< Mga Kawikaan 21 >
1 Ang puso ng hari ay nasa kamay ng Panginoon na parang mga batis: kumikiling saan man niya ibigin.
Ang puso ng hari ay isang batis ng tubig sa kamay ni Yahweh; siya ang pumapatnubay dito kahit saan niya naisin.
2 Bawa't lakad ng tao ay matuwid sa kaniyang sariling mga mata: nguni't tinitimbang ng Panginoon ang mga puso.
Ang bawat pamamaraan ng tao ay maaaring tama sa kaniyang paningin, ngunit si Yahweh ang sumusukat ng mga puso.
3 Gumawa ng kaganapan at kahatulan ay lalong kalugodlugod sa Panginoon kay sa hain.
Ang paggawa ng kung ano ang tama at makatarungan ay mas katanggap-tanggap kay Yahweh kaysa sa sakripisyo.
4 Ang mapagmataas na tingin, at ang palalong puso, siyang ilaw ng masama, ay kasalanan.
Ang mapagmalaking mga mata at mapagmataas na puso - ang ilawan ng masama - ay kasalanan.
5 Ang mga pagiisip ng masipag ay patungo sa kasaganaan lamang: nguni't bawa't nagmamadali ay sa pangangailangan lamang.
Ang mga plano ng masipag ang tanging daan sa kasaganahan, ngunit ang lahat ng kumikilos ng masyadong mabilis ay sasapit lamang sa kahirapan.
6 Ang pagtatamo ng mga kayamanan sa pamamagitan ng sinungaling na dila ay singaw na tinatangay na paroo't parito noong nagsisihanap ng kamatayan.
Ang pagtamo ng kayamanan ng isang sinungaling na dila ay panandaliang singaw at isang patibong na nakamamatay.
7 Ang pangdadahas ng masama ay siya ring papalis sa kanila; sapagka't sila'y nagsitangging magsigawa ng kahatulan.
Ang karahasan ng kasamaan ay tatangayin sila palayo, sapagkat sila ay tumatanggi na gawin kung ano ang patas.
8 Ang lakad ng nagpapasan ng sala ay lubhang liko; nguni't tungkol sa malinis, ang kaniyang gawa ay matuwid.
Ang paraan ng makasalanang tao ay liku-liko; ngunit ang taong dalisay ay gumagawa ng tama.
9 Lalong maigi ang tumahan sa sulok ng bubungan, kay sa palatalong babae sa maluwang na bahay.
Mas mabuti pang mamuhay sa sulok ng bubungan kaysa sa bahay na kahati ang palaaway na asawang babae.
10 Ang kaluluwa ng masama ay nagnanasa ng kasamaan: ang kaniyang kapuwa ay hindi nakakasumpong ng lingap sa kaniyang mga mata.
Ang gana ng masama ay nagmimithi ng labis na kasamaan; ang kaniyang kalapit-bahay sa kaniyang mga mata ay walang nakikitang kabaitan.
11 Pagka ang mangduduwahagi ay pinarusahan, ang musmos ay nagiging pantas: at pagka ang pantas ay tinuturuan, siya'y tumatanggap ng kaalaman.
Kapag ang nangungutya ay naparusahan, ang mangmang ay nagiging matalino, at kapag ang taong marunong ay naturuan, nadadagdagan siya ng kaalaman.
12 Pinagninilay ng matuwid ang bahay ng masama, kung paanong napapahamak ang masama sa kanilang pagkapariwara.
Ang isang gumagawa ng tama ay binabantayan ang bahay ng masama; kaniyang dinadala ang masama sa kasiraan.
13 Ang nagtatakip ng kaniyang mga pakinig sa daing ng dukha, siya naman ay dadaing, nguni't hindi didinggin.
Ang isa na hindi dininig ang iyak ng mga mahihirap na tao, kapag siya din ay umiyak, hindi siya maririnig.
14 Ang kaloob na lihim ay nagpapatahimik ng galit, at ang alay sa sinapupunan, ay ng malaking poot.
Ang lihim na regalo ay nagpapahupa ng galit at ang isang tagong regalo ay nag-aalis nang matinding galit.
15 Kagalakan sa matuwid ang gumawa ng kahatulan; nguni't kapahamakan sa mga manggagawa ng kasamaan.
Kapag ang katarungan ay tapos na, nagbibigay ito ng kagalakan sa gumagawa ng tama, ngunit ito ay nagdadala ng takot sa mga masasamang tao.
16 Ang tao na gumagala sa labas ng daan ng kaunawaan, magpapahinga sa kapisanan ng patay.
Ang siyang naliligaw sa daan ng pang-unawa, ay mamamahinga sa pagpupulong ng mga walang buhay.
17 Ang umiibig ng kalayawan ay magiging dukha: ang umiibig sa alak at langis ay hindi yayaman.
Ang sinumang minamahal ang aliw ay magiging mahirap, ang taong minamahal ang alak at langis ay hindi magiging mayaman.
18 Ang masama ay isang katubusan para sa matuwid, at ang taksil ay sa lugar ng matuwid.
Ang masamang tao ay magiging katubusan sa gumagawa ng tama, at ang hindi tapat ay katubusan para sa matuwid.
19 Lalong maigi ang tumahan sa ilang na lupain, kay sa makisama sa palatalo at magagaliting babae.
Mas mabuti pang mamuhay sa disyerto kaysa makasama ang babaeng nagdudulot nang alitan at sobrang makapagreklamo.
20 May mahalagang kayamanan at langis sa tahanan ng pantas; nguni't ito'y sinasakmal ng mangmang.
Ang pinakamahal na yaman at langis ay nasa tahanan ng matalino, ngunit inaaksaya ito ng mangmang na lalaki.
21 Ang sumusunod sa katuwiran at kagandahang-loob nakakasumpong ng buhay, katuwiran, at karangalan.
Ang gumagawa ng tama at mabait—ang taong ito ay makasusumpong ng buhay, katuwiran at karangalan.
22 Sinasampa ng pantas ang bayan ng makapangyarihan, at ibinabagsak ang lakas ng pagkakatiwala niyaon.
Isang matalinong tao ang pumunta laban sa lungsod nang makapangyarihan, at kaniyang ginigiba ang matibay na moog na nagtatanggol nito.
23 Sinomang nagiingat ng kaniyang bibig at kaniyang dila nagiingat ng kaniyang kaluluwa mula sa mga kabagabagan.
Sinumang nagbabantay sa kaniyang bibig at dila ay nag-iingat na hindi makasali sa gulo.
24 Ang palalo at mapagmataas na tao, manglilibak ang kaniyang pangalan, siya'y gumagawa sa kahambugan ng kapalaluan.
Ang hambog at mapagmataas na tao - “mangungutya” ang kaniyang pangalan - kumikilos nang may pagmamataas na kayabangan.
25 Ang nasa ng tamad ay pumapatay sa kaniya; sapagka't tumatanggi ang kaniyang mga kamay sa paggawa.
Ang pagnanais ng tamad ay pumapatay sa kaniyang sarili, dahil ang kaniyang mga kamay ay tumatanggi sa pagtatrabaho.
26 May nagiimbot sa kasakiman buong araw: nguni't ang matuwid ay nagbibigay at hindi nagkakait.
Buong araw siyang nagmimithi at nagmimithi nang labis, ngunit ang isang gumagawa ng tama ay nagbibigay at hindi nagpipigil.
27 Ang hain ng masama ay karumaldumal: gaano pa nga, pagka kaniyang dinadala na may masamang isip!
Ang alay ng masamang tao ay kasuklam-suklam; ito ay mas kasuklam-suklam pa kapag dinala niya ito ng may masasamang motibo.
28 Ang sinungaling na saksi ay mamamatay: nguni't ang taong nakikinig ay magsasalita upang mamalagi.
Ang hindi totoong saksi ay mamamatay, ngunit ang isang nakikinig ay magsasalita sa lahat ng oras.
29 Ang masamang tao ay nagmamatigas ng kaniyang mukha; nguni't tungkol sa taong matuwid, nagaayos ng kaniyang mga lakad.
Ang masamang lalaki ay ginagawa ang sarili na tila malakas, pero ang matuwid na tao ay maingat sa kaniyang mga kilos.
30 Walang karunungan, o kaunawaan man, O payo man laban sa Panginoon.
Walang karunungan, pag-unawa o payo na kayang makatalo kay Yahweh.
31 Ang kabayo ay handa laban sa kaarawan ng pagbabaka: nguni't ang pagtatagumpay ay sa Panginoon.
Ang kabayo ay handa para sa araw ng labanan, ngunit kay Yahweh ang tagumpay ay nabibilang.