< Mga Awit 102 >
1 Dinggin mo ang dalangin ko, Oh Panginoon, at dumating nawa ang daing ko sa iyo.
Dinggin mo ang aking panalangin, Yahweh; dinggin mo ang aking pag-iyak sa iyo.
2 Huwag mong ikubli ang mukha mo sa akin sa kaarawan ng aking kahirapan: ikiling mo ang iyong pakinig sa akin; sa araw na ako'y tumawag, ay sagutin mo akong madali.
Huwag mong itago ang iyong mukha mula akin sa oras ng aking kaguluhan. Makinig ka sa akin. Kapag ako ay nanawagan sa iyo, agad mo akong sagutin.
3 Sapagka't ang mga kaarawan ko'y nangapapawi na parang usok, at ang mga buto ko'y nangasusunog na parang panggatong.
Dahil lumilipas na parang usok ang aking mga araw, at nasusunog ang aking mga buto tulad ng apoy.
4 Ang puso ko'y nasaktan na parang damo, at natuyo; sapagka't nalimutan kong kanin ang aking tinapay.
Nadudurog ang aking puso, at tulad ako ng damo na natutuyo. Nalilimutan kong kumain ng anumang pagkain.
5 Dahil sa tinig ng aking daing ang mga buto ko'y nagsisidikit sa aking laman.
Sa patuloy kong pagdaing, labis akong pumayat.
6 Ako'y parang pelikano sa ilang; ako'y naging parang kuwago sa kaparangan.
Tulad ako ng isang pelikano sa kaparangan; ako ay naging tulad ng isang kwago sa wasak na lugar.
7 Ako'y umaabang, at ako'y naging parang maya na nagiisa sa bubungan.
Gising akong nakahiga na parang isang malungkot na ibon, nag-iisa sa bubungan.
8 Dinudusta ako ng aking mga kaaway buong araw; silang nangauulol laban sa akin ay nagsisisumpa sa akin.
Buong araw akong tinutuya ng aking mga kaaway; ginagamit ang aking pangalan sa mga pagsumpa ng mga nanlilibak sa akin.
9 Sapagka't kinain ko ang mga abo na parang tinapay, at hinaluan ko ang aking inumin ng iyak.
Kumakain ako ng abo tulad ng tinapay at hinahaluan ng mga luha ang aking inumin.
10 Dahil sa iyong galit at iyong poot: sapagka't ako'y iyong itinaas, at inihagis.
Dahil sa iyong matinding galit, binuhat mo ako para ibagsak.
11 Ang aking mga kaarawan ay parang lilim na kumikiling; at ako'y natuyo na parang damo.
Ang aking mga araw ay tulad ng isang anino na unti-unting nawawala, at natutuyo ako tulad ng damo.
12 Nguni't ikaw, Oh Panginoon, ay mamamalagi magpakailan man; at ang alaala sa iyo ay sa lahat ng sali't saling lahi.
Pero ikaw, Yahweh, ay nabubuhay magpakailanman, at ang katanyagan mo ay para sa lahat ng mga salinlahi.
13 Ikaw ay babangon at maaawa sa Sion: sapagka't kapanahunan ng pagkaawa sa kaniya, Oo, ang takdang panahon ay dumating.
Babangon ka at maaawa sa Sion. Panahon na ngayon para kaawaan siya; dumating na ang takdang oras.
14 Sapagka't nililigaya ang iyong mga lingkod sa kaniyang mga bato, at nanghihinayang sa kaniyang alabok.
Dahil minamahal ng iyong mga lingkod ang kanyang mga bato at nahahabag sa alikabok ng kanyang pagkawasak.
15 Sa gayo'y katatakutan ng mga bansa ang pangalan ng Panginoon. At ng lahat ng hari sa lupa ang iyong kaluwalhatian;
Igagalang ng mga bansa ang iyong pangalan, Yahweh, at pararangalan ng lahat ng mga hari sa daigdig ang iyong kaluwalhatian.
16 Sapagka't itinayo ng Panginoon ang Sion, siya'y napakita sa kaniyang kaluwalhatian;
Muling itatayo ni Yahweh ang Sion at makikita sa kanyang kaluwalhatian.
17 Kaniyang dininig ang dalangin ng tapon, at hindi hinamak ang kanilang dalangin.
Sa oras na iyon, tutugon siya sa panalangin ng dukha; hindi niya tatanggihan ang kanilang panalangin.
18 Ito'y isusulat na ukol sa lahing susunod: at ang bayang lalalangin ay pupuri sa Panginoon.
Ito ay masusulat para sa mga darating na salinlahi, at pupurihin si Yahweh ng isang bayan na hindi pa ipinapanganak.
19 Sapagka't siya'y tumungo mula sa kaitaasan ng kaniyang santuario; tumingin ang Panginoon sa lupa mula sa langit;
Dahil tumingin siya pababa mula sa kanyang banal na kaitaasan; mula sa langit tiningnan ni Yahweh ang daigdig,
20 Upang dinggin ang buntong hininga ng bilanggo: upang kalagan yaong nangaitakdang patayin;
para dinggin ang pagdaing ng mga bilanggo, para palayain ang mga nahatulan ng kamatayan.
21 Upang maipahayag ng mga tao ang pangalan ng Panginoon sa Sion, at ang kaniyang kapurihan sa Jerusalem;
Pagkatapos ihahayag ng mga tao ang pangalan ni Yahweh sa Sion at ang kanyang papuri sa Jerusalem
22 Nang ang mga bayan ay mapisan, at ang mga kaharian, upang maglingkod sa Panginoon.
sa panahon na ang mga tao at mga kaharian ay magtitipon para paglingkuran si Yahweh.
23 Kaniyang pinahina ang aking kalakasan sa daan; kaniyang pinaikli ang mga kaarawan ko.
Inalis niya ang aking kalakasan sa kalagitnaan ng aking buhay. Pinaikli niya ang aking mga araw.
24 Aking sinabi, Oh Dios ko, huwag mo akong kunin sa kalagitnaan ng aking mga kaarawan; ang mga taon mo'y lampas sa mga sali't saling lahi.
Sinabi ko, “Aking Diyos, huwag mo akong kunin sa kalagitnaan ng aking buhay; naririto ka sa lahat ng mga salinlahi.
25 Nang una ay inilagay mo ang patibayan ng lupa; at ang mga langit ay gawa ng iyong mga kamay.
Nang mga sinaunang panahon inilagay mo sa lugar ang daigdig; ang kalangitan ay gawa ng iyong mga kamay.
26 Sila'y uuwi sa wala, nguni't ikaw ay mananatili: Oo, silang lahat ay maluluma na parang bihisan; parang isang kasuutan na iyong mga papalitan, at sila'y mga mapapalitan:
Mawawala (sila) pero mananatili ka; tatanda silang lahat tulad ng isang damit; tulad ng pananamit, huhubarin mo (sila) at maglalaho (sila)
27 Nguni't ikaw rin, at ang mga taon mo'y hindi magkakawakas.
Pero wala kang pagbabago, at ang mga taon mo ay hindi magwawakas.
28 Ang mga anak ng iyong mga lingkod ay mangamamalagi, at ang kanilang binhi ay matatatag sa harap mo.
Patuloy na mabubuhay ang mga anak ng iyong mga lingkod, at ang kanilang mga kaapu-apuhan ay mabubuhay sa iyong presensya.