< Nehemias 4 >
1 Nguni't nangyari, na nang mabalitaan ni Sanballat na aming itinayo ang kuta, siya'y naginit, at nagalit na mainam, at tinuya ang mga Judio.
Ngayon nang narinig ni Sanbalat na itinatayo namin ang pader, ito ay nagpaalab ng kaniyang kalooban, at siya ay galit na galit, at kinutya niya ang mga Judio.
2 At siya'y nagsalita sa harap ng kaniyang mga kapatid, at ng hukbo ng Samaria, at nagsabi, Anong ginagawa nitong mahihinang Judio? magpapakatibay ba sila? mangaghahain ba sila? wawakasan ba nila sa isang araw? kanila bang bubuhayin ang mga bato mula sa mga bunton ng dumi, dangang nangasunog na ang mga yaon?
Sa harapan ng kaniyang mga kapatid at ng hukbo ng Samaria, sinabi niya, “Ano ang ginagawa ng mga mahihinang Judiong ito? Nais ba nilang maibalik sa dating kalagayan ang lungsod para sa kanila? Sila ba ay maghahandog ng mga alay? Matatapos ba nila ang trabaho sa isang araw? Nais ba nilang buhayin ang mga bato mula sa mga tumpok ng durog na bato pagkatapos itong masunog?
3 Si Tobias nga na Ammonita ay nasa tabi niya, at sinabi niya, Bagaman sila'y nangagtatayo, kung ang isang zorra ay sumampa, ibabagsak ang kanilang mga batong kuta.
Si Tobias na Ammonita ay kasama niya, at sinabi niya, “Kung ang isang asong-gubat ay aakyat sa kanilang itinatayo, maaaring ikabagsak ito ng kanilang pader na bato!”
4 Dinggin mo, Oh aming Dios: sapagka't kami ay hinamak; at ibalik mo ang kanilang pagdusta sa kanilang sariling ulo, at ibigay mo sila sa pagkasamsam sa isang lupain sa pagkabihag:
Makinig ka, aming Diyos, dahil kami ay hinahamak. Ibalik mo ang kanilang mga panunuya sa sarili nilang mga ulo at pabayaan mo sila para nakawan sila sa lupain kung saan mga bilanggo sila.
5 At huwag mong ikubli ang kanilang kasamaan, at huwag mong pawiin ang kanilang kasalanan sa harap mo: sapagka't kanilang minungkahi ka sa galit sa harap ng mga manggagawa.
Huwag mong pagtakpan ang kanilang mabigat na sala at huwag mong burahin ang kanilang kasalanan mula sa harap mo, dahil ginalit nila ang mga tagapagtayo.
6 Sa gayo'y aming itinayo ang kuta; at ang buong kuta ay nahusay hanggang sa kalahatian ng taas niyaon: sapagka't ang bayan ay nagkaroon ng kaloobang gumawa.
Kaya itinayo namin ang pader at lahat ng pader ay naitayo hanggang sa kalahating taas nito, dahil ang mga tao ay may pagnanais na magtrabaho.
7 Nguni't nangyari, na nang mabalitaan ni Sanballat, at ni Tobias, at ng mga taga Arabia, at ng mga Ammonita, at ng mga Asdodita, na ipinatuloy ang paghuhusay ng mga kuta ng Jerusalem, at ang mga sira ay pinasimulang tinakpan, sila nga'y nangaginit na mainam;
Pero nang marinig nina Sanbalat, Tobias, na mga taga-Arabia, ang mga Ammonita, at ang mga Asdod na nagpapatuloy ang gawain sa pagsasaayos ng mga pader sa Jerusalem, at isinasara na ang mga nasirang bahagi ng pader, nag-alab ang matinding galit sa kanilang kalooban.
8 At nagsipagbanta silang lahat na magkakasama upang magsiparoon, at magsilaban sa Jerusalem, at upang manggulo roon.
Silang lahat ay sama-samang nagsabwatan, at pumunta sila para makipag-away laban sa Jerusalem at magdulot ng pagkalito rito.
9 Nguni't kami ay nagsidalangin sa aming Dios, at naglagay ng bantay laban sa kanila araw at gabi, dahil sa kanila.
Pero nanalangin kami sa aming Diyos at naglagay ng bantay bilang tagapagtanggol laban sa kanila araw at gabi dahil sa kanilang pananakot.
10 At ang Juda ay nagsabi, Nawalan ng lakas ang mga tagadala ng mga pasan, at may maraming dumi; na anopa't hindi kami makapagtayo ng kuta.
Pagkatapos sinabi ng mamamayan ng Juda, “Ang lakas nilang mga umako ng trabaho ay nanghihina. Napakarami ng durog na bato, at hindi na namin kayang itayong muli ang pader.”
11 At sinabi ng aming mga kalaban: Sila'y hindi mangakakaalam, o mangakakakita man hanggang sa kami ay magsidating sa gitna nila, at patayin sila, at ipatigil ang gawain.
At sinabi ng aming mga kaaway, “Hindi nila malalaman o makikita hanggang makalapit kami sa kanila at mapatay sila, at mapatigil ang trabaho.”
12 At nangyari, na nang magsidating ang mga Judio na nagsisitahan sa siping nila, sinabi nila sa aming makasangpu, mula sa lahat na dako: Kayo'y marapat magsibalik sa amin.
Sa panahong iyon, ang mga Judiong naninirahan malapit sa kanila ay dumating mula sa lahat ng direksiyon at nakipag-usap sa amin ng sampung beses, binalaan kami tungkol sa mga pamamaraan na kanilang ginagawa laban sa amin.
13 Kaya't inilagay ko sa mga pinakamababang dako ng pagitan ng likuran ng kuta, sa mga luwal na dako, sa makatuwid baga'y aking inilagay ang bayan ayon sa kanilang mga angkan, pati ng kanilang mga tabak, ng kanilang mga sibat, at ng kanilang mga busog.
Kaya naglagay ako ng mga tao sa pinakamababang bahagi ng pader sa lantad na mga lugar. Nagbigay ako ng pwesto sa bawat pamilya. Sila ay may kanya-kanyang tabak, mga sibat, at mga pana.
14 At ako'y tumingin, at tumayo, at nagsabi sa mga mahal na tao, at sa mga pinuno, at sa nalabi sa bayan: Huwag kayong mangatakot sa kanila: inyong alalahanin ang Panginoon, na dakila at kakilakilabot, at ipakipaglaban ninyo ang inyong mga kapatid, ang inyong mga anak na lalake at babae, ang inyong mga asawa at ang inyong mga bahay.
Tumingin ako at tumayo, at sinabi sa mga maharlika, at sa mga namumuno, at sa natitirang ibang mga tao, “Huwag kayong matatakot sa kanila. Alalahanin ninyo ang Panginoon, na dakila at kahanga-hanga. Ipaglaban ninyo ang inyong mga pamilya, ang inyong mga anak na lalaki at babae, ang inyong mga asawa, at ang inyong mga tahanan.
15 At nangyari, nang mabalitaan ng aming mga kaaway na naalaman namin, at iniuwi sa wala ng Dios ang kanilang payo, na kami na nagsibalik na lahat sa kuta, bawa't isa'y sa kaniyang gawa.
Nangyari na nang narinig ng aming mga kalaban na batid na namin ang kanilang mga balak, at binigo ng Diyos ang kanilang mga balak, lahat kami ay bumalik sa pader, bawat isa sa kaniyang trabaho.
16 At nangyari, mula nang panahong yaon, na kalahati sa aking mga lingkod ay nagsigawa sa gawain, at kalahati sa kanila ay nagsisihawak ng mga sibat, mga kalasag, at mga busog, at ng mga baluti; at ang mga pinuno ay nangasa likuran ng buong sangbahayan ng Juda.
Kaya mula noon kalahati ng aking mga lingkod ay nagtrabaho lamang sa pagtatayo muli ng pader, at kalahati sa kanila ay may hawak na mga sibat, panangga, mga pana at nagsuot ng kalasag, habang ang mga pinuno ay nakatayo sa likuran ng lahat ng mamamayan sa Juda.
17 Silang nangagtayo ng kuta, at silang nangagpapasan ng mga pasan ay nagsipagsakbat, bawa't isa'y may isa ng kaniyang mga kamay na iginagawa sa gawain, at may isa na inihahawak ng kaniyang sakbat;
Kaya ang parehong mga manggagawa na nagtatayo ng pader at nagdadala ng mga pasanin ay nagbabantay din ng kanilang mga kinalalagyan. Ang bawat isa ay nagtatrabaho sa pamamagitan ng isang kamay, at sa kabilang kamay naman ay hawak ang kaniyang sandata.
18 At ang mga manggagawa, bawa't isa'y may kaniyang tabak na nakasabit sa kaniyang tagiliran, at gayon gumagawa. At ang nagpapatunog ng pakakak ay nasa siping ko.
Bawat tagapagtayo ay nagsuot ng kaniyang espada sa kaniyang tagiliran at ganoon siya nagtatrabaho. At nanatili sa aking tabi ang nagpapatunog ng trumpeta.
19 At sinabi ko sa mga mahal na tao at sa mga pinuno, at sa nalabi sa bayan: Ang gawain ay malaki at malaon, at tayo'y nangagkakahiwalay sa kuta, isa'y malayo sa isa:
Sinabi ko sa mga maharlika at sa mga opisyales at sa natitirang mga tao, “Ang gawain ay malaki at malawak, at kami ay napahiwalay doon sa pader, malayo sa isa't-isa.
20 Sa anomang dako na inyong marinig ang tunog ng pakakak, ay makipisan kayo sa amin; ipakikipaglaban tayo ng ating Dios.
Bilisan ninyo ang takbo sa lugar kung saan maririnig ninyo ang trumpeta at kayo ay magtipon doon. Ang ating Diyos ang lalaban para sa atin.”
21 Ganito nagsigawa kami sa gawain: at kalahati sa kanila ay nagsisihawak ng mga sibat mula sa pagbubukang liwayway hanggang sa ang mga bituin ay magsilitaw.
Kaya ginagawa namin ang trabaho. Kalahati sa kanila ay may hawak-hawak na mga sibat mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglabas ng mga bituin.
22 Sinabi ko rin nang panahong yaon sa bayan: Magsitahan bawa't isa sa Jerusalem, na kasama ng kanikaniyang lingkod upang sa gabi ay maging bantay sila sa atin, at makagawa sa araw.
Sinabi ko rin sa mga tao sa oras na iyon, “Hayaan ninyo ang bawat lalaki at ang kaniyang lingkod na magpalipas ng gabi sa kalagitnaan ng Jerusalem, sa gayon sila ay magiging bantay natin sa gabi at manggagawa sa araw.”
23 Sa gayo'y maging ako, ni ang aking mga kapatid man, ni ang aking mga lingkod man, ni ang mga lalake mang bantay na nagsisisunod sa akin, ay walang naghubad sa amin ng aming mga suot, na bawa't isa'y yumaon na may kaniyang sandata sa tubig.
Kaya kahit ako, maging ang aking mga kapatid na lalaki, aking mga lingkod, mga lalaki na nagbabantay na sumunod sa akin, ay hindi nagpalit ng aming mga damit, at bawat isa sa amin ay nagdala ng kaniya-kaniyang sandata, kahit na siya ay kumukuha ng tubig.