< Mga Awit 38 >
1 Oh Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong pag-iinit: ni parusahan mo man ako sa iyong mahigpit na sama ng loob.
2 Sapagka't ang iyong mga pana ay nagsitimo sa akin, at pinipisil akong mainam ng iyong kamay.
3 Walang kagalingan sa aking laman dahil sa iyong pagkagalit; ni may kaginhawahan man sa aking mga buto dahil sa aking kasalanan.
4 Sapagka't ang aking mga kasamaan ay nagsidaan sa ibabaw ng aking ulo: gaya ng isang pasang mabigat ay napakabigat sa akin.
5 Ang aking mga sugat ay mabaho, at putokputok, dahil sa aking kamangmangan.
6 Ako'y nahirapan at ako'y nahukot; ako'y tumatangis buong araw.
7 Sapagka't ang aking mga balakang ay lipos ng hirap; at walang kagalingan sa aking laman.
8 Ako'y nanglalata, at bugbog na mainam: ako'y umangal dahil sa kaba ng aking loob.
9 Panginoon, lahat ng aking nais ay nasa harap mo; at ang aking hibik ay hindi lingid sa iyo.
10 Ang aking loob ay kakabakaba, ang aking kalakasan ay nanglalata: tungkol sa liwanag ng aking mga mata, ay napawi rin ito sa akin.
11 Ang mga mangliligaw at mga kaibigan ko ay nangatayong malayo sa aking paghihirap; at ang aking mga kamaganak ay nakalayo.
12 (Sila) namang nangaguusig ng aking buhay ay nangaglagay ng mga silo na ukol sa akin; at silang nagsisihanap ng aking ikapapahamak ay nangagsasalita ng mga masasamang bagay, at nangagiisip ng pagdaraya buong araw.
13 Nguni't ako'y gaya ng binging tao, na hindi nakakarinig; at ako'y gaya ng piping tao, na hindi ibinubuka ang kaniyang bibig.
14 Oo, ako'y gaya ng tao na hindi nakakarinig, at sa kaniyang bibig ay walang mga kasawayan.
15 Sapagka't sa iyo, Oh Panginoon ay umaasa ako: ikaw ay sasagot, Oh Panginoon kong Dios.
16 Sapagka't aking sinabi: Baka ako'y kagalakan nila: pagka ang aking paa ay nadudulas, ay nagsisipagmataas (sila) laban sa akin.
17 Sapagka't ako'y madali ng mahulog, at ang aking kapanglawan ay laging nasa harap ko.
18 Sapagka't aking ipahahayag ang aking kasamaan; aking ikamamanglaw ang aking kasalanan.
19 Nguni't ang aking mga kaaway ay buhay at malalakas: at silang nangagtatanim sa akin na may kamalian ay dumami.
20 (Sila) namang nangagbabayad ng kasamaan sa mabuti ay mga kaaway ko, sapagka't aking sinunod ang bagay na mabuti.
21 Huwag mo akong pabayaan, Oh Panginoon: Oh Dios ko, huwag kang lumayo sa akin.
22 Magmadali kang tulungan mo ako, Oh Panginoon na aking kaligtasan.