< Mga Awit 16 >
1 Ingatan mo ako, Oh Dios; sapagka't sa iyo nanganganlong ako.
Ingatan mo ako, O Diyos, dahil sa iyo ako kumukubli.
2 Oh kaluluwa ko, iyong sinabi sa Panginoon, ikaw ay aking Panginoon: ako'y walang kabutihan liban sa iyo.
Sinasabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang aking Diyos; ang kabutihan ko ay walang saysay nang malayo sa iyo.
3 Tungkol sa mga banal na nangasa lupa, (sila) ang maririlag na mga kinalulugdan kong lubos.
Para sa mga taong banal na nasa daigdig, (sila) ay mararangal na tao; ang kasiyahan ko ay nasa kanila.
4 Ang mga kalumbayan nila ay dadami, na nangaghahandog sa ibang dios: ang kanilang inuming handog na dugo ay hindi ko ihahandog, ni sasambitin man ang kanilang mga pangalan sa aking mga labi.
Ang kanilang kapahamakan ay lalawig, silang naghahanap ng ibang diyos. Hindi ako magbubuhos ng inuming handog na dugo sa kanilang mga diyos o magtataas ng kanilang mga pangalan gamit ang aking mga labi.
5 Ang Panginoon ay siyang bahagi ng aking mana at ng aking saro: iyong inaalalayan ang aking kapalaran.
Ikaw ang aking bahagi at ang aking kopa, O Yahweh. Hawak mo aking tadhana.
6 Ang pising panukat ay nangahulog sa akin sa mga maligayang dako; Oo, ako'y may mainam na mana.
Mga panukat na guhit ay inalagay para sakin sa mga kalugod-lugod na lugar; tiyak na magandang pamana ang inilaan para sa akin.
7 Aking pupurihin ang Panginoon na nagbibigay sa akin ng payo: Oo, tinuturuan ako sa gabi ng aking puso.
Pupurihin ko si Yahweh na naggagabay sa akin; maging sa gabi, ang isipan ko ay nagtuturo sa akin.
8 Aking inilagay na lagi ang Panginoon sa harap ko: sapagka't kung siya ay nasa aking kanan, hindi ako makikilos.
Inuuna ko si Yahweh sa lahat ng oras, kaya't hindi ako mayayanig mula sa kaniyang kanang kamay!
9 Kaya't ang aking puso ay masaya, at ang aking kaluwalhatian ay nagagalak: ang akin namang katawan ay tatahang tiwasay.
Kaya nga ang puso ko ay magagalak, ang nagpaparangal kong puso ay magpupuri sa kaniya; tiyak na mabubuhay ako nang panatag.
10 Sapagka't hindi mo iiwan ang aking kaluluwa sa Sheol; ni hindi mo man titiisin ang iyong banal ay makakita ng kabulukan. (Sheol )
Dahil hindi mo iiwan ang aking kaluluwa sa Sheol. Hindi mo pababayaan ang tapat sa iyo na masilayan ang hukay. (Sheol )
11 Iyong ituturo sa akin ang landas ng buhay: nasa iyong harapan ang kapuspusan ng kagalakan; sa iyong kanan ay may mga kasayahan magpakailan man.
Tinuturo mo sa akin ang landas ng buhay; nag-uumapaw na kagalakan ay nananahan sa iyong piling; labis na tuwa ay nananatili sa iyong kanang kamay magpakailanman!