< Mga Awit 49 >

1 Dinggin ninyo ito, ninyong lahat na mga bayan; pakinggan ninyo, ninyong lahat na nananahan sa daigdig:
Pakinggan ninyo ito, lahat kayong mga mamamayan; ibaling ang inyong pandinig, lahat kayong mga naninirahan sa mundo,
2 Ng mababa at gayon din ng mataas, ng mayaman at ng dukha na magkasama.
kapwa mababa at mataas, mayaman at mahirap na magkakasama.
3 Ang aking bibig ay magsasalita ng karunungan; at ang pagbubulay ng aking puso ay magiging sa pagunawa.
Magsasabi ang aking bibig ng karunungan at ang magiging pagbubulay-bulay ng aking puso ay pang-unawa.
4 Ikikiling ko ang aking panig sa talinghaga: ibubuka ko ang aking malabong sabi sa alpa.
Ikikiling ko ang aking pandinig sa isang parabola; sisimulan ko ang aking parabola gamit ang alpa.
5 Bakit ako matatakot sa mga kaarawan ng kasamaan, pagka kinukulong ako ng kasamaan sa aking mga sakong?
Bakit kailangang matakot ako sa mga araw ng kasamaan, kapag napapaligiran ako ng kasamaan sa aking mga sakong?
6 Silang nagsisitiwala sa kanilang kayamanan, at nangaghahambog sa karamihan ng kanilang mga kayamanan;
Ang mga nagtitiwala sa kanilang yaman at ipinagmamalaki ang halaga ng kanilang yaman -
7 Wala sa kaniyang makatutubos sa ano pa mang paraan sa kaniyang kapatid, ni magbibigay man sa Dios ng pangtubos sa kaniya:
tiyak na walang makatutubos sa kaniyang kapatid o makapagbibigay sa Diyos ng panubos para sa kaniya,
8 (Sapagka't ang katubusan ng kanilang kaluluwa ay mahal, at ito'y naglilikat magpakailan man: )
Dahil mahal ang pagtubos ng buhay ng isang tao, at sa ating pagkakautang walang makakapagbayad.
9 Upang siya'y mabuhay na lagi, upang siya'y huwag makakita ng kabulukan.
Walang mabubuhay ng magpakailanman nang hindi mabubulok ang kanyang katawan.
10 Sapagka't nakikita niya na ang mga pantas ay nangamamatay, ang mangmang at gayon din ang hangal ay nililipol, at iniiwanan ang kanilang kayamanan sa mga iba.
Dahil makararanas siya ng pagkabulok. Ang mga marurunong ay namamatay; ang mga hangal at ang mga malupit ay parehong mamamatay at iiwanan nila ang kanilang kayamanan sa iba.
11 Ang kanilang pagiisip sa loob ay, na ang kanilang mga bahay ay mananatili magpakailan man, at ang kanilang mga tahanang dako ay sa lahat ng sali't saling lahi; tinatawag nila ang kanilang mga lupain ayon sa kanilang sariling mga pangalan.
Ang nasa kaloob-looban ng kaisipan nila ay magpapatuloy ang kanilang mga pamilya magpakailanman, pati na ang mga lugar kung saan (sila) naninirahan, sa lahat ng mga salinlahi; tinawag nila ang kanilang mga lupain ayon sa kanilang mga pangalan.
12 Nguni't ang tao'y hindi lalagi sa karangalan: siya'y gaya ng mga hayop na nangamamatay.
Pero ang tao na may taglay na yaman ay hindi nananatiling buhay; tulad siya ng mga hayop na namamatay.
13 Itong kanilang lakad ay kanilang kamangmangan: gayon ma'y pagkatapos nila ay sinasangayunan ng mga tao ang kanilang mga kasabihan. (Selah)
Ito, ang kanilang pamamaraan, ay kanilang kahangalan; pero pagkatapos nila, ang mga tao ay sumasang-ayon sa kanilang mga sinasabi. (Selah)
14 Sila'y nangatakda sa Sheol na parang kawan; kamatayan ay magiging pastor sa kanila: at ang matuwid ay magtataglay ng kapangyarihan sa kanila sa kinaumagahan; at ang kanilang kagandahan ay mapapasa Sheol upang matunaw, upang mawalan ng tahanan. (Sheol h7585)
Itinatalaga (sila) tulad ng isang kawan na pupunta sa sheol; kamatayan ang kanilang magiging pastol; ang matuwid ay magkakaroon ng kapangyarihan sa kanila pagsapit ng umaga; lalamunin ng sheol ang kanilang mga katawan at wala silang lugar na matitirahan. (Sheol h7585)
15 Nguni't tutubusin ng Dios ang aking kaluluwa sa kapangyarihan ng Sheol: sapagka't tatanggapin niya ako. (Selah) (Sheol h7585)
Pero tutubusin ng Diyos ang aking buhay mula sa kapangyarihan ng sheol; ako ay kaniyang tatanggapin. (Selah) (Sheol h7585)
16 Huwag kang matakot pagka may yumaman. Pagka ang kaluwalhatian ng kaniyang bahay ay lumago:
Huwag matakot kapag may isang taong yumayaman, kapag ang kapangyarihan ng kaniyang pamilya ay lumalawak,
17 Sapagka't pagka siya'y namatay ay wala siyang dadalhin; ang kaniyang kaluwalhatian ay hindi bababang susunod sa kaniya.
dahil kapag siya ay namatay, wala siyang dadalhin kahit anong bagay; hindi niya kasamang bababa ang kanyang kapangyarihan.
18 Bagaman habang siya'y nabuhay ay kaniyang pinagpala ang kaniyang kaluluwa, (at pinupuri ka ng mga tao pagka gumagawa ka ng mabuti sa iyong sarili),
Pinagpala niya ang kaniyang kaluluwa habang siya ay nabubuhay - at pinupuri ka ng mga tao kapag namumuhay ka para sa iyong sarili -
19 Siya'y paroroon sa lahi ng kaniyang mga magulang; hindi (sila) makakakita kailan man ng liwanag.
pupunta siya sa salinlahi ng kanyang mga ama at hindi nila kailanman makikitang muli ang liwanag.
20 Taong nasa karangalan, at hindi nakakaunawa, ay gaya ng mga hayop na namamatay.
Ang isang taong may yaman pero walang pang-unawa ay tulad ng mga hayop na namamatay.

< Mga Awit 49 >