< Mga Kawikaan 24 >
1 Huwag kang mananaghili sa mga masamang tao, ni magnasa ka man na masama sa kanila:
2 Sapagka't ang kanilang puso ay nagaaral ng pagpighati, at ang kanilang mga labi ay nagsasalita ng kalikuan.
3 Sa karunungan ay natatayo ang bahay; at sa pamamagitan ng unawa ay natatatag.
4 At sa pamamagitan ng kaalaman ay napupuno ang mga silid, ng lahat na mahalaga at maligayang mga kayamanan.
5 Ang pantas na tao ay malakas; Oo, ang taong maalam ay lumalago ang kapangyarihan.
6 Sapagka't sa pamamagitan ng pantas na pamamatnubay ay makikipagdigma ka: at sa karamihan ng mga tagapayo ay may kaligtasan.
7 Karunungan ay totoong mataas sa ganang mangmang: hindi niya ibinubuka ang kaniyang bibig sa pintuang-bayan.
8 Siyang kumakatha ng paggawa ng kasamaan, tatawagin siya ng mga tao na masamang tao.
9 Ang pagiisip ng kamangmangan ay kasalanan: at ang mangduduwahagi ay karumaldumal sa mga tao.
10 Kung ikaw ay manglupaypay sa kaarawan ng kasakunaan, ang iyong kalakasan ay munti.
11 Iligtas mo silang nangadala sa kamatayan, at ang mga handang papatayin, ay tingnan mo na iyong ibalik.
12 Kung iyong sinasabi, narito, hindi kami nakakaalam nito: hindi ba niya binubulay na tumitimbang ng mga puso? At siyang nagiingat ng iyong kaluluwa, hindi ba niya nalalaman? At hindi ba niya gagantihin ang bawa't tao ayon sa gawa niya?
13 Anak ko, kumain ka ng pulot, sapagka't mabuti; at ng pulot-pukyutan na matamis sa iyong lasa:
14 Sa gayo'y matututo ka ng karunungan na malalagay sa iyong kaluluwa: kung iyong nasumpungan ito, sa gayo'y magkakaroon ka nga ng kagantihan, at ang iyong pagasa ay hindi mahihiwalay.
15 Huwag kang bumakay, Oh masamang tao, sa tahanan ng matuwid; huwag mong sirain ang kaniyang dakong pahingahan:
16 Sapagka't ang matuwid ay nabubuwal na makapito, at bumabangon uli: nguni't ang masama ay nabubuwal sa kasakunaan.
17 Huwag kang magalak pagka ang iyong kaaway ay nabubuwal, at huwag matuwa ang iyong puso pagka siya'y nabubuwal:
18 Baka makita ng Panginoon, at ipagdamdam ng loob siya, at kaniyang ihiwalay ang poot niya sa kaniya.
19 Huwag kang mabalisa dahil sa mga manggagawa ng masama; ni maging mapanaghiliin ka man sa masama:
20 Sapagka't hindi magkakaroon ng kagantihan sa masamang tao; ang ilawan ng masama ay papatayin.
21 Anak ko, matakot ka sa Panginoon at sa hari: at huwag kang makisalamuha sa kanila na mapagbago:
22 Sapagka't ang kanilang kasakunaan ay darating na bigla; at sinong nakakaalam ng kasiraan nila kapuwa?
23 Ang mga ito man ay sabi rin ng pantas. Magkaroon ng pagtangi ng mga pagkatao sa kahatulan, ay hindi mabuti.
24 Siyang nagsasabi sa masama, Ikaw ay matuwid; susumpain siya ng mga bayan, kayayamutan siya ng mga bansa:
25 Nguni't silang nagsisisaway sa kaniya ay magkakaroon ng kaluguran, at ang mabuting pagpapala ay darating sa kanila.
26 Siya'y humahalik sa mga labi niyaong nagbibigay ng matuwid na sagot.
27 Ihanda mo ang iyong gawa sa labas, at ihanda mo sa iyo sa parang; at pagkatapos ay itayo mo ang iyong bahay.
28 Huwag kang sumaksi laban sa iyong kapuwa ng walang kadahilanan; at huwag kang magdaya ng iyong mga labi.
29 Huwag mong sabihin, gagawin kong gayon sa kaniya na gaya ng ginawa niya sa akin: aking ibibigay sa tao ang ayon sa kaniyang gawa.
30 Ako'y nagdaan sa tabi ng bukid ng tamad, at sa tabi ng ubasan ng taong salat sa unawa;
31 At, narito, tinubuang lahat ng mga tinik, ang ibabaw niyaon ay natakpan ng mga dawag, at ang bakod na bato ay nabagsak.
32 Ako nga'y tumingin, at aking binulay na mabuti: aking nakita, at tumanggap ako ng turo.
33 Kaunti pang tulog, kaunti pang idlip, kaunti pang paghahalukipkip ng mga kamay upang matulog:
34 Gayon darating ang iyong karalitaan na parang magnanakaw; at ang iyong kasalatan na parang nasasandatahang tao.