< Mga Kawikaan 4 >

1 Dinggin ninyo, mga anak ko, ang turo ng ama, at makinig kayo upang matuto ng kaunawaan:
Makinig, mga anak na lalaki, sa tagubilin ng ama, at bigyang pansin para malaman ninyo kung ano ang pang-unawa.
2 Sapagka't bibigyan ko kayo ng mabuting aral; huwag ninyong bayaan ang aking kautusan.
Ibinibigay ko sa inyo ang mga mabuting tagubilin; huwag ninyong pabayaan ang aking katuruan.
3 Sapagka't ako'y anak sa aking ama, malumanay at bugtong sa paningin ng aking ina.
Nung ako ay anak na lalaki ng aking ama at tanging anak ng aking ina,
4 At tinuruan niya ako, at nagsabi sa akin: Pigilan ng iyong puso ang aking mga salita; ingatan mo ang aking mga utos, at mabuhay ka:
tinuruan niya ako at sinabi sa akin, “Panghawakan mong mabuti sa iyong puso ang aking mga salita; panatilihin ang aking mga utos at ipamuhay.
5 Magtamo ka ng karunungan, magtamo ka ng kaunawaan; huwag mong kalimutan, ni humiwalay man sa mga salita ng aking bibig:
Pagsumikapan na magkaroon ng karunungan at kaunawaan; huwag kalilimutan at huwag tatanggihan ang mga salita sa aking bibig;
6 Huwag mo siyang pabayaan at iingatan ka niya; ibigin mo siya at iingatan ka niya.
huwag iiwanan ang karunungan at ikaw ay kaniyang babantayan; mahalin mo ito at pananatilihin kang ligtas.
7 Karunungan ay pinaka pangulong bagay; kaya't kunin mo ang karunungan: Oo, sa lahat mong kukunin ay kunin mo ang unawa.
Ang karunungan ay ang pinakamahalagang bagay, kaya pagsumikapan ang karunungan at gamitin lahat ng mayroon ka para ikaw ay maaaring makakuha nang pang-unawa.
8 Iyong ibunyi siya, at kaniyang itataas ka: kaniyang dadalhin ka sa karangalan, pagka iyong niyakap siya.
Pahalagahan ang karunungan at ikaw ay kaniyang itataas; pararangalan ka kapag niyakap mo ito.
9 Siya'y magbibigay sa iyong ulo ng pugong na biyaya: isang putong ng kagandahan ay kaniyang ibibigay sa iyo.
Ito ay maglalagay ng isang korona ng karangalan sa iyong ulo; bibigyan ka nito ng isang magandang korona.”
10 Dinggin mo, Oh anak ko, at iyong tanggapin ang aking mga sinasabi; at ang mga taon ng iyong buhay ay magiging marami.
Makinig, aking anak, at pansinin ang aking mga salita, at ikaw ay magkakaroon ng maraming mga taon sa iyong buhay.
11 Aking itinuro ka sa daan ng karunungan; aking pinatnubayan ka sa landas ng katuwiran.
Papatnubayan kita sa daan ng karunungan; pangungunahan kita sa matuwid na mga landas.
12 Pagka ikaw ay yumayaon hindi magigipit ang iyong mga hakbang; at kung ikaw ay tumatakbo, hindi ka matitisod.
Kapag ikaw ay lumalakad, walang hahadlang sa iyong daanan at kapag ikaw ay tatakbo, hindi ka matitisod.
13 Hawakan mong mahigpit ang turo; huwag mong bitawan: iyong ingatan; sapagka't siya'y iyong buhay.
Kumapit ka sa disiplina, huwag itong bibitawan; bantayan ito, dahil ito ay iyong buhay.
14 Huwag kang pumasok sa landas ng masama, at huwag kang lumakad ng lakad ng mga masasamang tao.
Huwag sumunod sa landas ng masama at huwag sumama sa kaparaanan ng mga gumagawa ng masama.
15 Ilagan mo, huwag mong daanan; likuan mo, at magpatuloy ka.
Iwasan ito, ito ay huwag magpatuloy; tumalikod mula dito at tumungo sa ibang daan.
16 Sapagka't hindi sila nangatutulog, malibang sila'y nakagawa ng kasamaan; at ang kanilang tulog ay napapawi, malibang sila'y makapagpabuwal.
Dahil hindi sila nakakatulog hanggang sila ay makagawa ng masama at nanakawan sila ng tulog hanggang sila ay magdulot ng pagkatisod ng isang tao.
17 Sapagka't sila'y nagsisikain ng tinapay ng kasamaan, at nagsisiinom ng alak ng karahasan.
Dahil sila ay kumakain ng tinapay ng kasamaan at iniinom ang alak ng karahasan.
18 Nguni't ang landas ng matuwid ay parang maliyab na liwanag, na sumisilang ng higit at higit sa sakdal na araw.
Ngunit ang landas ng isang tao na gumagawa ng matuwid ay katulad ng unang liwanag na patuloy na nagliliwanag; ito ay lalong nagliliwanag hanggang sa kapunuan ng araw ay dumating.
19 Ang lakad ng masama ay parang kadiliman: Hindi nila nalalaman kung ano ang kanilang kinatitisuran.
Ang daan ng masama ay katulad ng kadiliman- hindi nila alam kung ano itong kanilang kinatitisuran.
20 Anak ko, makinig ka sa aking mga salita; ikiling mo ang iyong pakinig sa aking mga sabi.
Aking anak na lalaki, bigyang pansin ang aking mga salita; makinig sa aking mga kasabihan.
21 Huwag mangahiwalay sa iyong mga mata; Ingatan mo sa kaibuturan ng iyong puso.
Huwag hayaan silang malayo mula sa iyong paningin; panatilihin sila sa iyong puso.
22 Sapagka't buhay sa nangakakasumpong, at kagalingan sa buo nilang katawan.
Dahil ang aking mga salita ay buhay sa mga nakakatagpo sa kanila at kalusugan sa kanilang buong katawan.
23 Ingatan mo ang iyong puso ng buong sikap; sapagka't dinadaluyan ng buhay,
Panatilihing ligtas ang iyong puso at bantayan ito nang may buong sigasig, dahil mula dito dumadaloy ang mga bukal ng buhay.
24 Ihiwalay mo sa iyo ang masamang bibig, at ang mga suwail na labi ay ilayo mo sa iyo.
Ilayo ang baluktot na pananalita mula sa iyo at ilayo ang maruruming salita mula sa iyo.
25 Tuminging matuwid ang iyong mga mata, at ang iyong mga talukap-mata ay tuminging matuwid sa harap mo.
Hayaan mong tumingin nang tuwid ang iyong mga mata at ipirmi ng tuwid ang iyong pagtitig sa harap mo.
26 Papanatagin mo ang landas ng iyong mga paa, at mangatatag ang lahat ng iyong lakad.
Gumawa ng isang patag na landas para sa iyong paa; sa gayon lahat ng iyong mga daraanan ay magiging ligtas.
27 Huwag kang lumiko sa kanan o sa kaliwa man: ihiwalay mo ang iyong paa sa kasamaan.
Huwag kang liliko sa kanan o sa kaliwa; ipihit ang iyong paa palayo mula sa kasamaan.

< Mga Kawikaan 4 >