo ang kasamaan kaysa sa kabutihan at kasinungalingan kaysa sa pagsasabi ng katuwiran. (Selah)
4 Iniibig mo ang lahat na mananakmal na salita, Oh ikaw na magdarayang dila.
Mahal mo ang lahat ng mga salitang sumisira sa iba, ikaw na mandarayang dila.
5 Ilulugmok ka ring gayon ng Dios magpakailan man, itataas ka niya, at ilalabas ka sa iyong tolda, at bubunutin ka niya sa lupain ng may buhay. (Selah)
Kaya wawasakin ka rin ng Diyos magpakailanman; siya ang mag-aalis sa iyo at hahatakin kang palabas sa iyong tolda at bubunutin ka mula sa lupain ng mga nabubuhay. (Selah)
6 Makikita naman ng matuwid, at matatakot, at tatawa sa kaniya, na magsasabi,
Ang matuwid ay makikita rin ito at matatakot; tatawanan siya nila at sasabihing,
7 Narito, ito ang tao na hindi ginawang kaniyang katibayan, ang Dios; kundi tumiwala sa kasaganaan ng kaniyang mga kayamanan, at nagpakalakas sa kaniyang kasamaan.
“Tingnan mo, ito ang taong hindi ang Diyos ang ginawang kalakasan pero nagtiwala sa kasaganahan ng kaniyang kayamanan at pinatunayan ang kaniyang sarili sa kasamaang kaniyang ginagawa.”
8 Nguni't tungkol sa akin, ay gaya ako ng sariwang punong kahoy ng olibo sa bahay ng Dios: tumitiwala ako sa kagandahang-loob ng Dios magpakailan-kailan man.
Pero para sa akin, katulad ko ang isang berdeng punong olibo sa tahanan ng Diyos; ako ay magtitiwala sa katapatan ng Diyos sa tipan magpakailanpaman.
9 Ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailan man, sapagka't iyong ginawa: at ako'y maghihintay sa iyong pangalan sapagka't mabuti, sa harapan ng iyong mga banal.
Ako ay magbibigay pasasalamat, O Diyos, magpakailanman dahil sa mga bagay na iyong ginawa. Umaasa ako sa iyong pangalan, dahil ito ay mabuti sa harapan ng mga matatapat.

< Mga Awit 52 >