< Mga Awit 103 >

1 Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko: at lahat na nangasa loob ko ay magsisipuri sa kaniyang banal na pangalan.
Binibigyang papuri ko si Yahweh ng buong buhay ko, at ng lahat ng mayroon ako, binibigyang papuri ko ang kanyang banal na pangalan.
2 Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko, at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mabubuting gawa.
Binibigyang papuri ko si Yahweh ng buong buhay ko, at naaalala ko ang lahat ng kanyang mga mabubuting gawa.
3 Na siyang nagpapatawad ng iyong lahat na mga kasamaan; na siyang nagpapagaling ng iyong lahat na mga sakit;
Pinapatawad niya lahat ng inyong mga kasalanan; pinapagaling niya lahat ng inyong mga sakit.
4 Na siyang tumutubos ng iyong buhay sa pagkapahamak: na siyang nagpuputong sa iyo ng kagandahang-loob at malumanay na mga kaawaan:
Tinutubos niya ang inyong buhay mula sa pagkawasak; kinokoronahan niya kayo ng kanyang katapatan sa tipan at mga gawain ng pagkahabag.
5 Na siyang bumubusog sa iyong bibig ng mabuting bagay; Na anopa't ang iyong kabataan ay nababagong parang agila.
Binibigyang kasiyahan niya ang inyong buhay ng mabubuting bagay para mapanumbalik ang inyong kabataan tulad ng agila.
6 Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa, at ng mga kahatulan na ukol sa lahat na naaapi.
Ginagawa ni Yahweh kung ano ang makatarungan at gumagawa ng mga gawain ng katarungan para sa lahat ng mga naaapi.
7 Kaniyang ipinabatid ang kaniyang mga daan kay Moises, ang kaniyang mga gawa sa mga anak ni Israel.
Ipinaalam niya ang kanyang mga pamamaraan kay Moises, ang kanyang mga gawa sa mga kaapu-apuhan ng Israel.
8 Ang Panginoon ay puspos ng kahabagan at mapagbiyaya, banayad sa pagkagalit at sagana sa kagandahang-loob.
Si Yahweh ay maawain at mapagbigay-loob; siya ay mapagpaumanhin; mayroon siyang labis na katapatan sa tipan.
9 Hindi siya makikipagkaalit na palagi; ni kaniya mang tataglayin ang kaniyang galit magpakailan man.
Hindi siya laging magdidisiplina; hindi siya laging nagagalit.
10 Siya'y hindi gumawa sa atin ng ayon sa ating mga kasalanan, ni gumanti man sa atin ng ayon sa ating mga kasamaan.
Hindi niya tayo tinatrato ayon sa nararapat sa ating mga kasalanan o ginagantihan ayon sa kung ano ang hinihingi ng ating mga kasalanan.
11 Sapagka't kung paanong ang mga langit ay mataas kay sa lupa, gayon kalaki ang kaniyang kagandahang-loob sa kanila na nangatatakot sa kaniya.
Dahil kung gaano kataas ang kalangitan sa ibabaw ng daigdig, ganoon kadakila ang kanyang katapatan sa tipan sa mga nagbibigay ng parangal sa kanya.
12 Kung gaano ang layo ng silanganan sa kalunuran, gayon inilayo niya ang mga pagsalangsang natin sa atin.
Kung gaano kalayo ang silangan mula sa kanluran, ganoon kalayo niya inalis mula sa atin ang ating mga kasalanan.
13 Kung paanong ang ama ay naaawa sa kaniyang mga anak, gayon naaawa ang Panginoon sa kanilang nangatatakot sa kaniya.
Kung paanong may pagkahabag ang isang ama sa kanyang mga anak, gayundin pagkahabag ni Yahweh sa mga nagbibigay ng parangal sa kanya.
14 Sapagka't nalalaman niya ang ating anyo; kaniyang inaalaala na tayo'y alabok.
Dahil alam niya kung paano tayo binuo; alam niya na tayo ay alabok.
15 Tungkol sa tao, ang kaniyang mga kaarawan ay parang damo: kung paanong namumukadkad ang bulaklak sa parang ay gayon siya.
Pero ang tao, parang damo ang kanyang mga araw; lumalago siya tulad ng isang bulaklak sa isang bukid.
16 Sapagka't dinadaanan ng hangin, at napaparam; at ang dako niyaon ay hindi na malalaman.
Hinihipan ito ng hangin, at ito ay naglalaho, at wala man lamang makapagsabi kung saan ito minsang tumubo.
17 Nguni't ang kagandahang-loob ng Panginoon ay mula ng walang pasimula hanggang sa walang hanggan sa nangatatakot sa kaniya, at ang kaniyang katuwiran ay hanggang sa mga anak ng mga anak;
Pero ang katapatan sa tipan ni Yahweh ay magpasawalang-hanggan sa mga nagbibigay parangal sa kanya. Ang kanyang katuwiran ay umaabot sa kanilang mga kaapu-apuhan.
18 Sa gayong nagiingat ng kaniyang tipan, at sa nagsisialaala ng kaniyang mga utos upang gawin,
Iniingatan nila ang kanyang tipan at tinatandaang sumunod sa kanyang mga tagubilin.
19 Itinatag ng Panginoon ang kaniyang luklukan sa mga langit; at ang kaniyang kaharian ay nagpupuno sa lahat.
Itinatag ni Yahweh ang kanyang trono sa mga kalangitan, at pinamamahalaan ang bawat isa ng kanyang kaharian.
20 Purihin ninyo ang Panginoon, ninyong mga anghel niya: ninyong makapangyarihan sa kalakasan na gumaganap ng kaniyang salita, na nakikinig sa tinig ng kaniyang salita.
Bigyang papuri si Yahweh kayong mga anghel na napakalakas at sumusunod sa kanyang salita, na masunurin sa kanyang mga kautusan.
21 Purihin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na hukbo niya; ninyong mga ministro niya, na nagsisigawa ng kaniyang kasayahan.
Bigyang papuri si Yahweh lahat ng kanyang hukbo ng mga anghel, kayo ay kanyang mga lingkod na nagsasagawa ng kanyang kalooban.
22 Purihin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na mga gawa niya, sa lahat na dako na kaniyang sakop; purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko.
Bigyang papuri si Yahweh lahat ng kanyang mga nilalang, sa lahat ng mga lugar kung saan siya naghahari. Pupurihin ko si Yahweh nang buong buhay ko.

< Mga Awit 103 >