< Mga Awit 139 >
1 Oh Panginoon, iyong siniyasat ako, at nakilala ako.
Yahweh, sinayasat mo ako at kilala.
2 Iyong nakikilala ang aking pag-upo at ang aking pagtindig, iyong nauunawa ang aking pagiisip sa malayo.
Alam mo kung kailan ako uupo at babangon; kahit malayo ka sa akin nauunawaan mo ang aking saloobin.
3 Iyong siniyasat ang aking landas at ang aking higaan, at iyong kilala ang lahat kong mga lakad.
Minamasdan mo ang aking daan at kapag ako ay nahihiga; alam mo ang lahat sa aking pamumuhay.
4 Sapagka't wala pa ang salita sa aking dila, nguni't, narito, Oh Panginoon, natatalastas mo nang buo.
Yahweh, wala akong sinasabi na hindi mo lubos na alam.
5 Iyong kinulong ako sa likuran at sa harapan, at inilapag mo ang iyong kamay sa akin.
Sa likuran at harapan ay nandoon ang iyong mga kamay sa akin.
6 Ang ganyang kaalaman ay totoong kagilagilalas sa akin; ito'y mataas, hindi ko maabot.
Ang ganoong kaalaman ay labis para sa akin; ito ay labis na mataas at hindi ko ito kayang maunawaan.
7 Saan ako paroroon na mula sa iyong Espiritu? O saan ako tatakas na mula sa iyong harapan?
Saan ako maaaring pumunta para makatakas mula sa iyong Espiritu? Saan ako makakalayo mula sa iyong presensiya?
8 Kung sumampa ako sa langit, nandiyan ka: kung gawin ko ang aking higaan sa Sheol, narito, ikaw ay nandoon. (Sheol )
Kung aakyat ako sa kalangitan, naroon ka; kung gagawa ako ng higaan sa sheol, makikita na naroon ka. (Sheol )
9 Kung aking kunin ang mga pakpak ng umaga, at tumahan sa mga pinakadulong bahagi ng dagat;
Kung lilipad ako palayo sa mga pakpak ng umaga at pupunta para mamuhay sa pinakamalayong mga bahagi sa kabila ng karagatan,
10 Doon ma'y papatnubayan ako ng iyong kamay, at ang iyong kanang kamay ay hahawak sa akin.
kahit doon ang iyong kamay ang aakay sa akin, at ang iyong kanang kamay ang hahawak sa akin.
11 Kung aking sabihin, Tunay na tatakpan ako ng kadiliman, at ang liwanag sa palibot ko ay magiging gabi;
Kung sasabihin ko, “Tiyak na itatago ako ng kadiliman at ang gabi ang aking magiging liwanag;”
12 Ang kadiliman man ay hindi nakakukubli sa iyo, kundi ang gabi ay sumisilang na parang araw: ang kadiliman at kaliwanagan ay magkaparis sa iyo.
hindi makakapagtago kahit ang kadiliman mula sa iyo. Lumiliwanag ang gabi tulad ng umaga, dahil ang kadiliman at liwanag ay magkatulad sa iyo.
13 Sapagka't iyong inanyo ang aking mga lamang loob: iyo akong tinakpan sa bahay-bata ng aking ina.
Ikaw ang humulma sa aking pagkatao; ikaw ang humulma sa akin sa sinapupunan ng aking ina.
14 Ako'y magpapasalamat sa iyo; sapagka't nilalang ako na kakilakilabot at kagilagilalas: kagilagilalas ang iyong mga gawa; at nalalamang mabuti ng aking kaluluwa.
Magpapasalamat ako sa iyo, dahil ang iyong mga gawa ay kahanga-hanga at kamangha-mangha. Alam na alam mo ang aking buhay.
15 Ang katawan ko'y hindi nakubli sa iyo, nang ako'y gawin sa lihim, at yariing mainam sa mga pinakamababang bahagi sa lupa.
Ang aking katawan ay hindi naitago mula sa iyo noong ako ay lihim na binuo, noong ako ay magulong nilikha sa kailaliman ng mundo.
16 Nakita ng iyong mga mata ang aking mga sangkap na di sakdal, at sa iyong aklat ay pawang nangasulat, kahit na ang mga araw na itinakda sa akin, nang wala pang anoman sa kanila,
Nakita mo ako sa loob ng sinapupunan; ang lahat ng araw na nakatalaga para sa akin ay nakatala sa iyong libro kahit bago pa ito ang unang nangyari.
17 Pagka mahalaga rin ng iyong mga pagiisip sa akin, Oh Dios! Pagka dakila ng kabuoan nila!
Napakahalaga ng iyong kaisipan sa akin, O Diyos! Napakalawak ng kanilang kabuuan.
18 Kung aking bibilangin, higit (sila) sa bilang kay sa buhangin: pagka ako'y nagigising ay laging nasa iyo ako.
Kung susubukan ko itong bilangin, (sila) ay higit pa sa bilang ng mga buhangin. Sa aking paggising, ako ay nasa iyo pa rin.
19 Walang pagsalang iyong papatayin ang masama, Oh Dios: hiwalayan nga ninyo ako, Oh mga mabagsik na tao.
Kung iyo lamang papatayin ang masasama, O Diyos; lumayo sa akin, ikaw na marahas na tao.
20 Sapagka't sila'y nangagsasalita laban sa iyo ng kasamaan, at ginagamit ng iyong mga kaaway ang iyong pangalan sa walang kabuluhan.
(Sila) ay naghihimagsik laban sa iyo at kumikilos nang may pandaraya; ang iyong mga kaaway ay nagsisinungaling.
21 Hindi ko ba ipinagtatanim (sila) Oh Panginoon, na nagtatanim sa iyo? At hindi ba kinapapanglawan ko ang mga yaon na nagsisibangon laban sa iyo?
Hindi ko ba kapopootan ang mga napopoot sa iyo, Yahweh? Hindi ko ba kasusuklaman silang lumalaban sa iyo?
22 Aking ipinagtatanim (sila) ng lubos na kapootan: sila'y naging mga kaaway ko.
Lubos ko silang kinapopootan; (sila) ay naging mga kaaway ko.
23 Siyasatin mo ako, Oh Dios, at alamin mo ang aking puso; subukin mo ako, at alamin mo ang aking mga pagiisip:
Siyasatin mo ako, O Diyos, at kilalanin mo ang aking puso; subukin mo ako at alamin ang aking saloobin.
24 At tingnan mo kung may anomang lakad ng kasamaan sa akin, at patnubayan mo ako sa daang walang hanggan.
Tingnan mo kung mayroong masamang paraan sa akin, at pangunahan mo ako sa daan ng walang hanggan.