< Mikas 6 >
1 Dinggin ninyo ngayon kung ano ang sinasabi ng Panginoon: Bumangon ka, makipagkaalit ka sa harap ng mga bundok, at dinggin ng mga burol ang iyong tinig.
2 Dinggin ninyo, Oh ninyong mga bundok, ang usap ng Panginoon, at ninyo na mga matibay na patibayan ng lupa; sapagka't ang Panginoon ay may usap sa kaniyang bayan, at kaniyang ipakikipagtalo sa Israel.
3 Oh bayan ko, anong ginawa ko sa iyo? at sa ano kita pinagod? sumaksi ka laban sa akin.
4 Sapagka't ikaw ay aking iniahon mula sa lupain ng Egipto, at tinubos kita sa bahay ng pagkaalipin; at aking sinugo sa unahan mo si Moises, si Aaron, at si Miriam.
5 Oh bayan ko, alalahanin mo ngayon kung ano ang isinangguni ni Balac na hari sa Moab, at kung ano ang isinagot sa kaniya ni Balaam na anak ni Beor; alalahanin mo mula sa Sittem hanggang sa Gilgal, upang iyong maalaman ang mga matuwid na gawa ng Panginoon.
6 Ano ang aking ilalapit sa harap ng Panginoon, at iyuyukod sa harap ng mataas na Dios? paroroon baga ako sa harap niya na may mga handog na susunugin, na may guyang isang taon ang gulang?
7 Kalulugdan baga ng Panginoon ang mga libolibong tupa, o ang mga sangpu-sangpung libong ilog na langis? ibibigay ko baga ang aking panganay dahil sa aking pagsalangsang, ang bunga ng aking katawan dahil sa kasalanan ng aking kaluluwa?
8 Kaniyang ipinakilala sa iyo, Oh tao, kung ano ang mabuti; at ano ang hinihingi ng Panginoon sa iyo, kundi gumawa na may kaganapan, at ibigin ang kaawaan, at lumakad na may kababaan na kasama ng iyong Dios.
9 Ang tinig ng Panginoon ay humihiyaw sa bayan, at ang taong may karunungan ay makakakita ng iyong pangalan: dinggin ninyo ang tungkod, at ang naghalal niyaon.
10 Mayroon pa baga kaya ng mga kayamanan ng kasamaan sa bahay ng masama, at ng kulang na panukat na kasuklamsuklam?
11 Magiging malinis baga ako na may masamang timbangan, at sa marayang supot na panimbang?
12 Sapagka't ang mga mayaman niyaon ay puno ng pangdadahas, at ang mga mananahan doo'y nangagsalita ng mga kabulaanan, at ang kanilang dila ay magdaraya sa kanilang bibig.
13 Kaya't sinugatan din naman kita ng mabigat na sugat; ginawa kitang kasiraan dahil sa iyong mga kasalanan.
14 Ikaw ay kakain, nguni't hindi ka mabubusog; at ang iyong pagpapakumbaba ay sasa gitna mo: at ikaw ay magtatabi, nguni't wala kang dadalhing maitatabi; at ang iyong ilalabas ay aking iiwan sa tabak.
15 Ikaw ay maghahasik, nguni't hindi ka magaani: ikaw ay magpipisa ng mga olibo, nguni't hindi ka magpapahid ng langis; at ng ubas, nguni't hindi ka iinom ng alak.
16 Sapagka't naiingatan ang mga palatuntunan ni Omri, at ang lahat na gawa ng sangbahayan ni Achab, at kayo'y nagsisilakad ng ayon sa kanilang mga payo; upang gawin kitang kasiraan, at ang mga mananahan niya'y kasutsutan: at inyong dadalhin ang kakutyaan ng aking bayan.