< Mga Awit 137 >

1 Sa tabi ng mga ilog ng Babilonia, doo'y nangaupo tayo, oo, nagiyak tayo, nang ating maalaala ang Sion.
Kami ay naupo sa tabi ng ilog ng Babilonia at umiyak nang aming naisip ang tungkol sa Sion.
2 Sa mga punong sauce sa gitna niyaon ating ibinitin ang ating mga alpa.
Sa mga puno ng alamo namin isinabit ang aming mga alpa.
3 Sapagka't doo'y silang nagsibihag sa atin ay nagsihiling sa atin ng mga awit, at silang magpapahamak sa atin ay nagsihiling sa atin ng kasayahan, na nangagsasabi: Awitin ninyo sa amin ang sa mga awit ng Sion.
Doon ang aming mga manlulupig ay pinakanta kami, at silang mga nangutya sa amin ay inatasan kaming maging masaya, sinasabing, “Awitan niyo kami ng isa sa mga awit ng Sion.”
4 Paanong aawitin namin ang awit sa Panginoon sa ibang lupain?
Paano kami makakakanta ng isang awitin tungkol kay Yahweh sa isang dayuhang lupain?
5 Kung kalimutan kita, Oh Jerusalem, kalimutan nawa ng aking kanan ang kaniyang kasanayan.
Jerusalem, kung aking babalewalain ang alaala mo, hayaan mo ang aking kanang kamay na makalimutan ang kaniyang kakayahan.
6 Dumikit nawa ang aking dila sa ngalangala ng aking bibig, kung hindi kita alalahanin; kung hindi ko piliin ang Jerusalem ng higit sa aking pinakapangulong kagalakan.
Hayaan mo ang aking dila na kumapit sa aking ngalangala kung hindi na kita muling iisipin pa, kung hindi ko gugustuhin na ang Jerusalem ang maging aking pinakadakilang kasiyahan.
7 Alalahanin mo Oh Panginoon, laban sa mga anak ni Edom ang kaarawan ng Jerusalem; na nagsabi, Sirain, sirain, pati ng patibayan niyaon.
Alalahanin mo, Yahweh, kung ano ang ginawa ng mga Edomita noong araw na bumagsak ang Jerusalem. Sinabi nila, “Wasakin ito, wasakin ito hanggang sa pundasyon nito.”
8 Oh anak na babae ng Babilonia, na sira; magiging mapalad siya, na gumaganti sa iyo na gaya ng iyong ginawa sa amin.
Anak na babae ng Babilonia, na malapit na ang pagkawasak— nawa ang tao ay pagpalain, kung sinuman ang magbalik ng kabayaran sa kung ano ang iyong ginawa sa amin.
9 Magiging mapalad siya, na kukuha at maghahagis sa iyong mga bata sa malaking bato.
Nawa ang taong iyon ay pagpalain, sinuman ang kumuha at nagpira-piraso ng inyong maliliit na anak sa bato.

< Mga Awit 137 >