< Mga Awit 48 >
1 Dakila ang Panginoon, at marapat pakapurihin, sa bayan ng aming Dios, sa kaniyang banal na bundok.
2 Maganda sa kataasan, ang kagalakan ng buong lupa, siyang bundok ng Sion, sa mga dako ng hilagaan, na bayan ng dakilang Hari.
3 Ang Dios ay napakilala sa kaniyang mga bahay-hari, na pinakakanlungan.
4 Sapagka't narito, ang mga hari ay nagpupulong, sila'y nagsidaang magkakasama.
5 Kanilang nakita, nagsipanggilalas nga (sila) sila'y nanganglupaypay, sila'y nangagmadaling tumakas.
6 Panginginig ay humawak sa kanila roon; sakit, gaya ng sa isang babae sa pagdaramdam.
7 Sa pamamagitan ng hanging silanganan iyong binabasag ang mga sasakyan sa Tharsis.
8 Kung ano ang aming narinig, ay gayon ang aming nakita sa bayan ng Panginoon ng mga hukbo, sa bayan ng aming Dios: itatatag ito ng Dios magpakailan man. (Selah)
9 Aming inaalaala ang iyong kagandahang-loob, Oh Dios, sa gitna ng iyong templo.
10 Kung ano ang iyong pangalan, Oh Dios, gayon ang pagpuri sa iyo hanggang sa mga wakas ng lupa; ang iyong kanan ay puspos ng katuwiran.
11 Matuwa ka bundok ng Sion, magalak ang mga anak na babae ng Juda, dahil sa iyong mga kahatulan.
12 Libutin ninyo ang Sion, at inyong ligirin siya: inyong saysayin ang mga moog niyaon.
13 Tandaan ninyong mabuti ang kaniyang mga kuta, inyong masdan ang kaniyang mga bahay-hari; upang inyong maisaysay ito sa susunod na lahi.
14 Sapagka't ang Dios na ito ay ating Dios magpakailan-kailan man: siya'y magiging ating patnubay hanggang sa kamatayan.