< Mga Awit 147 >

1 Purihin ninyo ang Panginoon; sapagka't mabuting umawit ng mga pagpuri sa ating Dios; sapagka't maligaya, at ang pagpuri ay nakalulugod.
Purihin si Yahweh! Mabuting umawit sa ating Diyos. Kasiya-siya at nararapat lang na gawin ito.
2 Itinatayo ng Panginoon ang Jerusalem; kaniyang pinipisan ang mga natapon na Israel.
Nawasak ang Jerusalem, pero tinutulungan tayo ni Yahweh na itayo ulit ito.
3 Kaniyang pinagagaling ang mga may bagbag na puso, at tinatalian niya ang kanilang mga sugat.
Ibinabalik niya ang mga taong dinala sa ibang bayan. Pinalalakas niya ulit ang mga pinanghihinaan ng loob at pinagagaling ang kanilang mga sugat.
4 Kaniyang sinasaysay ang bilang ng mga bituin; siya ang nagbibigay sa kanila ng lahat nilang pangalan.
Siya ang lumikha ng mga bituin.
5 Dakila ang ating Panginoon, at makapangyarihan sa kapangyarihan; ang kaniyang unawa ay walang hanggan,
Dakila at makapangyarihan si Yahweh, at walang kapantay ang kaniyang karunungan.
6 Inaalalayan ng Panginoon ang maamo: kaniyang inilulugmok sa lupa ang masama.
Itinataas ni Yahweh ang mga inaapi, at ibinababa niya ang mga masasama.
7 Magsiawit kayo sa Panginoon ng pagpapasalamat; magsiawit kayo sa alpa ng mga pagpuri sa ating Dios:
Umawit kay Yahweh ng may pasasalamat; gamit ang alpa, umawit ng papuri para sa ating Diyos.
8 Na nagtatakip sa mga langit ng mga alapaap. Na siyang naghahanda ng ulan sa lupa, na nagpapatubo ng damo sa mga bundok.
Tinatakpan niya ang kalangitan ng mga ulap at hinahanda ang ulan para sa lupa, na nagpapalago ng mga damo sa mga kabunkukan.
9 Siya'y nagbibigay sa hayop ng kaniyang pagkain. At sa mga inakay na uwak na nagsisidaing.
Binibigyan niya ng pagkain ang mga hayop at mga inakay na uwak kapag (sila) ay umiiyak.
10 Siya'y hindi nalulugod sa lakas ng kabayo: siya'y hindi nasasayahan sa mga paa ng tao.
Hindi siya humahanga sa bilis ng kabayo o nasisiyahan sa lakas ng binti ng isang tao.
11 Ang Panginoon ay naliligaya sa kanila na nangatatakot sa kaniya, sa nagsisiasa sa kaniyang kagandahang-loob.
Nasisiyahan si Yahweh sa mga nagpaparangal sa kaniya, sa mga umaasa sa katapatan niya sa tipan.
12 Purihin mo ang Panginoon, Oh Jerusalem; purihin mo ang iyong Dios, Oh Sion.
Purihin niyo si Yahweh, kayong mga mamamayan ng Jerusalem! Purihin niyo ang inyong Diyos, Sion.
13 Sapagka't kaniyang pinatibay ang mga halang ng iyong mga pintuang-bayan; kaniyang pinagpala ang iyong mga anak sa loob mo.
Dahil pinalalakas niya ang rehas ng inyong mga tarangkahan, pinagpapala niya ang mga batang kasama ninyo.
14 Siya'y gumagawa ng kapayapaan sa iyong mga hangganan; kaniyang binubusog ka ng pinakamainam na trigo.
Pinagyayaman niya ang mga nasa loob ng inyong hangganan, pinasasaya niya kayo sa pamamagitan ng pinakamaiinam na trigo.
15 Kaniyang sinusugo ang kaniyang utos sa lupa; ang kaniyang salita ay tumatakbong maliksi.
Pinadadala niya ang kaniyang kautusan sa mundo, dumadaloy ito nang maayos.
16 Siya'y nagbibigay ng nieve na parang balahibo ng tupa; siya'y nagkakalat ng eskarcha na parang abo.
Ginagawa niyang parang nyebe ang lana, pinakakalat niya ang mga yelo na parang abo.
17 Kaniyang inihahagis na parang putol na maliit ang kaniyang hielo: sinong makatatagal sa harap ng lamig niyaon?
Nagpapaulan siya ng yelo na parang mumo, sinong makatitiis ng ginaw na pinadala niya?
18 Kaniyang pinahahatdan ng salita, at tinutunaw: kaniyang pinahihihip ang kaniyang hangin, at ang tubig ay pinaagos.
Ipinahahayag niya ang kaniyang utos at tinutunaw ito, pina-iihip niya ang hangin at pinadadaloy niya ang tubig.
19 Kaniyang ipinabatid ang kaniyang salita sa Jacob, ang kaniyang mga palatuntunan at mga kahatulan sa Israel.
Ipinahayag niya ang kaniyang salita kay Jacob, ang mga alituntunin niya at makatuwirang mga utos sa Israel.
20 Siya'y hindi gumawa ng gayon sa alin mang bansa: at tungkol sa kaniyang mga kahatulan, hindi nila nalaman. Purihin ninyo ang Panginoon.
Hindi niya ginawa ito sa ibang bayan, wala silang alam sa kaniyang mga utos. Purihin si Yahweh.

< Mga Awit 147 >