< Mga Kawikaan 11 >
1 Ang marayang timbangan ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang ganap na timbangan ay kaniyang kaluguran.
Kinapopootan ni Yahweh ang timbangang hindi tama, ngunit siya ay nagagalak sa wastong timbang.
2 Pagka dumarating ang kapalaluan ay dumarating nga ang kahihiyan: nguni't nasa mababa ang karunungan.
Kapag dumating ang pagmamataas, saka dumarating ang kahihiyan, pero sa kapakumbabaan dumarating ang karunungan.
3 Ang pagtatapat ng mga matuwid ay papatnubay sa kanila: nguni't ang mga kasuwailan ng mga taksil ay papatay sa kanila.
Ang katapatan ng matuwid ay gumagabay sa kanila, pero ang mga baluktot na pamamaraan ng mga taksil ay sumisira sa kanila.
4 Ang mga kayamanan ay walang kabuluhan sa kaarawan ng poot: nguni't ang katuwiran ay nagliligtas sa kamatayan.
Ang kayamanan ay walang halaga sa araw nang matinding kapootan, pero ang paggawa ng matuwid ay maglalayo sa iyo mula sa kamatayan.
5 Ang katuwiran ng sakdal ay magtuturo ng kaniyang lakad: nguni't mabubuwal ang masama dahil sa kaniyang sariling kasamaan.
Ang matuwid na pag-uugali ng taong walang kapintasan ay ginagawang matuwid ang kaniyang daan, pero ang masama ay babagsak dahil sa kaniyang sariling kasamaan.
6 Ang katuwiran ng mga matuwid ay magliligtas sa kanila: nguni't silang gumagawang may karayaan ay madadakip sa kanilang sariling kasamaan.
Ang matuwid na pag-uugali ng mga nakalulugod sa Diyos ang siyang nag-iingat sa kanila, pero ang taksil ay nabitag ng kanilang sariling mga pagnanasa.
7 Pagka ang masamang tao ay namamatay, ang kaniyang pag-asa ay mapapasa pagkapahamak; at ang pagasa ng masama ay nawawala.
Kapag ang taong masama ay namatay, ang kaniyang pag-asa ay mamamatay, at ang pag-asa na naging kaniyang kalakasan ay mapupunta sa wala.
8 Ang matuwid ay naliligtas sa kabagabagan, at ang masama ay dumarating na kahalili niya.
Ang isang taong gumagawa ng tama ay laging nailalayo sa kaguluhan, at sa halip ito ay dumarating sa mga masasama.
9 Pinapatay ng masama ng kaniyang bibig ang kaniyang kapuwa: nguni't sa kaalaman ay maliligtas ang matuwid.
Sinisira ng bibig ng mga walang Diyos ang kaniyang kapwa, ngunit sa pamamagitan ng kaalaman ang mga gumagawa ng tama ay pinanatiling ligtas.
10 Pagka napapabuti ang mga matuwid ang bayan ay nagagalak: at pagka ang masama ay namamatay, may hiyawan.
Kapag ang mga gumagawa ng tama ay sumasagana, ang isang lungsod ay nagdiriwang; kapag ang masama ay namatay; ay may mga sigaw ng kagalakan.
11 Nabubunyi ang bayan sa pamamagitan ng pagpapala ng matuwid: nguni't napapahamak sa pamamagitan ng bibig ng masama.
Sa pamamagitan ng mabubuting mga kaloob ng mga nakalulugod sa Diyos, ang lungsod ay magiging tanyag; sa bibig ng mga masasama, ang lungsod ay mawawasak.
12 Siyang humahamak sa kaniyang kapuwa ay walang karunungan: nguni't ang taong naguunawa ay tumatahimik.
Ang taong may paghamak sa kaniyang kaibigan ay walang ulirat, pero ang isang may pang-unawa ay tumatahimik.
13 Siyang yumayaong mapaghatid dumapit ay naghahayag ng mga lihim: nguni't ang may diwang tapat ay nagtatakip ng bagay.
Sinumang tao na patuloy na naninirang puri ay nagbubunyag ng mga lihim, ngunit ang isang taong tapat ay laging iniingatang pagtakpan ang isang bagay.
14 Kung saan walang pantas na pamamahala, ang bayan ay nababagsak: nguni't sa karamihan ng mga tagapayo ay may kagalingan.
Kung saan walang matalinong direksiyon, ang isang bansa ay bumabagsak, pero ang tagumpay ay dumarating sa pagsangguni sa maraming tagapayo.
15 Siyang nananagot sa di kilala, ay mapapariwara: nguni't siyang nagtatanim sa pananagot ay tiwasay.
Sinumang mananagot sa utang ng isang hindi niya kilala ay tiyak na mapapahamak, pero ang isa na siyang kinapopootang magbigay ng isang garantiya sa ganiyang uri ng pangako ay ligtas.
16 Ang mapagbiyayang babae ay nagiimpok ng karangalan: at ang marahas na lalake ay pumipigil ng kayamanan.
Makakamit ng isang mahabaging babae ang karangalan ngunit ang mga taong walang habag ay mahigpit na kakapit para sa kayamanan.
17 Ang maawaing tao ay gumagawa ng mabuti sa kaniyang sariling kaluluwa: nguni't ang taksil ay bumabagabag sa kaniyang sariling laman.
Ang isang mabait na tao ay makikinabang sa kanyang sarili, pero ang isang taong malupit ay sinasaktan ang kaniyang sarili.
18 Ang masama ay nakikinabang ng mga marayang sahod: nguni't ang naghahasik ng katuwiran ay nagtatamo ng tiwasay na ganting pala.
Ang taong masama ay nagsisinungaling para makuha ang kaniyang kabayaran, pero ang isang nagtatanim ng kung ano ang tama ay mag-aani ng kabayaran ng katotohanan.
19 Siyang matatag sa katuwiran ay magtatamo ng buhay: at siyang humahabol ng kasamaan ay sa kaniyang sariling ikamamatay.
Ang isang taong tapat na gumagawa kung ano ang tama ay mabubuhay, pero ang isa na humahabol sa masama ay mamamatay.
20 Silang suwail sa puso ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang gayong sakdal sa kanilang lakad ay kaniyang kaluguran.
Si Yahweh ay napopoot sa mga pusong tiwali, pero siya ay nagagalak sa kanila na kung saan ang pamamaraan ay walang kapintasan.
21 Bagaman ang kamay ay makikikamay, ang masamang tao ay walang pagsalang parurusahan: nguni't ang binhi ng matuwid ay maliligtas.
Maging tiyak dito—ang mga taong masama ay hindi maaaring hindi maparusahan, pero ang mga kaapu-apuhan ng mga gumagawa ng tama ay mananatiling ligtas.
22 Kung paano ang hiyas na ginto sa nguso ng baboy, gayon ang magandang babae na walang bait.
Katulad ng isang gintong singsing sa ilong ng baboy ang isang magandang babae na walang hinahon.
23 Ang nasa ng matuwid ay buti lamang: nguni't ang hintay ng masama ay poot.
Ang hangarin ng mga yaong gumagawa ng tama ay nagbubunga ng mabuti, pero ang masamang mga tao ay makaka-asa lamang sa matinding galit.
24 May nagsasabog, at tumutubo pa, at may humahawak naman ng higit kay sa karampatan, nguni't nauuwi lamang sa pangangailangan.
May isa na siyang naghahasik ng binhi—siya ay makaiipon nang higit pa; ang isa pa ay hindi naghahasik—siya ay darating sa kahirapan.
25 Ang kaluluwang mapagbigay ay tataba: at siyang dumidilig ay madidilig din.
Ang taong mapagbigay ay sasagana, at ang isa na siyang nagbibigay ng tubig sa iba ay magkakaroon ng tubig para sa kaniyang sarili.
26 Siyang humahawak ng trigo ay susumpain siya ng bayan: nguni't kapurihan ay mapapasaulo niya na nagbibili niyaon.
Sinusumpa ng mga tao ang taong ayaw magbenta ng butil, pero ang mabuting mga kaloob ay kumu-korona sa ulo ng nagbebenta nito.
27 Siyang humahanap na masikap ng mabuti ay humahanap ng lingap: nguni't siyang kumakatha ng sama ay sa kaniya lalagpak.
Ang isa na nagsisipag na hanapin ang mabuti ay naghahanap din ng kagandahang-loob, pero ang isa na naghahanap sa masama ay makatatagpo nito.
28 Siyang tumitiwala sa kaniyang mga kayamanan ay mabubuwal: nguni't ang matuwid ay mamumukadkad na parang sariwang dahon.
Sila na nagtitiwala sa kanilang kayamanan ay babagsak, pero tulad ng dahon, sila na gumagawa ng tama ay lalago.
29 Siyang bumabagabag ng kaniyang sariling sangbahayan ay magmamana ng hangin: at ang mangmang ay magiging alipin ng pantas sa puso.
Ang isa na siyang nagdadala ng gulo sa kaniyang sariling sambahayan ay magmamana ng hangin, at ang mangmang ay magiging isang alipin sa matalinong puso.
30 Ang bunga ng matuwid ay punong kahoy ng buhay; at siyang pantas ay humihikayat ng mga kaluluwa.
Sila na gumagawa ng tama ay tulad ng isang puno ng buhay, pero ang karahasan ay bumabawi ng mga buhay.
31 Narito, ang matuwid ay gagantihin sa lupa: gaano pa nga kaya ang masama at makasalanan!
Kung sila na gumagawa ng matuwid ay tumatanggap kung ano ang karapat-dapat sa kanila, paano pa kaya ang masama at ang makasalanan!