< Mga Awit 39 >
1 Aking sinabi, ako'y magiingat sa aking mga lakad, upang huwag akong magkasala ng aking dila: aking iingatan ang aking dila ng paningkaw, samantalang ang masama ay nasa harap ko.
2 Ako'y napipi ng pagtahimik, ako'y tumahimik pati sa mabuti; at ang aking kalungkutan ay lumubha.
3 Ang aking puso ay mainit sa loob ko; habang ako'y nagbubulaybulay ay nagalab ang apoy: nang magkagayo'y nagsalita ako ng aking dila:
4 Panginoon, ipakilala mo sa akin ang aking wakas, at ang sukat ng aking mga kaarawan, kung ano; ipakilala mo sa akin kung gaano kahina ako.
5 Narito, gaya ng mga dangkal ginawa mo ang aking mga kaarawan; at ang aking gulang ay tila wala sa harap mo: tunay na bawa't tao sa kaniyang mainam na kalagayan ay pawang walang kabuluhan. (Selah)
6 Tunay na bawa't tao ay lumalakad sa walang kabuluhang lilim: tunay na sila'y nagugulo ng walang kabuluhan: kaniyang ibinubunton ang mga kayamanan, at hindi nalalaman kung sinong nagsisipulot.
7 At ngayon, Panginoon, ano pa ang aking hinihintay? Ang aking pagasa ay nasa iyo.
8 Iligtas mo ako sa lahat ng aking mga pagsalangsang: huwag mo akong gawing katuyaan ng hangal.
9 Ako'y pipi, hindi ko ibinuka ang aking bibig; sapagka't ikaw ang gumawa.
10 Iurong mo sa akin ang iyong suntok: ako'y bugbog na sa suntok ng iyong kamay.
11 Pagka sa pamamagitan ng mga parusa dahil sa kasamaan ay iyong sinasaway ang tao, iyong sinisira ang kaniyang kagandahan na parang pagsira ng tanga: tunay na bawa't tao ay walang kabuluhan. (Selah)
12 Iyong dinggin ang aking dalangin, Oh Panginoon, at pakinggan mo ang aking daing: huwag kang tumahimik sa aking mga luha: sapagka't ako'y taga ibang lupa na kasama mo; nakikipamayan na gaya ng lahat na aking mga magulang.
13 Oh tulungan mo ako, upang ako'y magbawing lakas, Bago ako manaw, at mawala.