< Mga Awit 114 >
1 Nang lumabas ang Israel sa Egipto, ang sangbahayan ni Jacob mula sa bayang may ibang wika;
Nang lumabas ang Israel sa Ehipto, ang sambahayan ni Jacob mula sa mga dayuhan na iyon,
2 Ang Juda ay naging kaniyang santuario, ang Israel ay kaniyang sakop.
ang Juda ang naging banal niyang lugar, ang Israel ang kaniyang kaharian.
3 Nakita ng dagat, at tumakas; ang Jordan ay napaurong.
Nakita ito ng dagat, at tumakas ito; umatras ang Jordan.
4 Ang mga bundok ay nagsiluksong parang mga lalaking tupa, ang mga munting gulod na parang mga batang tupa.
Ang mga bundok ay lumukso na parang mga tupa, ang mga burol ay lumukso na parang mga batang tupa.
5 Anong ipakikialam ko sa iyo, Oh dagat, na ikaw ay tumatakas? sa iyo Jordan, na ikaw ay umuurong?
Bakit ka tumakas, O dagat? Jordan, bakit ka tumakas?
6 Sa inyo mga bundok, na kayo'y nagsisiluksong parang mga lalaking tupa; sa inyong mga munting gulod, na parang mga batang tupa?
Mga bundok, bakit kayo lumukso na parang mga tupa? Kayong maliliit na burol, bakit kayo lumukso na parang batang tupa?
7 Mayanig ka, ikaw na lupa, sa harapan ng Panginoon, sa harapan ng Dios ni Jacob;
Mayanig ka, O lupa, sa harap ng Panginoon, sa presensiya ng Diyos ni Jacob.
8 Na pinapagiging tipunan ng tubig ang malaking bato. Na bukal ng tubig ang pingkiang bato.
Ginawa niyang lawa ng tubig ang malaking bato, ginawa niyang bukal ng tubig ang matigas na bato.