< Mikas 2 >
1 Sa aba nila na humahaka ng kasamaan, at nagsisigawa ng kasamaan sa kanilang mga higaan! pagliliwanag sa umaga, ay kanilang isinasagawa, sapagka't nasa kapangyarihan ng kanilang kamay.
2 At sila'y nangagiimbot ng mga bukid, at kanilang inaangkin; at ng mga bahay, at inaalis: at kanilang pinipighati ang isang tao at ang kaniyang sangbahayan, ang tao, at ang kaniyang mana.
3 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, laban sa angkang ito ay humahaka ako ng isang kasamaan na doo'y hindi ninyo maaalis ang inyong mga leeg, ni makalalakad man ng kahambugan; sapagka't isang masamang panahon.
4 Sa araw na yaon ay magsisisambit sila ng talinhaga laban sa inyo, at mangananaghoy ng kakilakilabot na panaghoy, at mangagsasabi, Kami ay lubos na nasira: kaniyang binabago ang bahagi ng aking bayan; ano't inilalayo niya sa akin! sa mga manghihimagsik kaniyang binahagi ang aming mga bukid.
5 Kaya't mawawalan ka na ng maghahagis ng pisi na panukat sa pamamagitan ng sapalaran sa kapisanan ng Panginoon.
6 Huwag kayong manganghuhula, ganito sila nanganghuhula. Hindi sila manganghuhula sa mga ito: ang mga kakutyaan ay hindi mapapawi.
7 Sasabihin baga Oh sangbahayan ni Jacob, Ang Espiritu baga ng Panginoon ay nagipit? ang mga ito baga ang kaniyang mga gawa? Di baga ang aking mga salita ay nagsisigawa ng mabuti sa nagsisilakad ng matuwid?
8 Nguni't kamakailan na ang aking bayan ay bumangon na wari kaaway: inyong hinuhubad ang suot na kalakip ng balabal sa nagsisidaang tiwasay na parang mga lalaking nagsisipanggaling sa digma.
9 Ang mga babae ng aking bayan ay inyong pinalalayas sa kanilang mga masayang bahay; sa kanilang mga bata ay inyong inaalis ang aking kaluwalhatian magpakailan man.
10 Kayo'y magsibangon, at magsiyaon; sapagka't hindi ito ang inyong kapahingahan; dahil sa karumihan na lumilipol sa makatuwid baga'y sa mahigpit na paggiba.
11 Kung ang isang taong lumalakad sa espiritu ng kabulaanan ay nagsisinungaling, na nagsasabi, Ako'y manghuhula sa iyo tungkol sa alak at matapang na inumin; siya nga'y magiging propeta sa bayang ito.
12 Walang pagsalang aking pipisanin, Oh Jacob, ang lahat ng iyo; aking pipisaning walang pagsala ang nalabi sa Israel: akin silang ilalagay na magkakasama na parang mga tupa sa Bosra, na parang kawan sa gitna ng pastulan sa kanila; sila'y magkakaingay ng di kawasa dahil sa karamihan ng tao.
13 Nangunguna sa kanila yaong nagbubukas ng daan: sila'y nagbukas ng daan at nagsidaan sa pintuang-bayan, at nagsilabas doon; at ang kanilang hari ay nagpauna sa kanila, at ang Panginoon sa unahan nila.