< Nehemias 12 >
1 Ang mga ito nga ang mga saserdote at ang mga Levita na nagsisampa na kasama ni Zorobabel na anak ni Sealthiel, at ni Jesua: si Seraias, si Jeremias, si Ezra;
Ito ang mga pari at mga Levita na umakyat kasama sina Zerubabel na anak ni Sealtiel at kasama ni Josue: sina Sereias, Jeremias, Ezra,
2 Si Amarias; si Malluch, si Hartus;
Amarias, Maluc, Hatus,
3 Si Sechanias, si Rehum, si Meremoth;
Secanias, Rehum, at Meremot.
4 Si Iddo, si Ginetho, si Abias;
Naroon sina Ido, Ginetoi, Abijas,
5 Si Miamin, si Maadias, si Bilga;
Mijamin, Maadias, Bilga,
6 Si Semaias, at si Joiarib, si Jedaias;
Semaias, at Joiarib, Jedaias.
7 Si Sallum, si Amoc, si Hilcias, si Jedaias. Ang mga ito'y ang mga pinuno sa mga saserdote at sa kanilang mga kapatid sa mga kaarawan ni Jesua.
Sina Saul, Amok, Hilkias, at Jedaias. Ito ang mga pinuno ng mga pari at kanilang mga kasamahan sa mga araw ni Josue.
8 Bukod dito'y ang mga Levita: si Jesua, si Binnui, si Cadmiel, si Serebias, si Juda, at si Mathanias, na namamahala sa pagpapasalamat, siya at ang kaniyang mga kapatid.
Ang mga Levita ay sina Josue, Binui, Kadmiel, Serebias, Juda, at Matanias, na siyang tagapangasiwa sa mga awit ng pasasalamat, kasama ang kaniyang mga kasamahan.
9 Si Bacbucias, naman at si Unni, na kanilang mga kapatid, ay nagkakaharapan sa kanikaniyang pulutong.
Sina Bakbukuias at Uno, ang kanilang mga kasamahan, ay nakatayo sa tapat nila habang may gawain.
10 At naging anak ni Jesua si Joiacim, at naging anak ni Joiacim si Eliasib, at naging anak ni Eliasib, si Joiada,
Si Josue ang ama ni Jehoiakim, si Joiakim ang ama ni Eliasib, si Eliasib ang ama ni Joiada,
11 At naging anak ni Joiada si Jonathan at naging anak ni Jonathan si Jaddua.
si Joiada ang ama ni Jonatan, at si Jonatan ang ama ni Jadua.
12 At sa mga kaarawan ni Joiacim, ay mga saserdote, na mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang: kay Seraias, si Meraias; kay Jeremias, si Hananias;
Sa mga araw ni Jehoiakim ito ang mga pari, ang mga pinuno ng mga ama ng mga pamilya: Si Meraias ang pinuno ni Seraias, si Hananias ang pinuno ni Jeremias,
13 Kay Ezra, si Mesullam; kay Amarias, si Johanan;
si Mesulam ang pinuno ni Ezra, si Jehohanan ang pinuno ni Amarias,
14 Kay Melicha si Jonathan; kay Sebanias, si Joseph;
si Jonatan ang pinuno ni Maluqui, at si Jose ang pinuno ni Sebanias.
15 Kay Harim, si Adna; kay Meraioth, si Helcai;
Sa pagpapatuloy, si Adna ang pinuno ni Harim, si Helkai ang pinuno ni Meraiot,
16 Kay Iddo, si Zacarias; kay Ginnethon, si Mesullam;
si Zacarias ang pinuno ni Ido, si Mesulam ang pinuno ni Gineton, at
17 Kay Abias, si Zichri; kay Miniamin, kay Moadias, si Piltai;
si Zicri ang pinuno ni Abijas. Mayroon ding pinuno si Miniamin. Si Piltai ang pinuno ni Moadias.
18 Kay Bilga, si Sammua; kay Semaias, si Jonathan;
Si Samua ang pinuno ni Bilga, si Jehonatan ang pinuno ni Semaias,
19 At kay Joiarib, si Mathenai; kay Jedaias, si Uzzi;
si Matenai ang pinuno ni Joiarib, si Uzi ang pinuno ni Jedaias,
20 Kay Sallai, si Callai; kay Amoc, si Eber;
si Kalai ang pinuno ni Salai, si Eber ang pinuno ni Amok,
21 Kay Hilcias, si Hasabias; kay Jedaias, si Nathanael.
si Hashabias ang pinuno ni Hilkias, at si Nathanael ang pinuno ni Jedaias.
22 Ang mga Levita sa mga kaarawan ni Eliasib, ni Joiada, at ni Johanan, at ni Jaddua, ay nangasulat sa mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang: gayon din ang mga saserdote sa paghahari ni Dario na taga Persia.
Sa mga araw ni Eliasib, ang mga Levitang sina Eliasib, Joiada, Johanan, at Jadua ay naitala bilang mga pinuno ng mga pamilya, at ang mga pari ay naitala habang naghahari si Dario ang Persiano.
23 Ang mga anak ni Levi, na mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang, ay nangasulat sa aklat ng mga alaala, hanggang sa mga kaarawan ni Johanan na anak ni Eliasib.
Ang mga kaapu-apuhan ni Levi at ang mga pinuno ng kanilang mga pamilya ay naitala sa Aklat ng mga Salaysay hanggang sa mga araw ni Johanan na anak ni Eliasib.
24 At ang mga pinuno ng mga Levita: si Hasabias, si Serabias, si Jesua na anak ni Cadmiel, na may mga kapatid na nangasa tapat nila upang magsipuri at nangagpasalamat, ayon sa utos ni David na lalake ng Dios, sa pulutong at pulutong.
At ang mga pinuno ng mga Levita ay sina Hashabias, Serabias, at Josue na anak ni Kadmiel, kasama ang kanilang mga kasamahan na nakatayo sa tapat nila para magbigay ng papuri at magbigay ng pasasalamat, tumutugon ng pangkat sa pangkat, bilang pagsunod sa utos ni David, ang lingkod ng Diyos.
25 Si Mathanias, at si Bucbucias, si Obadias, si Mesullam, si Talmon, si Accub, ay mga tagatanod-pinto, na nangagbabantay sa mga kamalig ng mga pintuang-bayan.
Sina Matanias, Bakbukuias, Obadias, Mesulam, Talmon at Akub ay mga tagapagbantay ng tarangkahan na nakatayong nagbabantay sa mga bodega ng mga tarangkahan.
26 Ang mga ito'y sa mga kaarawan ni Joiacim, na anak ni Jesua, na anak ni Josadac, at sa mga kaarawan ni Nehemias na tagapamahala, at ng saserdoteng Ezra na kalihim.
Naglingkod sila sa mga araw ni Joiakim na anak ni Josue na anak ni Jehozadak, at sa mga araw ni Nehemias ang gobernador at ni Ezra ang pari at eskriba.
27 At sa pagtatalaga ng kuta ng Jerusalem ay kanilang hinanap ang mga Levita mula sa lahat nilang dako upang dalhin nila sila sa Jerusalem, na ipagdiwang ang pagtatalaga na may kasayahan, na may mga pagpapasalamat, at may mga awitan din may mga cimbalo, mga salterio, at may mga alpa.
Sa pagtatalaga ng pader ng Jerusalem, hinanap ng mga tao ang mga Levita saanman sila nanirahan, para dalhin sila sa Jerusalem para magdiwang ng pagtatalaga ng may kagalakan, may pasasalamat at umaawit na may mga pompiyang, alpa, at may mga lira.
28 At ang mga anak ng mga mangaawit ay nagpipisan mula sa kapatagan ng palibot ng Jerusalem, at mula sa mga nayon ng mga Netophatita;
Ang samahan ng mga mang-aawit ay sama-samang nagtipon mula sa distrito sa paligid ng Jerusalem at mula sa mga nayon ng mga taga-Netofa.
29 Mula rin naman sa Beth-gilgal, at mula sa mga parang ng Geba at ng Azmaveth: sapagka't nangagtayo sa ganang kanila ang mga mangaawit ng mga nayon sa palibot ng Jerusalem.
Sila ay nagmula rin sa Beth Gilgal at mula sa mga kabukiran ng Geba at Azmavet, dahil ang mga mang-aawit ay gumawa ng mga nayon para sa kanilang mga sarili sa paligid ng Jerusalem.
30 At ang mga saserdote at ang mga Levita ay nangagpakalinis; at kanilang nilinis ang bayan, at ang mga pintuang-bayan, at ang kuta.
Ang mga pari at ang mga Levita ay dinalisay ang kanilang mga sarili, at pagkatapos ay dinalisay nila ang mga tao, ang mga tarangkahan, at ang pader.
31 Nang magkagayo'y isinampa ko ang mga prinsipe sa Juda sa ibabaw ng kuta, at akin silang pinapagdalawang malaking pulutong na nangagpasalamat at nagsiyaong sunodsunod; na ang isa'y lumalakad sa kanan sa ibabaw ng kuta sa dako ng pintuang-bayan ng tapunan ng dumi;
Pagkatapos ay kasama ko ang mga pinuno ng Juda na umakyat sa taas ng pader, at nagtalaga ako ng dalawang malaking pangkat ng mang-aawit na magbibigay pasasalamat. Ang isa ay pumunta sa kanan ng pader patungo sa Tarangkahan ng Dumi.
32 At sumusunod sa kanila si Osaias, at ang kalahati sa mga prinsipe sa Juda,
Si Hoshaias at kalahati ng mga pinuno ng Juda ay sumunod sa kanila,
33 At si Azarias, si Ezra, at si Mesullam,
at pagkatapos nila ay pumunta sina Azarias, Ezra, Mesulam,
34 Si Juda, at si Benjamin, at si Semaias, at si Jeremias,
Juda, Benjamin, Semaias, Jeremias,
35 At ang iba sa mga anak ng mga saserdote na may mga pakakak: si Zacarias na anak ni Jonathan, na anak ni Semaias, na anak ni Mathanias, na anak ni Micaya, na anak ni Zacur, na anak ni Asaph;
at ilan sa mga anak ng mga pari na may mga trumpeta, at si Zacarias na anak ni Jonatan na anak ni Semaias na anak ni Matanias na anak ni Micaias na anak ni Zacur, ang kaapu-apuhan ni Asaf.
36 At ang kaniyang mga kapatid, na si Semaias, at si Azarel, si Milalai, si Gilalai, si Maai, si Nathanael, at si Juda, si Hanani, na may mga panugtog ng tugtugin ni David na lalake ng Dios; at si Ezra na kalihim ay nasa unahan nila:
Naroon din ang mga kamag-anak ni Zacarias, sina Semaias, Azarel, Milalai, Gilalai, Maai, Nathanael, Juda, Hanani, na may instrumento sa musika ni David ang lingkod ng Diyos. Si Ezra ang eskriba ay nasa harap nila.
37 At sa tabi ng pintuang-bayan ng bukal, at nagtuwid sila sa harapan nila, na sila'y nagsisampa sa mga baytang ng bayan ni David sa sampahan sa kuta, sa ibabaw ng bahay ni David, hanggang sa pintuang-bayan ng tubig sa dakong silanganan.
Sa pamamagitan ng Tarangkahan ng Bukal, sila ay pumanhik sa pamamagitan ng mga hagdanan sa lungsod ni David paakyat ng pader, sa itaas ng palasyo ni David, patungo sa Tarangkahan ng Tubig sa silangan.
38 At ang isang pulutong nila na nagpapasalamat ay yumaong sinalubong sila, at ako'y sa hulihan nila, na kasama ko ang kalahati ng bayan sa ibabaw ng kuta, sa itaas ng moog ng mga hurno, hanggang sa maluwang na kuta;
At ang ibang pangkat ng mang-aawit na nagbigay pasasalamat ay pumunta sa ibang direksiyon. Sinundan ko sila sa pader kasama ang kalahati ng mga tao, sa itaas ng Tore ng mga Pugon, sa Malapad na Pader,
39 At sa ibabaw ng pintuang-bayan ng Ephraim, at sa matandang pintuang-bayan at sa pintuang-bayan ng mga isda, at sa moog ng Hananel, at sa moog ng Meah, hanggang sa pintuang-bayan ng mga tupa: at sila'y nagsitayong nangakatigil sa pintuang-bayan ng bantay.
at sa itaas ng Tarangkahan ng Efraim, at sa pamamagitan ng Lumang Tarangkahan, at sa pamamagitan ng Tarangkahan ng Isda, at ng Tore ni Hananel at ng Tore ng Sandaan, patungo sa Tarangkahan ng mga Tupa, at huminto sila sa Tarangkahan ng Bantay.
40 Sa gayo'y nagsitayo ang dalawang pulutong nila na nangagpasalamat sa bahay ng Dios, at ako, at ang kalahati sa mga pinuno na kasama ko.
Kaya ang parehong mga pangkat ng mang-aawit na nagbigay pasasalamat ay pumunta kung saan sila nakatalaga sa tahanan ng Diyos, at pumunta rin ako kung saan ako nakatalaga kasama ang kalahati ng mga pinuno.
41 At ang mga saserdote, si Eliacim, si Maaseias, si Miniamin, si Michaias, si Elioenai, si Zacarias, at si Hananias, na may mga pakakak;
At ang mga pari ay pumunta rin kung saan sila nakatalaga: sina Eliakim, Maaseias, Miniamin, Micaias, Elioenai, Zacarias, at Hananias, na may mga trumpeta,
42 At si Maaseias, at si Semeias, at si Eleazar, at si Uzzi, at si Johanan, at si Malchias, at si Elam, at si Ezer. At ang mga mangaawit ay nagsiawit ng malakas, na kasama si Jezrahias, na tagapamahala sa kanila.
sina Maaseias, Semaias, Eleazar, Uzi, Jehohanan, Malquijas, Elam, at Ezer. Ang mga mang-aawit ay umawit kasama si Jezrahias bilang tagapanguna.
43 At sila'y nangaghandog ng malalaking hain ng araw na yaon, at nangagalak; sapagka't sila'y pinapagkatuwa ng Dios ng di kawasa; at ang mga babae naman at ang mga bata ay nangagalak: na anopa't ang kagalakan ng Jerusalem ay narinig hanggang sa malayo.
At naghandog sila ng maraming mga alay ng araw na iyon, at nagsaya, dahil dinulot ng Diyos na sila ay magdiwang ng may labis na kagalakan. Ang mga babae rin at mga bata ay nagsaya. Kaya ang kagalakan ng Jerusalem ay maririnig mula sa malayo.
44 At nang araw na yaon ay nahalal ang ilan sa mga lalake sa mga silid na ukol sa mga kayamanan, sa mga handog na itataas, sa mga unang bunga, at sa mga ikasangpung bahagi, upang pisanin sa mga yaon, ayon sa mga bukid ng mga bayan, na mga bahaging takda ng kautusan sa mga saserdote at mga Levita: sapagka't kinagagalakan ng Juda ang mga saserdote at mga Levita na nagsitayo.
Sa araw na iyon ang mga lalaki ay itinalaga na maging tagapangasiwa sa mga silid-imbakan para sa mga kontribusyon, mga unang bunga, at mga ikapu, para ipunin nila ang mga bahagi na hiningi ng kautusan para sa mga pari at para sa mga Levita. Ang bawat isa ay inatasang magtrabaho sa mga bukirin malapit sa mga bayan. Dahil ang mga taga-Juda ay nagsaya para sa mga pari at mga Levita na nakatayo sa harapan nila.
45 At sila'y nangagingat ng tungkulin sa kanilang Dios, at ng tungkulin sa paglilinis, at gayong ginawa ng mga mangaawit at mga tagatanod-pinto, ayon sa utos ni David, at ni Salomon sa kaniyang anak.
Naisagawa nila ang paglilingkod sa kanilang Diyos, at sa gawain ng pagdadalisay, bilang pagpapanatili sa utos ni David at ni Solomon na kaniyang anak, at gayundin ang mga mang-aawit at mga tagapagbantay ng tarangkahan.
46 Sapagka't sa mga kaarawan ni David at ni Asaph ng una ay may pinuno sa mga mangaawit, at mga awit na pagpuri at pasasalamat sa Dios.
Sa mahabang panahon, sa mga araw ni David at Asaf, ay mayroong mga tagapamahala ng mga mang-aawit, at mayroong mga awiting papuri at pasasalamat sa Diyos.
47 At ang buong Israel sa mga kaarawan ni Zorobabel, at sa mga kaarawan ni Nehemias, ay nangagbigay ng mga bahagi ng mga mangaawit, at mga tagatanod-pinto, ayon sa kailangan sa bawa't araw: at kanilang itinalaga sa mga Levita; at itinalaga ng mga Levita sa mga anak ni Aaron.
Sa mga araw ni Zerubabel at sa mga araw ni Nehemias, lahat ng mga Israelita ay nagbigay ng kanilang pang-araw-araw na mga bahagi para sa mga mang-aawit at mga tagapagbantay ng tarangkahan. Itinabi nila ang bahagi na para sa mga Levita, at ang mga Levita ay itinabi ang bahagi para sa mga kaapu-apuhan ni Aaron.