< Mga Awit 14 >
1 Ang mangmang ay nagsabi sa kaniyang puso, walang Dios: sila'y nangapapahamak, sila'y nagsigawa ng kasuklamsuklam na mga gawa; walang gumagawa ng mabuti,
Sinasabi ng mangmang sa kaniyang puso, “Walang Diyos.” (Sila) ay masama at nakagawa ng kasuklam-suklam na kasalanan; walang sinuman ang gumagawa ng mabuti.
2 Tinutunghan ng Panginoon ang mga anak ng mga tao mula sa langit, upang tingnan, kung may sinomang nakakaunawa, na hinahanap ng Dios.
Si Yahweh ay tumingin sa baba mula sa langit sa mga anak ng sangkatauhan para makita kung mayroong sinuman ang nakauunawa, kung sino ang naghahanap sa kaniya.
3 Silang lahat ay nagsihiwalay; sila'y magkakasama na naging kahalayhalay; walang gumagawa ng mabuti, wala, wala kahit isa.
Ang lahat ay tumalikod; ang lahat ay naging marumi; walang sinuman ang gumagawa ng mabuti, wala, kahit isa.
4 Wala bang kaalaman ang lahat na manggagawa ng kasamaan? na siyang nagsisikain sa aking bayan na tila nagsisikain ng tinapay, at hindi nagsisitawag sa Panginoon.
Hindi ba nila alam ang kahit na ano, (sila) na nakagawa ng kasalanan, (sila) na nilalamon ang aking mga tao gaya ng pagkain ng tinapay, pero hindi tumatawag kay Yahweh?
5 Doo'y nangapasa malaking katakutan (sila) sapagka't ang Dios ay nasa lahi ng matuwid.
(Sila) ay nanginginig ng may pangamba, dahil kasama ng Diyos ang matuwid na kapulungan!
6 Inyong inilalagay sa kahihiyan ang payo ng dukha, sapagka't ang Panginoon ang kaniyang kanlungan.
Gusto mong hiyain ang taong mahirap kahit na si Yahweh ang kaniyang kanlungan.
7 Oh kung ang kaligtasan ng Israel ay nanggagaling sa Sion! Kung ibabalik ng Panginoon ang nangabihag ng kaniyang bayan, magagalak nga ang Jacob, at masasayahan ang Israel.
Oh, ang kaligtasan ng Israel ay manggagaling mula sa Sion! Kapag binalik ni Yahweh ang kaniyang bayan mula sa pagkakabihag, magagalak si Jacob at matutuwa ang Israel!