< Mga Kawikaan 12 >
1 Sinomang umiibig ng kasawayan ay umiibig ng kaalaman: nguni't siyang nagtatanim sa kasawayan ay hangal.
Sinumang umiibig sa disiplina ay iniibig ang kaalaman, pero sinumang namumuhi sa pagtatama ay mangmang.
2 Ang mabuting tao ay magtatamo ng lingap ng Panginoon: nguni't kaniyang parurusahan ang taong may masasamang katha.
Nagbibigay si Yahweh ng pabor sa mabuting tao, pero pinarurusahan niya ang taong gumagawa ng masasamang plano.
3 Ang tao ay hindi matatag sa pamamagitan ng kasamaan: nguni't ang ugat ng matuwid ay hindi makikilos.
Ang isang tao ay hindi tatatag sa pamamagitan ng kasamaan, pero silang gumagawa ng katuwiran ay hindi mabubunot kailanman.
4 Ang mabait na babae ay putong sa kaniyang asawa: nguni't siyang nakahihiya ay parang kabulukan sa kaniyang mga buto.
Ang isang karapat-dapat na asawang babae ay korona ng kaniyang asawang lalaki, ngunit ang babaeng nagdadala nang kahihiyan ay tulad ng isang sakit na sumisira ng kaniyang mga buto.
5 Ang mga pagiisip ng matuwid ay ganap: nguni't ang mga payo ng masama ay magdaraya.
Ang mga balakin ng lahat ng gumagawa ng tama ay makatarungan, ngunit ang payo ng masasama ay mapanlinlang.
6 Ang mga salita ng masama ay mga bakay sa dugo: nguni't ililigtas sila ng bibig ng matuwid.
Ang mga salita ng masasamang tao ay bitag na nakaabang ng pagkakataong pumatay, ngunit ang mga salita ng matutuwid ang siyang nag-iingat sa kanila.
7 Ang masama ay inilulugmok at nawawala: nguni't ang sangbahayan ng matuwid ay tatayo.
Ang masasama ay bumabagsak at naglalaho, pero ang bahay ng mga taong gumagawa ng tama ay mananatili.
8 Pupurihin ang tao ayon sa kaniyang karunungan: nguni't ang masama sa puso ay hahamakin.
Pinupuri ang isang tao sa kaniyang karunungan, ngunit sinumang gumagawa ng baluktot na mga pagpili ay kinamumuhian.
9 Maigi siyang pinahahalagahan ng kaunti, at may alipin, kay sa nagmamapuri, at kinukulang ng tinapay.
Mas mabuti na magkaroon ng mababang katayuan—ang maging isang lingkod lamang, kaysa ang magmalaki patungkol sa iyong katayuan ngunit walang namang makain.
10 Ang matuwid ay nagpapakundangan sa buhay ng kaniyang hayop: nguni't ang mga kaawaan ng masama ay mabagsik.
Nagmamalasakit ang matuwid sa pangangailangan ng kaniyang alagang hayop, pero maging ang habag ng masasama ay kalupitan.
11 Siyang bumubukid ng kaniyang lupain ay magkakaroon ng saganang tinapay: nguni't siyang sumusunod sa taong walang kabuluhan ay walang unawa.
Sinumang nagbubungkal ng kaniyang lupain ay magkakaroon ng kasaganaan ng pagkain, pero sinumang naghahabol ng mga proyektong walang halaga ay hindi nag-iisip.
12 Ninanasa ng masama ang lambat ng mga masamang tao: nguni't ang ugat ng matuwid ay nagbubunga.
Hinahangad ng masama ang mga ninakaw ng makasalanan mula sa iba, pero ang bunga ng mga matuwid ay galing sa kanilang mga sarili.
13 Nasa pagsalangsang ng mga labi ang silo sa mga masamang tao: nguni't ang matuwid ay lalabas sa kabagabagan.
Ang masamang tao ay nabibitag ng kaniyang masamang pananalita, pero ang mga taong gumagawa ng tama ay nakaliligtas sa kapahamakan.
14 Ang tao ay masisiyahan ng buti sa pamamagitan ng bunga ng kaniyang bibig; at ang mga gawain ng mga kamay ng tao ay babayaran sa kaniya.
Mula sa bunga ng kaniyang mga salita, ang tao ay napupuno ng mabuting mga bagay, tulad ng paggagantimpala ng mga kamayy niyang nagtatrabaho.
15 Ang lakad ng mangmang ay matuwid sa kaniyang sariling mga mata: nguni't siyang pantas ay nakikinig sa payo.
Ang kaparaanan ng isang mangmang ay tama sa kaniyang paningin, pero ang taong may karunungan, sa payo ay nakikinig.
16 Ang yamot ng mangmang ay agad nakikilala: nguni't ang mabait na tao ay nagtatakip ng kahihiyan.
Ang mangmang ay kaagad nagpapakita ng galit, pero ang nagsasawalang-kibo sa insulto ay maingat.
17 Ang nagbabadya ng katotohanan ay nagpapakilala ng katuwiran, nguni't ang sinungaling sa saksi ay nagdadaya.
Sinumang nagsasabi ng totoo ay nagsasalita ng tama, pero ang bulaang saksi ay nagsasabi ng kasinungalingan.
18 May nagsasalitang madalas na parang saliwan ng tabak: nguni't ang dila ng pantas ay kagalingan.
Ang mga salitang padalos-dalos ay tulad ng saksak ng isang espada, pero ang dila ng matalino, kagalingan ang dinadala.
19 Ang labi ng katotohanan ay matatatag kailan man. Nguni't ang sinungaling na dila ay sa sangdali lamang.
Ang makatotohanang mga labi ay tumatagal habang-buhay, pero ang sinungaling na dila ay panandalian lamang.
20 Pagdaraya ay nasa puso ng mga kumakatha ng kasamaan: nguni't sa mga tagapayo ng kapayapaan ay kagalakan.
Mayroong panlilinlang sa puso ng mga taong nagbabalak ng kasamaan, pero kagalakan ang dumarating sa mga tagapagpayo ng kapayapaan.
21 Walang mangyayaring kapahamakan sa matuwid: nguni't ang masama ay mapupuno ng kasamaan.
Walang karamdaman ang dumarating sa mga matuwid, pero ang masasama ay puno ng paghihirap.
22 Mga sinungaling na labi ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang nagsisigawang may katotohanan ay kaniyang kaluguran.
Galit si Yahweh sa sinungaling na mga labi, pero ang mga namumuhay nang tapat ay ang kasiyahan ng Diyos.
23 Ang taong mabait ay nagkukubli ng kaalaman: nguni't ang puso ng mga mangmang ay nagtatanyag ng kamangmangan.
Itinatago ng taong maingat ang kaniyang kaalaman, pero ang puso ng hangal ay sumisigaw ng kamangmangan.
24 Ang kamay ng masipag ay magpupuno: nguni't ang tamad ay malalagay sa pagatag.
Ang kamay ng matiyaga ay maghahari, pero ang tamad ay sasailalim sa sapilitang pagtatrabaho.
25 Ang kabigatan sa puso ng tao ay nagpapahukot; nguni't ang mabuting salita ay nagpapasaya.
Ang pangamba sa puso ng tao ay nagpapabigat sa kaniya, ngunit nagpapagalak ang mabuting salita.
26 Ang matuwid ay patnubay sa kaniyang kapuwa: nguni't ang lakad ng masama ay nakapagpapaligaw.
Ang matuwid ay gabay sa kaniyang kaibigan, pero ang paraan ng masama ay nag-aakay sa kanila sa lihis na daan.
27 Ang tamad ay hindi nagiihaw ng kahit kaniyang napapangasuhan; nguni't ang mahalagang pag-aari ng tao ay sa mga masisipag.
Ang mga tamad ay hindi niluluto ang kanilang sariling huli, pero ang matiyaga ay magkakaroon pa ng yamang natatangi.
28 Nasa daan ng katuwiran ang buhay; at sa kaniyang landas ay walang kamatayan.
Ang mga lumalakad sa tamang daan, buhay ang nasusumpungan at sa kaniyang landas ay walang kamatayan.