< Mga Bilang 3 >
1 At ito ang mga lahi ni Aaron at ni Moises, nang araw na magsalita ang Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai.
2 At ito ang mga pangalan ng mga anak ni Aaron: si Nadab ang panganay, at si Abiu, si Eleazar, at si Ithamar.
3 Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Aaron, na mga saserdote na pinahiran ng langis, na itinalaga upang mangasiwa sa katungkulang saserdote.
4 At si Nadab at si Abiu ay nangamatay sa harap ng Panginoon, nang sila'y maghandog ng ibang apoy sa harap ng Panginoon, sa ilang ng Sinai, at sila'y hindi nagkaanak: at si Eleazar at si Ithamar ay nangasiwa sa katungkulang saserdote sa harap ni Aaron na kanilang ama.
5 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
6 Ilapit mo ang lipi ni Levi, at ilagay mo sila sa harap ni Aaron na saserdote, upang pangasiwaan nila siya.
7 At kanilang gaganapin ang kaniyang katungkulan, at ang katungkulan ng buong kapisanan sa harap ng tabernakulo ng kapisanan upang isagawa ang paglilingkod sa tabernakulo.
8 At kanilang iingatan ang lahat ng kasangkapan ng tabernakulo ng kapisanan at ang katungkulan ng mga anak ni Israel upang isagawa ang paglilingkod sa tabernakulo.
9 At iyong ibibigay ang mga Levita kay Aaron at sa kaniyang mga anak: sila'y tunay na ibinigay sa kaniya sa ganang mga anak ni Israel.
10 At iyong ihahalal si Aaron at ang kaniyang mga anak, at kanilang gaganapin ang kanilang pagkasaserdote: at ang taga ibang bayan na lumapit ay papatayin.
11 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
12 At tungkol sa akin, narito, aking kinuha ang mga Levita sa gitna ng mga anak ni Israel sa halip ng mga panganay na nagbubukas ng bahay-bata sa mga anak ni Israel: at ang mga Levita ay magiging akin:
13 Sapagka't lahat ng mga panganay ay sa akin; sapagka't nang araw na aking lipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto ay aking pinapagingbanal sa akin, ang lahat ng mga panganay sa Israel, maging tao at maging hayop: sila'y magiging akin; ako ang Panginoon.
14 At sinalita ng Panginoon kay Moises sa ilang ng Sinai, na sinasabi,
15 Bilangin mo ang mga anak ni Levi, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, ayon sa kanilang mga angkan: bawa't lalake na mula sa isang buwang gulang na patanda ay bibilangin mo.
16 At sila'y binilang ni Moises ayon sa salita ng Panginoon, gaya ng iniutos sa kaniya.
17 At ito ang mga naging anak ni Levi ayon sa kanilang mga pangalan: si Gerson, at si Coath, at si Merari.
18 At ito ang mga pangalan ng mga anak ni Gerson ayon sa kanilang mga angkan: si Libni at si Simei.
19 At ang mga anak ni Coath ayon sa kanilang mga angkan, ay si Amram, at si Izhar, si Hebron, at si Uzziel.
20 At ang mga anak ni Merari ayon sa kanilang mga angkan; ay si Mahali at si Musi. Ito ang mga angkan ng mga Levita ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang.
21 Kay Gerson galing ang angkan ng mga Libnita, at ang angkan ng mga Simeita: ito ang mga angkan ng mga Gersonita.
22 Yaong nangabilang sa kanila, ayon sa bilang ng lahat ng mga lalake, mula sa isang buwang gulang na patanda, ay pitong libo at limang daan ang nangabilang sa kanila.
23 Ang mga angkan ng mga Gersonita ay hahantong sa likuran ng tabernakulo sa dakong kalunuran.
24 At ang magiging prinsipe sa sangbahayan ng mga magulang ng mga Gersonita ay si Eliasaph na anak ni Lael.
25 At ang magiging katungkulan ng mga anak ni Gerson sa tabernakulo ng kapisanan ay ang tabernakulo, at ang Tolda, ang takip niyaon at ang tabing sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan,
26 At ang mga tabing ng looban at ang tabing sa pintuan ng looban na nasa palibot ng tabernakulo at sa palibot ng dambana, at ang mga tali niyaon na naukol sa buong paglilingkod doon.
27 At kay Coath ang angkan ng mga Amramita at ang angkan ng mga Izharita, at ang angkan ng mga Hebronita, at ang angkan ng mga Uzzielita: ito ang mga angkan ng mga Coathita.
28 Ayon sa bilang ng lahat na mga lalake, mula sa isang buwang gulang na patanda, ay may walong libo at anim na raang nangamamahala ng katungkulan sa santuario.
29 Ang mga angkan ng mga anak ni Coath ay magsisihantong sa tagiliran ng tabernakulo, sa dakong timugan.
30 At ang magiging prinsipe sa sangbahayan ng mga magulang ng mga angkan ng mga Coathita ay si Elisaphan na anak ni Uzziel.
31 At ang magiging katungkulan nila ay ang kaban, at ang dulang, at ang kandelero, at ang mga dambana, at ang mga kasangkapan ng santuario na kanilang pinangangasiwaan, at ang tabing at ang lahat ng paglilingkod doon.
32 At si Eleazar na anak ni Aaron na saserdote ay siyang magiging prinsipe ng mga prinsipe ng mga Levita at mamamahala sa mga may katungkulan sa santuario.
33 Kay Merari ang angkan ng mga Mahalita at angkan ng mga Musita: ito ang mga angkan ni Merari.
34 At yaong nangabilang sa kanila, ayon sa bilang ng lahat na mga lalake, mula sa isang buwang gulang na patanda, ay anim na libo at dalawang daan.
35 At ang magiging prinsipe sa sangbahayan ng mga magulang ng mga angkan ni Merari ay si Suriel na anak ni Abihail: sila'y magsisihantong sa tagiliran ng tabernakulo sa dakong hilagaan.
36 At ang magiging katungkulan ng mga anak ni Merari, ay ang mga tabla ng tabernakulo, at ang mga barakilan, at ang mga haligi, at ang mga tungtungan, at ang lahat ng kasangkapan, at lahat ng paglilingkod doon;
37 At ang mga haligi sa palibot ng looban, at ang mga tungtungan, at ang mga tulos, at ang mga tali ng mga yaon.
38 At yaong lahat na hahantong sa harap ng tabernakulo sa dakong silanganan, sa harap ng tabernakulo ng kapisanan, sa dakong sinisikatan ng araw, ay si Moises, at si Aaron, at ang kaniyang mga anak na mamamahala ng katungkulan sa santuario, upang ganapin ang pamamahala ng mga anak ni Israel: at ang taga ibang bayan na lumapit ay papatayin.
39 Yaong lahat na nangabilang sa mga Levita na binilang ni Moises at ni Aaron sa utos ng Panginoon ayon sa kanilang mga angkan, lahat ng lalake mula sa isang buwang gulang na patanda, ay dalawang pu't dalawang libo.
40 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Bilangin mo ang lahat ng mga lalaking panganay sa mga anak ni Israel mula sa isang buwang gulang na patanda, at iguhit mo ang bilang ng kanilang mga pangalan.
41 At iuukol mo sa akin ang mga Levita (ako ang Panginoon) sa halip ng lahat ng mga panganay sa mga anak ni Israel; at ang mga hayop ng mga Levita sa halip ng lahat ng mga panganay sa mga hayop ng mga anak ni Israel.
42 At binilang ni Moises, gaya ng iniutos sa kaniya ng Panginoon, ang lahat ng mga panganay sa mga anak ni Israel.
43 At lahat ng mga panganay na lalake ayon sa bilang ng mga pangalan, mula sa isang buwang gulang na patanda, doon sa nangabilang sa kanila, ay dalawang pu't dalawang libo at dalawang daan at pitong pu't tatlo.
44 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
45 Kunin mo ang mga Levita sa halip ng lahat na mga panganay sa mga anak ni Israel, at ang mga hayop ng mga Levita sa halip ng kanilang mga hayop: at ang mga Levita ay magiging akin; ako ang Panginoon.
46 At sa ikatutubos sa dalawang daan at pitong pu't tatlong panganay ng mga anak ni Israel na higit sa bilang ng mga Levita,
47 Ay kukuha ka ng limang siklo sa bawa't isa ayon sa ulo; ayon sa siklo ng santuario kukunin mo (isang siklo ay dalawang pung gera):
48 At ibibigay mo kay Aaron at sa kaniyang mga anak ang salaping ikatutubos na humigit sa bilang nila.
49 At kinuha ni Moises ang salaping pangtubos sa mga labis na humigit sa mga natubos ng mga Levita:
50 Mula sa mga panganay ng mga anak ni Israel kinuha niya ang salapi; isang libo at tatlong daan at anim na pu't limang siklo, ayon sa siklo ng santuario:
51 At ibinigay ni Moises kay Aaron at sa kaniyang mga anak ang salaping pangtubos ayon sa salita ng Panginoon, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.