< Mga Awit 105 >
1 Oh magpasalamat kayo sa Panginoon, kayo'y magsitawag sa kaniyang pangalan; ipabatid ninyo ang kaniyang mga gawain sa mga bayan.
Magpasalamat kayo kay Yahweh, tumawag kayo sa kaniyang pangalan; ipaalam ninyo ang kaniyang mga gawa sa mga bansa.
2 Magsiawit kayo sa kaniya, magsiawit kayo sa kaniya ng mga pagpuri; salitain ninyo ang lahat niyang kagilagilalas na mga gawa.
Umawit sa kaniya, umawit sa kaniya ng mga papuri; Ipahayag ang lahat ng kaniyang mga kamangha-manghang gawa.
3 Lumuwalhati kayo sa kaniyang banal na pangalan: mangagalak ang puso nila na nagsisihanap sa Panginoon.
Magmalaki sa kaniyang banal na pangalan; hayaang magalak ang puso nilang naghahanap kay Yahweh.
4 Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kaniyang kalakasan; hanapin ninyo ang kaniyang mukha magpakailan man.
Hanapin si Yahweh at ang kaniyang kalakasan; patuloy na hanapin ang kaniyang presensya.
5 Alalahanin ninyo ang kaniyang kagilagilalas na mga gawa na kaniyang ginawa: ang kaniyang mga kababalaghan at ang mga kahatulan ng kaniyang bibig;
Alalahanin ang mga kahanga-hangang bagay na kaniyang ginawa, ang kaniyang mga himala at ang mga kautusan mula sa kaniyang bibig,
6 Oh ninyong binhi ni Abraham na kaniyang lingkod, ninyong mga anak ni Jacob, na kaniyang mga hirang.
kayong mga kaapu-apuhan ni Abraham na kaniyang lingkod, kayong mga anak ni Jacob, na kaniyang mga pinili.
7 Siya ang Panginoon nating Dios: ang kaniyang mga kahatulan ay nangasa buong lupa.
Siya si Yahweh, ang ating Diyos. Ang kaniyang mga kautusan ay sumasaklaw sa buong mundo.
8 Kaniyang inalaala ang kaniyang tipan magpakailan man, ang salita na kaniyang iniutos sa libong sali't saling lahi;
Inaalala niya ang kaniyang tipan magpakailanman, ang salita na kaniyang iniutos sa sanlibong salinlahi.
9 Ang tipan na kaniyang ginawa kay Abraham, at ang kaniyang sumpa kay Isaac;
Iniisip niya ang tipan na kaniyang ginawa kasama ni Abraham at ang kaniyang panunumpa kay Isaac.
10 At pinagtibay yaon kay Jacob na pinakapalatuntunan, sa Israel na pinakawalang hanggang tipan:
Ito ay kung ano ang pinagtibay kay Jacob na alituntunin at sa Israel na magpasawalang-hanggang tipan.
11 Na sinasabi, sa iyo'y ibibigay ko ang lupain ng Canaan, ang kapalaran na iyong mana;
Sinabi niya, “Ibibigay ko ang lupain ng Canaan bilang bahagi ng iyong mana.”
12 Nang sila'y kaunti lamang tao sa bilang; Oo, totoong kaunti, at nangakikipamayan doon;
Sinabi niya ito noong kaunti pa lamang ang bilang nila, labis na kaunti, at mga dayuhan pa sa lupain.
13 At sila'y nagsiyaon sa bansa at bansa, mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan.
Galing (sila) mula sa isang bansa tungo sa ibang bansa at mula sa isang kaharian patungo sa isa pa.
14 Hindi niya tiniis ang sinomang tao na gawan (sila) ng kamalian; Oo, kaniyang sinaway ang mga hari dahil sa kanila;
Hindi niya ipinahintulutang apihin (sila) ng sinuman; kaniyang sinuway ang mga hari dahil sa kanilang kapakanan.
15 Na sinasabi, Huwag ninyong galawin ang mga pinahiran ko ng langis. At huwag ninyong gawan ng masama ang mga propeta ko.
Sinabi niya, “Huwag ninyong galawin ang mga hinirang, at huwag ninyong gawan ng masama ang aking mga propeta.”
16 At siya'y nagdala ng kagutom sa lupain; kaniyang binali ang buong tukod ng tinapay.
Nagdala siya ng taggutom sa lupa; pinutol niya ang lahat ng pinagkukunan ng tinapay.
17 Siya'y nagsugo ng isang lalake sa unahan nila; si Jose ay naipagbiling pinakaalipin:
Pinauna niya ang isang lalaki sa kanila; ipinagbili si Jose bilang isang alipin.
18 Ang kaniyang mga paa ay sinaktan nila ng mga pangpangaw; siya'y nalagay sa mga tanikalang bakal:
Ginapos ang kaniyang mga paa ng kadena; mga bakal na kadena ang itinali sa kaniya.
19 Hanggang sa panahon na nangyari ang kaniyang salita; tinikman siya ng salita ng Panginoon.
hanggang sa panahon na ang kaniyang hula ay nagkatotoo. Pinatunayan ng salita ni Yahweh na siya ay matuwid.
20 Ang hari ay nagsugo, at pinawalan siya; sa makatuwid baga'y ang pinuno ng mga bayan, at pinalaya niya siya.
Nagpadala ang hari ng mga lingkod para pakawalan siya; pinalaya siya ng pinuno ng mga tao.
21 Ginawa niya siyang panginoon sa kaniyang bahay, at pinuno sa lahat niyang pag-aari:
Siya ay itinalagang mamahala sa kaniyang bahay bilang pinuno ng lahat ng kaniyang mga ari-arian
22 Upang talian ang kaniyang mga pangulo sa kaniyang kaligayahan, at turuan ang kaniyang mga kasangguni ng karunungan.
para pangunahan ang kaniyang mga prinsipe ayon sa kaniyang hiling at para turuan ang mga nakatatanda ng karunungan.
23 Si Israel naman ay nasok sa Egipto; at si Jacob ay nakipamayan sa lupain ng Cham.
Pagkatapos, dumating ang Israel sa Ehipto, at si Jacob ay nanirahan ng matagal sa lupain ng Ham.
24 At kaniyang pinalagong mainam ang kaniyang bayan, at pinalakas (sila) kay sa kanilang mga kaaway.
Pinarami ng Diyos ang kaniyang bayan at ginawa niyang mas marami kaysa sa kanilang mga kalaban.
25 Kaniyang pinapanumbalik ang kanilang puso upang mangagtanim sa kaniyang bayan, upang magsigawang may katusuhan sa kaniyang mga lingkod.
Siya ang nagdulot sa kanilang mga kaaway na kapootan ang kaniyang bayan, para abusuhin ang kaniyang mga lingkod.
26 Kaniyang sinugo si Moises na kaniyang lingkod, at si Aaron na kaniyang hirang.
Pinadala niya si Moises, ang kaniyang lingkod, at si Aaron, na kaniyang pinili.
27 Kanilang inilagay sa gitna nila ang kaniyang mga tanda, at mga kababalaghan sa lupain ng Cham.
Isinagawa nila ang kaniyang mga himala sa mga taga-Ehipto, ang kaniyang mga kababalaghan sa lupain ng Ham.
28 Siya'y nagsugo ng mga kadiliman, at nagpadilim; at sila'y hindi nagsipanghimagsik laban sa kaniyang mga salita.
Nagpadala siya ng kadiliman at pinadilim ang lupain, pero hindi sumunod sa kaniyang mga utos ang mga tao rito.
29 Kaniyang pinapaging dugo ang kanilang tubig, at pinatay ang kanilang mga isda.
Ginawa niyang dugo ang tubig at pinatay ang kanilang mga isda.
30 Ang kanilang lupain ay binukalan ng mga palaka, sa mga silid ng kanilang mga hari.
Ang kanilang lupain ay napuno ng mga palaka, kahit sa mga silid ng kanilang mga pinuno.
31 Siya'y nagsalita, at dumating ang mga pulutong na mga langaw, at kuto sa lahat ng kanilang mga hangganan.
Nagsalita siya, at dumating ang mga pulutong ng langaw at niknik sa buong bansa nila.
32 Ibinigay niya sa kanila na pinakaulan ay graniso, at liyab ng apoy sa kanilang lupain.
Nagpadala siya ng yelo at ulan na may kasamang kidlat at kulog sa kanilang lupain.
33 Sinaktan naman niya ang kanilang mga puno ng ubas, at ang kanilang mga puno ng higos; at binali ang mga punong kahoy ng kanilang mga hangganan.
Winasak niya ang kanilang ubasan at mga puno ng igos; at binali niya ang mga puno sa kanilang bansa.
34 Siya'y nagsalita at ang mga balang ay nagsidating, at ang mga higad, ay yao'y walang bilang,
Nagsalita siya, at dumating ang mga balang, napakaraming mga balang.
35 At kinain ang lahat na gugulayin sa kanilang lupain, at kinain ang bunga ng kanilang lupa.
Kinain ng mga balang ang lahat ng gulayan sa kanilang lupain; at kinain nila ang lahat ng mga pananim sa lupa.
36 Sinaktan din niya ang lahat na panganay sa kanilang lupain, ang puno ng lahat nilang kalakasan.
Pinatay niya ang lahat ng panganay sa kanilang lupain, ang mga unang bunga ng lahat ng kanilang kalakasan.
37 At kaniyang inilabas (sila) na may pilak at ginto: at hindi nagkaroon ng mahinang tao sa kaniyang mga lipi.
Inilabas niya ang mga Israelita na may dalang pilak at ginto; walang sinuman sa kaniyang angkan ang natisod sa daan.
38 Natuwa ang Egipto nang sila'y magsialis; sapagka't ang takot sa kanila ay nahulog sa kanila.
Natuwa ang Ehipto nang (sila) ay umalis, dahil takot sa kanila ang mga taga-Ehipto.
39 Kaniyang inilatag ang ulap na pinakakubong; at apoy upang magbigay liwanag sa gabi,
Ikinalat niya ang ulap para maging takip at gumawa ng apoy para magbigay liwanag sa gabi.
40 Sila'y nagsihingi, at dinalhan niya ng mga pugo, at binusog niya (sila) ng pagkain na mula sa langit.
Humingi ng pagkain ang mga Israelita, at nagdala siya ng mga pugo at binusog (sila) ng tinapay mula sa langit.
41 Kaniyang ibinuka ang bato at binukalan ng tubig; nagsiagos sa tuyong mga dako na parang ilog.
Biniyak niya ang malaking bato, at bumulwak ang tubig mula rito; umagos ito sa ilang tulad ng ilog.
42 Sapagka't kaniyang naalaala ang kaniyang banal na salita, at si Abraham na kaniyang lingkod.
Dahil inaalala niya ang kaniyang banal na pangako na kaniyang ginawa kay Abraham na kaniyang lingkod.
43 At kaniyang inilabas ang kaniyang bayan na may kagalakan, at ang kaniyang hirang na may awitan.
Inilabas niya ang kaniyang bayan na may kagalakan, ang kaniyang pinili na may sigaw ng katagumpayan.
44 At ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng mga bansa; at kinuha nila ang gawa ng mga bayan na pinakaari:
Ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng mga bansa; inangkin nila ang mga kayamanan ng mga tao
45 Upang kanilang maingatan ang kaniyang mga palatuntunan, at sundin ang kaniyang mga kautusan. Purihin ninyo ang Panginoon.
nang sa gayon ay mapanatili nila ang kaniyang mga alituntunin at sundin ang kaniyang mga kautusan. Purihin si Yahweh.