< Mga Bilang 32 >
1 Ang mga anak nga ni Ruben, at ang mga anak ni Gad ay mayroong napakaraming hayop: at nang kanilang makita ang lupain ng Jazer, at ang lupain ng Galaad, na, narito, ang dako ay minagaling nilang dako sa hayop,
Ngayon ang mga kaapu-apuhan ni Ruben at Gad ay may napakalaking bilang ng mga alagang hayop. Nang nakita nila ang lupain ni Jazer at Galaad, ang lupain ay isang mainam na lugar para sa mga alagang hayop.
2 Ay lumapit at nagsalita ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben kay Moises, at kay Eleazar na saserdote, at sa mga prinsipe ng kapisanan na sinasabi,
Kaya ang mga kaapu-apuhan ni Gad at Ruben ay dumating at nagsalita kay Moises, kay Eleazar na pari, at sa mga pinuno ng sambayanan. Sinabi nila,
3 Ang Ataroth, at ang Dibon, at ang Jazer, at ang Nimra, at ang Hesbon, at ang Eleale, at ang Saban, at ang Nebo, at ang Beon,
“Atarot, Dibon, Jazer, Nimra, Hesbon, Eleale, Sebam, Nebo, at Beon,
4 Na lupaing sinaktan ng Panginoon sa harap ng kapisanan ng Israel, ay lupaing mabuti sa hayop, at ang iyong mga lingkod ay may mga hayop.
ang mga lupaing sinalakay ni Yahweh sa harap ng mamamayan ng Israel ay magandang mga lugar para sa mga alagang hayop. Kaming mga lingkod mo ay may maraming alagang hayop.”
5 At sinabi nila, Kung kami ay nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, ay ibigay mong pinakaari ang lupaing ito sa iyong mga lingkod; at huwag mo kaming paraanin sa Jordan.
Sinabi nila, “Kung kami ay naging kalugud-lugod sa inyong paningin, hibigay mo sa amin ang lupaing ito, samga lingkod mo, bilang isang ari-arian. Huwag mo kaming hayaang tumawid sa Jordan.”
6 At sinabi ni Moises sa mga anak ni Gad, at sa mga anak ni Ruben, Paroroon ba ang inyong mga kapatid sa pakikipagbaka, at kayo'y mauupo rito?
Sumagot si Moises sa mga kaapu-apuhan ni Gad at Ruben, “Kailangan bang pumunta ang inyong mga kapatid na lalaki sa digmaan habang kayo ay nananatili dito?
7 At bakit pinapanghihina ninyo ang loob ng mga anak ni Israel, na huwag magpatuloy sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa kanila?
Bakit ninyo pinahihina ang puso ng mga tao ng Israel sa pagpunta sa lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh?
8 Ganyan ang ginawa ng inyong mga magulang nang sila'y aking suguin, mula sa Cades-barnea upang tiktikan ang lupain.
Ganoon din ang ginawa ng inyong mga ama nang ipadala ko sila mula sa Kades Barnea upang suriin ang lupain.
9 Sapagka't nang sila'y makasampa sa libis ng Eskol at matiktikan ang lupain, ay kanilang pinapanghina ang loob ng mga anak ni Israel upang huwag pumasok sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa kanila.
Umakyat sila sa lambak ng Escol. Nakita nila ang lupain at pagkatapos ay pinahina ang loob ng mga tao ng Israel kaya tumanggi silang pumasok sa lupaing ibinigay sa kanila ni Yawheh.
10 At ang galit ng Panginoon ay nagningas nang araw na yaon, at siya'y sumumpa na sinasabi,
Nag-alab ang galit ni Yawheh ng araw na iyon. Nanumpa siya at sinabi,
11 Tunay na walang taong lumabas sa Egipto, mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, ay makakakita ng lupain na aking isinumpa kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob; sapagka't sila'y hindi lubos na sumunod sa akin:
'Tiyak na wala sa mga kalalakihang umalis mula Ehipto, mula dalawampung taong gulang pataas, ang makakakita sa lupaing aking ipinangako kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, dahil hindi nila ako lubusang sinunod, maliban kay
12 Liban si Caleb na anak ni Jephone na Cenezeo, at si Josue na anak ni Nun: sapagka't sila'y sumunod na lubos sa Panginoon.
Caleb na lalaking anak ni Jefune na Cenizita, at Josue na anak ni Nun. Tanging si Caleb at Josue ang lubusang sumunod sa akin.'
13 At ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, at kaniyang pinagala sila sa ilang, na apat na pung taon hanggang sa ang buong lahing yaon na gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ay nalipol.
Kaya nag-alab ang galit ni Yahweh laban sa Israel. Idinulot niyang magpaga-gala sila sa ilang sa loob ng apatnapung taon hanggang sa ang lahat ng salinlahing gumawa ng masama sa kaniyang paningin ay nalipol.
14 At, narito, kayo'y nagsipagtindig na kahalili ng inyong mga magulang, supling ng mga taong makasalanan, upang dagdagan pa ninyo ang mabangis na galit ng Panginoon sa Israel.
Tingnan mo, humalili kayo sa lugar ng inyong mga ama, tulad ng mas makasalanang mga tao, upang dumagdag sa nag-aalab na galit ni Yahweh sa Israel.
15 Sapagka't kung kayo'y lumihis ng pagsunod sa kaniya ay kaniyang iiwang muli sila sa ilang; at inyong lilipulin ang buong bayang ito.
Kung tatalikod kayo mula sa pagsunod sa kaniya, iiwan niya muli ang Israel sa ilang at lilipulin ninyo ang lahat ng mga taong ito.”
16 At sila'y nagsilapit sa kaniya, at nagsabi, Gagawa kami rito ng mga kulungan sa aming mga hayop, at ng mga bayan sa aming mga bata:
Kaya lumapit sila kay Moises at sinabi, “Payagan mo kaming magtayo ng mga bakod dito para sa aming mga baka at mga lungsod para sa aming mga pamilya.
17 Nguni't kami ay magsisipagalmas upang magpauna sa mga anak ni Israel hanggang sa aming maipasok sa kanilang dakong karoroonan: at ang aming mga bata ay magsisitahan sa mga bayang nakukutaan dahil sa mga nagsisitahan sa lupain.
Gayunman, kami mismo ay magiging handa at nakasandatang sasama sa hukbo ng Israel hanggang sa mapangunahan namin sila sa kanilang lugar. Ngunit maninirahan ang aming mga pamilya sa mga pinagtibay na lungsod dahil sa ibang mga taong nananatili pa ring nakatira sa lupaing ito.
18 Kami ay hindi magsisibalik sa aming mga bahay, hanggang sa ang mga anak ni Israel ay magari bawa't isa ng kaniyang sariling pag-aari.
Hindi kami babalik sa aming mga tahana hangga't ang mga tao ng Israel, ang bawat lalaki ay magkaroon ng mana.
19 Sapagka't hindi kami makikimana sa kanila sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa dako pa roon; sapagka't tinaglay na namin ang aming mana rito sa dakong silanganan ng Jordan.
Hindi namin mamanahin ang lupain kasama nila sa ibang panig ng Jordan, dahil ang aming mana ay narito sa dakonhg silangan ng Jordan.”
20 At sinabi ni Moises sa kanila, Kung gagawin ninyo ang bagay na ito; kung kayo'y magsisipagalmas upang pumaroon sa harap ng Panginoon sa pakikipagbaka,
Kaya sumagot si Moises sa kanila, “Kung gagawin ninyo ang inyong sinabi, kung sasandatahan ninyo ang inyong mga sarili sa harap ni Yahweh upang makidigma,
21 At bawa't may almas sa inyo ay daraan sa Jordan sa harap ng Panginoon, hanggang sa kaniyang mapalayas ang kaniyang mga kaaway sa harap niya.
ang bawat isa sa inyong mga armadong lalaki ay kinakailangang tumawid sa Jordan sa harap ni Yahweh, hanggang sa mapaalis niya ang kaniyang mga kaaway mula sa harap niya
22 At ang lupain ay mapasuko sa harap ng Panginoon: ay makababalik nga kayo pagkatapos, at hindi kayo magiging salarin sa Panginoon, at sa Israel; at ang lupaing ito ay magiging inyong pag-aari sa harap ng Panginoon.
at naangkin ang lupain sa harap niya. Kung ganoon matapos iyon makakabalik na kayo. Mapapawalang-sala kayo kay Yahweh at sa Israel. Magiging inyong ari-arian ang lupaing ito sa harapan ni Yahweh.
23 Nguni't kung hindi ninyo gagawing ganito ay, narito, kayo'y nagkasala laban sa Panginoon: at talastasin ninyo na aabutin kayo ng inyong kasalanan.
Ngunit kung hindi ninyo gagawin ito, tingnan ninyo, magkakasala kayo kay Yahweh. Tiyakin ninyong ang inyong kasalanan ay hahanapin kayo.
24 Igawa ninyo ng mga siyudad ang inyong mga bata, at ng mga kulungan ang inyong mga tupa; at isagawa ninyo ang nabuka sa inyong bibig.
Magtayo kayo ng mga lungsod para sa inyong mga pamilya at mga kulungan para sa inyong tupa; at gawin ninyo ang inyong sinabi.”
25 At sinalita ng mga anak ni Gad at ng mga anak ni Ruben kay Moises, na sinasabi, Isasagawa ng iyong mga lingkod ang gaya ng iniutos ng aking panginoon.
Ang mga kaapu-apuhan ni Gad at Ruben ay nagsalita kay Moises at sinabi, “Ang inyong mga lingkod ay gagawin ang mga inutos mo, aming amo.
26 Ang aming mga bata, ang aming mga asawa, ang aming kawan at ang aming buong bakahan ay matitira riyan sa mga bayan ng Galaad:
Ang aming mga paslit, ang aming mga asawa, ang aming mga kawan, at ang lahat ng aming alagang hayop ay mananatili doon sa mga lungsod ng Galaad.
27 Nguni't ang iyong mga lingkod ay magsisitawid, bawa't lalake na may almas sa pakikipagbaka, sa harap ng Panginoon upang makipagbaka, gaya ng sinabi ng aking panginoon.
Ganoon pa man, kami na inyong mga lingkod, ay tatawid sa harapan ni Yahweh upang makipaglaban, bawat lalaking armado para sa digmaan, gaya ng sinabi mo, aming amo.”
28 Sa gayo'y ipinagbilin sila ni Moises kay Eleazar na saserdote, at kay Josue na anak ni Nun, at sa mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ng mga lipi ng mga anak ni Israel.
Kaya nagbigay ng mga tagubilin si Moises tungkol sa kanila kay Eleazar na pari, kay Josue na anak na lalaki ni Nun, at sa mga pinuno ng mga angkan ng mga ninuno sa mga tribu ng mga tao ng Israel.
29 At sinabi sa kanila ni Moises, Kung ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben ay magsisitawid na kasama ninyo sa Jordan, ang lahat ng lalake na may almas sa pakikipagbaka, sa harap ng Panginoon, at kung ang lupain ay mapasuko sa harap ninyo: ay ibibigay nga ninyo sa kanila na pinakaari ang lupain ng Galaad.
Sinabi ni Moises sa kanila, “Kung ang mga kaapu-apuhan ni Gad at Ruben ay tatawid sa Jordan kasama ninyo, bawat lalaking armado upang makipaglaban sa harapan ni Yahweh, at kung ang lupain ay nilupig sa harap ninyo, ibibigay ninyo sa kanila ang lupain ng Galaad bilang isang ari-arian.
30 Nguni't kung sila'y hindi tatawid na kasama ninyo na may almas, ay magkakaroon sila ng pag-aari na kasama ninyo sa lupain ng Canaan.
Ngunit kung hindi sila tatawid kasama ninyong armado, kukunin nila ang kanilang mga ari-arian sa piling ninyo sa lupain ng Canaan.”
31 At ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben ay nagsisagot, na nangagsasabi, Kung paano ang sinabi ng Panginoon sa iyong mga lingkod ay gayon ang gagawin namin,
Kaya ang mga kaapu-apuhan ni Gad at Ruben ay sumagot at sinabi, “Ayon sa sinabi ni Yahweh sa amin, na inyong mga lingkod, ito ang gagawin namin.
32 Kami ay tatawid na may almas sa harap ng Panginoon sa lupain ng Canaan, at ang magiging pag-aari naming mana ay sa dakong ito ng Jordan.
Kami ay tatawid na nakasandata sa harap ni Yahweh sa lupain ng Canaan, ngunit mananatili sa amin ang aming inangking mana sa bahaging ito ng Jordan.”
33 At ibinigay ni Moises sa kanila, sa mga anak ni Gad, at sa mga anak ni Ruben, at sa kalahati ng lipi ni Manases na anak ni Jose, ang kaharian ni Sehon na hari ng mga Amorrheo, at ang kaharian ni Og na hari sa Basan, ang lupain ayon sa mga bayan niyaon, sa loob ng mga hangganan niyaon, sa makatuwid baga'y ang mga bayan sa palibot ng lupain.
Kaya ang mga kaapu-apuhan nina Gad at Ruben at pati na rin ang kalahati sa tribu ni Manases na anak na lalaki ni Jose, ibinigay ni Moises ang kaharian ni Sihon, na hari ng mga Amoreo, at Og, na hari ng Bashan. Ibinigay sa kanila ang lupain, at ibinahagi sa kanila ang lahat ng mga lungsod nito kasama ang mga hangganan, ang mga lungsod ng lupaing nakapaligid sa mga ito.
34 At itinayo ng mga anak ni Gad ang Dibon, at ang Ataroth, at ang Aroer,
Muling itinayo ng mga kaapu-apuhan ni Gad ang Dibon, Atarot, Aroer,
35 At ang Ataroth-sophan, at ang Jazer, at ang Jogbaa,
Atrot Sopan, Jazer, Jogbeha,
36 At ang Beth-nimra at ang Bet-haran: na mga bayang nakukutaan, at kulungan din naman ng mga tupa.
Bet Nimra, at Bet Haran bilang mga pinatibay na lungsod na may mga kulungan para sa tupa.
37 At itinayo naman ng mga anak ni Ruben ang Hesbon, at ang Eleale, at ang Ciriathaim,
Muling itinayo ng mga kaapu-apuhan ni Ruben ang Hesbon, Eleale, Kiriatim,
38 At ang Nebo, at ang Baal-meon, (na ang pangalan ng mga yaon ay binago, ) at ang Sibma: at nilagyan ng ibang mga pangalan ang mga bayan na kanilang itinayo.
Nebo, Baal Meon—na pinalitan kalaunan ang kanilang mga pangalan, at Sibma. Nagbigay sila ng ibang mga pangalan sa mga lungsod na kanilang muling itinayo.
39 At ang mga anak ni Machir na anak ni Manases ay nagsiparoon sa Galaad, at kanilang sinakop, at pinalayas ang mga Amorrheo na nandoon.
Nagpunta ang mga kaapu-apuhan ni Maquir na anak na lalaki ni Manases sa Galaad at kinuha ito mula sa mga Amoreong naroon.
40 At ibinigay ni Moises ang Galaad kay Machir na anak ni Manases; at kaniyang tinahanan.
Pagkatapos ibinigay ni Moises ang Galaad kay Maquir anak na lalaki ni Manases, at ang kaniyang mga tao ay nanirahan doon.
41 At si Jair na anak ni Manases ay naparoon at sinakop ang mga bayan niyaon at tinawag na Havoth-jair.
Nagpunta si Jair na anak na lalaki ni Manases at sinakop ang mga nayon nito at tinawag ang mga itong Havot Jair.
42 At si Noba ay naparoon at sinakop ang Kenath, at ang mga nayon niyaon, at tinawag na Noba, ayon sa kaniyang sariling pangalan.
Nagpunta si Noba at sinakop ang Kenat at mga kanayunan nito, at tinawag niya itong Noba, sunod sa kaniyang sariling pangalan.