< Mga Awit 46 >
1 Ang Dios ay ating ampunan at kalakasan, handang saklolo sa kabagabagan.
Ang Diyos ang ating kublihan at kalakasan, ang handang tumulong kapag may kaguluhan.
2 Kaya't hindi tayo matatakot bagaman ang lupa ay mabago, at bagaman ang mga bundok ay mangaglipat sa kagitnaan ng mga dagat;
Kaya nga, hindi kami matatakot, kahit na ang lupa ay mabago, kahit na ang mga kabundukan ay mayanig papunta sa puso ng karagatan,
3 Bagaman ang tubig niyaon ay magsihugong at mabagabag. Bagaman ang mga bundok ay mangauga dahil sa unos niyaon. (Selah)
kahit na ang mga tubig nito ay umugong at mangalit, at kahit ang mga kabundukan ay mayanig sa pagragasa ng tubig. (Selah)
4 May isang ilog, na ang mga agos ay nagpapasaya sa bayan ng Dios. Sa banal na dako ng mga tabernakulo ng Kataastaasan.
Doon ay may isang ilog, na ang agos ay pinasasaya ang lungsod ng Diyos, ang banal na lugar ng mga tabernakulo ng Kataas-taasan.
5 Ang Dios ay nasa gitna niya; siya'y hindi makikilos: tutulungan siya ng Dios na maaga.
Ang Diyos ay nasa gitna niya; siya ay hindi matitinag; tutulungan siya ng Diyos, at gagawin niya ito sa pagbubukang-liwayway.
6 Ang mga bansa ay nangagkagulo, ang mga kaharian ay nangakilos: inihiyaw niya ang kaniyang tinig, ang lupa ay natunaw.
Ang mga bansa ay napoot at ang mga kaharian ay nayanig; ang tinig niya ay kaniyang itinaas, at ang lupa ay naagnas.
7 Ang Panginoon ng mga hukbo ay sumasa atin; ang Dios ni Jacob ay ating kanlungan. (Selah)
Si Yahweh, ang Diyos ng mga hukbo ay kasama natin; ang Diyos ni Jacob na kublihan natin. (Selah)
8 Kayo'y parito, inyong masdan ang mga gawa ng Panginoon, kung anong mga kagibaan ang kaniyang ginawa sa lupa.
Lumapit kayo, masdan ang mga ginawa ni Yahweh, ang pagkawasak na kaniyang idinulot sa mundo.
9 Kaniyang pinapaglilikat ang mga pagdidigma sa wakas ng lupa; kaniyang binabali ang busog, at pinuputol ang sibat; kaniyang sinusunog ang mga karo sa apoy.
Pinahihinto niya ang mga digmaan sa dulo ng mundo; binali niya ang mga pana at ang mga sibat ay pinagpira-piraso; ang mga panangga ay kaniyang sinunog.
10 Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Dios: ako'y mabubunyi sa gitna ng mga bansa, ako'y mabubunyi sa lupa.
Tumahimik kayo at kilalanin ninyo na ako ay Diyos; itatanghal ako sa ginta ng mga bansa; itatanghal ako sa mundo.
11 Ang Panginoon ng mga hukbo ay sumasa atin; ang Dios ni Jacob ay ating kanlungan.
Si Yahweh ng mga hukbo ay sasaatin; ang Diyos ni Jacob ang kublihan natin. (Selah)