< Mga Kawikaan 31 >
1 Ang mga salita ng haring Lemuel; ang sanggunian na itinuro sa kaniya ng kaniyang ina.
2 Ano anak ko? at ano, Oh anak ng aking bahay-bata? At ano, Oh anak ng aking mga panata?
3 Huwag mong ibigay ang iyong kalakasan sa mga babae, o ang iyo mang mga lakad sa lumilipol ng mga hari.
4 Hindi sa mga hari, Oh Lemuel, hindi sa mga hari ang paginom ng alak; ni sa mga pangulo man, na magsabi, saan nandoon ang matapang na alak?
5 Baka sila'y uminom, at makalimotan ang kautusan, at humamak ng kahatulan sa sinomang nagdadalamhati.
6 Bigyan mo ng matapang na inumin siya na handang manaw, at ng alak ang mapanglaw na loob.
7 Uminom siya at limutin niya ang kaniyang kahirapan, at huwag nang alalahanin pa ang kaniyang karalitaan.
8 Bukhin mo ang iyong bibig sa pipi, sa bagay ng lahat ng naiwang walang kandili.
9 Bukhin mo ang iyong bibig, humatol ka ng katuwiran, at mangasiwa ka ng kahatulan sa dukha at mapagkailangan.
10 Isang mabait na babae sinong makakasumpong? Sapagka't ang kaniyang halaga ay higit na makapupo kay sa mga rubi.
11 Ang puso ng kaniyang asawa ay tumitiwala sa kaniya, at siya'y hindi kukulangin ng pakinabang.
12 Gumagawa siya ng mabuti sa kaniya at hindi kasamaan lahat ng mga kaarawan ng kaniyang buhay.
13 Siya'y humahanap ng balahibo ng tupa at lino, at gumagawang kusa ng kaniyang mga kamay.
14 Siya'y parang mga sasakyang dagat ng kalakal; nagdadala siya ng kaniyang pagkain mula sa malayo.
15 Siya'y bumabangon naman samantalang gabi pa, at nagbibigay ng pagkain sa kaniyang sangbahayan, at ng kanilang gawain sa kaniyang alilang babae.
16 Kaniyang minamasdan ang bukid at binibili: sa pamamagitan ng kaniyang kamay ay nagtatanim siya ng ubasan.
17 Binibigkisan niya ang kaniyang mga balakang ng kalakasan, at nagpapalakas ng kaniyang mga bisig.
18 Kaniyang namamalas na ang kaniyang kalakal ay makikinabang: ang kaniyang ilaw ay hindi namamatay sa gabi.
19 Kaniyang itinangan ang kaniyang mga kamay sa panulid, at ang kaniyang mga kamay ay humahawak ng panghabi.
20 Iginagawad niya ang kaniyang kamay sa dukha: Oo, iniaabot niya ang kaniyang mga kamay sa mapagkailangan.
21 Hindi niya ikinatatakot ang kaniyang sangbahayan sa niebe; sapagka't ang boo niyang sangbahayan ay nakapanamit ng mapulang mapula.
22 Gumagawa siya sa ganang kaniya ng mga unang may burda; ang kaniyang pananamit ay mainam na kayong lino at ng kayong kulay ube.
23 Ang kaniyang asawa ay kilala sa mga pintuang-bayan, pagka siya'y nauupo sa kasamahan ng mga matanda ng lupain.
24 Gumagawa siya ng mga kasuutang kayong lino at ipinagbibili; at nagbibigay ng mga pamigkis sa mga mangangalakal.
25 Kalakasan at kamahalan ay siyang kaniyang suot. At kaniyang tinatawanan ang panahong darating.
26 Binubuka niya ang kaniyang bibig na may karunungan; at ang kautusan ng kagandahang-loob ay nasa kaniyang dila.
27 Kaniyang tinitignang mabuti ang mga lakad ng kaniyang sangbahayan, at hindi kumakain ng tinapay ng katamaran.
28 Nagsisibangon ang kaniyang mga anak, at tinatawag siyang mapalad; gayon din ang kaniyang asawa, at pinupuri siya niya, na sinasabi:
29 Maraming anak na babae ay nagsisigawang may kabaitan, nguni't ikaw, ay humihigit sa kanilang lahat.
30 Ang lingap ay magdaraya, at ang kagandahan ay walang kabuluhan: nguni't ang babae na natatakot sa Panginoon, ay siya'y pupurihin.
31 Bigyan ninyo siya ng bunga ng kaniyang mga kamay; at purihin siya ng kaniyang mga gawa sa mga pintuang-bayan.