< Mga Awit 144 >
1 Purihin ang Panginoon na aking malaking bato, na tinuturuan ang mga kamay ko na makipagdigma, at ang mga daliri ko na magsilaban:
Purihin si Yahweh, aking muog, na siyang nagsasanay ng aking mga kamay para sa digmaan at sa aking mga daliri para sa labanan.
2 Aking kagandahang-loob, at aking katibayan, aking matayog na moog, at aking tagapagligtas; aking kalasag, at siya na doon ako nanganganlong; na siyang nagpapasuko ng aking bayan sa akin.
Ikaw ang aking katapatan sa tipan at aking tanggulan, ang aking matayog na tore at siyang sumasagip sa akin, ang aking pananggalang at siyang aking kanlungan, na siyang nagpasuko ng mga bayan sa ilalim ko.
3 Panginoon, ano ang tao, upang iyong kilalanin siya? O ang anak ng tao, upang iyong pahalagahan siya?
Yahweh, ano ang tao na nakukuha niya ang iyong pansin o sa anak ng tao na iniisip mo ang tungkol sa kaniya?
4 Ang tao ay parang walang kabuluhan: ang kaniyang mga kaarawan ay parang lilim na napaparam.
Ang tao ay gaya ng isang hininga, ang kaniyang mga araw ay gaya ng isang dumaraang anino.
5 Ikiling mo ang iyong mga langit, Oh Panginoon, at bumaba ka: hipuin mo ang mga bundok, at magsisiusok.
Yahweh, palubugin mo ang kalangitan at bumaba ka; hawakan mo ang mga bundok at pausukin (sila)
6 Maghagis ka ng kidlat, at pangalatin mo (sila) suguin mo ang iyong mga pana, at lituhin mo (sila)
Magpadala ka ng mga kislap ng kidlat at bulabugin mo ang aking mga kaaway; pakawalan mo ang iyong palaso at ibalik (sila) sa kaguluhan.
7 Iunat mo ang iyong kamay mula sa itaas; sagipin mo ako, at iligtas mo ako sa malaking tubig, sa kamay ng mga taga ibang lupa;
Iabot mo ang iyong kamay mula sa itaas, sagipin mo ako sa maraming tubig mula sa mga kamay ng mga dayuhan.
8 Na ang bibig ay nagsasalita ng karayaan, at ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.
Ang kanilang mga bibig ay nagsisinungaling, at ang kanilang kanang kamay ay kabulaanan.
9 Ako'y aawit ng bagong awit sa iyo, Oh Dios: sa salterio na may sangpung kawad ay aawit ako ng mga pagpuri sa iyo.
Ako ay aawit ng bagong awitin sa iyo, O Diyos; sa isang alpa na may sampung kwerdas, aawitan kita ng mga papuri.
10 Siya ang nagbibigay ng kaligtasan sa mga hari: na siyang nagligtas kay David na kaniyang lingkod sa manunugat na tabak.
Nagbigay ka ng kaligtasan sa mga hari; sinagip mo si David na iyong lingkod mula sa masamang espada.
11 Sagipin mo ako, at iligtas mo ako sa kamay ng mga taga ibang lupa. Na ang bibig ay nagsasalita ng karayaan, at ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.
Sagipin mo ako at palayain mula sa mga kamay ng mga dayuhan. Ang kanilang mga bibig ay nagsisinungaling, at ang kanilang kanang kamay ay kabulaanan.
12 Pagka ang aming mga anak na lalake ay magiging parang mga pananim na lumaki sa kanilang kabataan; at ang aming mga anak na babae ay parang mga panulok na bato na inanyuan ayon sa anyo ng isang palasio.
Nawa ang aming mga anak na lalaki ay maging tulad ng halaman na lumago ng buong laki sa kanilang kabataan at ang mga anak na babae ay tulad ng inukit na sulok na poste, na may magandang hubog gaya ng mga nasa palasyo.
13 Pagka ang mga kamalig namin ay puno, na may sarisaring bagay; at ang mga tupa namin ay nanganganak ng mga libo at mga sangpung libo sa aming mga parang;
Nawa ang ating kamalig ay mapuno ng sari-saring bunga, at ang ating tupa ay manganak ng libo-libo sa ating mga bukirin.
14 Pagka ang mga baka namin ay napapasanang mabuti; pagka walang salot, at sakuna, at walang panaghoy sa aming mga lansangan;
Pagkatapos ang ating mga baka ay magkakaroon ng maraming anak. Walang sinuman ang makakasira ng ating mga pader; doon ay walang taong itatapon at hihiyaw sa aming mga lansangan.
15 Maginhawa ang bayan, na nasa gayong kalagayan: maginhawa ang bayan na ang Dios ay ang Panginoon.
Mapalad ang mga tao na may ganitong mga pagpapala; maligaya ang tao na ang Diyos ay si Yahweh.