< Mga Bilang 34 >
1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 Iutos mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagpasok ninyo sa lupain ng Canaan, (na ito ang lupaing mahuhulog sa inyo na pinakamana, ang lupain ng Canaan ayon sa mga hangganan niyaon),
3 At inyong hahantungan ang dakong timugan mula sa ilang ng Zin hanggang sa gilid ng Edom, at ang inyong hangganang timugan ay magiging mula sa dulo ng Dagat na Alat sa dakong silanganan:
4 At ang inyong hangganan ay paliko sa dakong timugan sa sampahan ng Acrabbim, at patuloy hanggang sa Zin: at ang mga labasan niyaon ay magiging sa dakong timugan ng Cades-barnea; at mula rito ay pasampa sa Hasar-addar, at patuloy sa Asmon:
5 At ang hangganan ay paliko mula sa Asmon hanggang sa batis ng Egipto, at ang magiging mga labasan niyaon ay sa dagat.
6 At ang magiging inyong hangganang kalunuran ay ang malaking dagat at ang baybayin niyaon: ito ang magiging inyong hangganang kalunuran.
7 At ito ang magiging inyong hangganang hilagaan mula sa malaking dagat ay inyong gagawing palatandaan ang bundok ng Hor:
8 Mula sa bundok ng Hor ay inyong gagawing palatandaan ang pasukan ng Hamath; at ang magiging mga labasan ng hangganan ay sa Sedad;
9 At ang magiging hangganan ay palabas sa Ziphron, at ang magiging mga labasan niyaon, ay ang Hasar-enan: ito ang magiging inyong hangganang hilagaan.
10 At inyong gagawing palatandaan ang inyong hangganang silanganan mula sa Hasar-enan hanggang Sepham:
11 At ang hangganan ay pababa mula sa Sepham hanggang sa Ribla, sa dakong silanganan ng Ain; at ang hangganan ay pababa at abot hanggang sa gilid ng dagat ng Cinnereth sa dakong silanganan:
12 At ang hangganan ay pababa sa Jordan, at ang magiging mga labasan niyaon ay abot sa Dagat na Alat: ito ang magiging inyong lupain, ayon sa mga hangganan niyaon sa palibot.
13 At iniutos ni Moises sa mga anak ni Israel, na sinasabi, Ito ang lupain na inyong mamanahin sa pamamagitan ng sapalaran, na iniutos ng Panginoon na ibigay sa siyam na lipi, at sa kalahating lipi;
14 Sapagka't ang lipi ng mga anak ni Ruben ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, at ang lipi ng mga anak ni Gad ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, ay nagsitanggap na, at gayon din naman ang kalahating lipi ni Manases ay nagsitanggap na ng kanilang mana:
15 Ang dalawang lipi na ito, at ang kalahating lipi ay nagsitanggap na ng kanilang mana sa dako roon ng Jordan sa dakong silanganan ng Jerico, sa dakong sinisikatan ng araw.
16 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
17 Ito ang mga pangalan ng mga lalake na magbabahagi ng lupain sa inyo na pinakamana: si Eleazar na saserdote, at si Josue na anak ni Nun.
18 At maglalagay kayo ng isang prinsipe sa bawa't lipi, upang magbahagi ng lupain na pinakamana.
19 At ito ang mga pangalan ng mga lalake: sa lipi ni Juda, ay si Caleb na anak ni Jephone.
20 At sa lipi ng mga anak ni Simeon, ay si Samuel na anak ni Ammiud.
21 Sa lipi ni Benjamin, ay si Elidad na anak ni Chislon.
22 At sa lipi ng mga anak ni Dan, ay ang prinsipe Bucci na anak ni Jogli.
23 Sa mga anak ni Jose: sa lipi ng mga anak ni Manases, ay ang prinsipe Haniel na anak ni Ephod:
24 At sa lipi ng mga anak ni Ephraim, ay ang prinsipe Chemuel na anak ni Siphtan.
25 At sa lipi ng mga anak ni Zabulon, ay ang prinsipe Elisaphan na anak ni Pharnach.
26 At sa lipi ng mga anak ni Issachar, ay ang prinsipe Paltiel na anak ni Azan.
27 At sa lipi ng mga anak ni Aser, ay ang prinsipe Ahiud na anak ni Selomi.
28 At sa lipi ng mga anak ni Nephtali, ay ang prinsipe Pedael na anak ni Ammiud.
29 Ito yaong mga inutusan ng Panginoon na bumahagi ng mana sa mga anak ni Israel sa lupain ng Canaan.