< Mga Filipos 3 >
1 Sa katapustapusan, mga kapatid ko, mangagalak kayo sa Panginoon. Ang pagsulat ko nga sa inyo ng mga gayon ding bagay, sa akin ay tunay na hindi nakangangalay, nguni't sa inyo'y katiwasayan.
2 Magsipagingat kayo sa mga aso, magsipagingat kayo sa masasamang manggagawa, magsipagingat kayo sa mga sa pagtutuli:
3 Sapagka't tayo ang pagtutuli, na nagsisisamba sa Espiritu ng Dios, at nangagmamapuri kay Cristo Jesus, at walang anomang pagkakatiwala sa laman:
4 Bagama't ako'y makapagkakatiwala sa laman: na kung ang iba ay nagaakala na may pagkakatiwala sa laman, ay lalo na ako:
5 Na tinuli ng ikawalong araw, mula sa lahi ng Israel, mula sa angkan ni Benjamin, Hebreo sa mga Hebreo; tungkol sa kautusan, ay Fariseo;
6 Tungkol sa pagsisikap, ay manguusig sa iglesia; tungkol sa kabanalan na nasa kautusan, ay walang kapintasan.
7 Gayon man ang mga bagay na sa akin ay pakinabang, ay inari kong kalugihan, alangalang kay Cristo.
8 Oo nga, at lahat ng mga bagay ay inaari kong kalugihan dahil sa dakilang kagalingan ng pagkakilala kay Cristo Jesus na Panginoon ko: na alangalang sa kaniya'y tiniis ko ang kalugihan ng lahat ng mga bagay, at inari kong sukal lamang, upang tamuhin ko si Cristo,
9 At ako'y masumpungan sa kaniya, na walang katuwirang aking sarili, sa makatuwid baga'y sa kautusan, kundi ang katuwirang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwiran ngang buhat sa Dios sa pamamagitan ng pananampalataya:
10 Upang makilala ko siya, at ang kapangyarihan ng kaniyang pagkabuhay na maguli, at ang pakikisama ng kaniyang mga kahirapan, na ako'y natutulad sa kaniyang pagkamatay;
11 Kung aking tamuhin sa anomang paraan ang pagkabuhay na maguli sa mga patay.
12 Hindi sa ako'y nagtamo na, o ako'y nalubos na: kundi nagpapatuloy ako, baka sakaling maabot ko yaong ikinaaabot naman sa akin ni Cristo Jesus.
13 Mga kapatid, hindi ko pa inaaring inabot: datapuwa't isang bagay ang ginagawa ko, na nililimot ang mga bagay na nasa likuran, at tinutungo ang mga bagay na hinaharap,
14 Nagtutumulin ako sa hangganan sa ganting-pala ng dakilang pagtawag ng Dios na kay Cristo Jesus.
15 Kaya nga, kung ilan tayong mga sakdal, ay magisip ng gayon: at kung sa anoma'y nangagkakaiba kayo ng iniisip ay ipahahayag naman ito sa inyo ng Dios:
16 Lamang, ay magsilakad tayo ayon sa gayon ding ayos na ating inabot na.
17 Mga kapatid, kayo'y mangagkaisang tumulad sa akin, at tandaan ninyo ang mga nagsisilakad ng gayon, ayon sa halimbawang nakikita ninyo sa akin.
18 Sapagka't marami ang mga nagsisilakad, na siyang madalas na aking sinabi sa inyo, at ngayo'y sinasabi ko sa inyo na may pagiyak, na sila ang mga kaaway ng krus ni Cristo:
19 Na ang kanilang kahihinatnan ay ang kapahamakan, na ang kanilang dios ay ang tiyan, at ang kanilang kapurihan ay nasa kanilang kahihiyan, na nagiisip ng mga bagay na ukol sa lupa.
20 Sapagka't ang ating pagkamamamayan ay nasa langit; mula doon ay hinihintay naman natin ang Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo:
21 Na siyang magbabago ng katawan ng ating pagkamababa, upang maging katulad ng katawan ng kaniyang kaluwalhatian, ayon sa paggawa na maipagpapasuko niya sa lahat ng mga bagay sa kaniya.