< Mateo 9 >
1 At lumulan siya sa isang daong, at tumawid, at dumating sa kaniyang sariling bayan.
2 At narito, dinala nila sa kaniya ang isang lumpo, na nakahiga sa isang higaan: at nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, ay sinabi sa lumpo, Anak, laksan mo ang iyong loob; ang iyong mga kasalanan ay ipinatatawad na.
3 At narito, ang ilan sa mga eskriba ay nangagsabi sa kanilang sarili, Ang taong ito'y namumusong.
4 At pagkaunawa ni Jesus ng kanilang mga kaisipan, ay sinabi, Bakit nangagiisip kayo ng masama sa inyong mga puso?
5 Sapagka't alin baga ang lalong magaang sabihin, Ipinatatawad na ang iyong mga kasalanan; o sabihin, Magtindig ka, at lumakad ka?
6 Datapuwa't upang maalaman ninyo na ang Anak ng tao'y may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan (sinabi nga niya sa lumpo), Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa iyong bahay.
7 At nagtindig siya, at umuwi sa kaniyang bahay.
8 Datapuwa't nang makita ito ng karamihan, ay nangatakot sila, at kanilang niluwalhati ang Dios, na nagbigay ng gayong kapamahalaan sa mga tao.
9 At pagdaraan doon ni Jesus, ay nakita niya ang isang tao, na kung tawagi'y Mateo, na nakaupo sa paningilan ng buwis: at sinabi niya sa kaniya, Sumunod ka sa akin. At siya'y nagtindig, at sumunod sa kaniya.
10 At nangyari, na nang nakaupo siya sa pagkain sa bahay, narito, ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan ay nagsirating at nagsiupong kasalo ni Jesus at ng kaniyang mga alagad.
11 At nang makita ito ng mga Fariseo, ay sinabi nila sa kaniyang mga alagad, Bakit sumasalo ang inyong Guro sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?
12 Datapuwa't nang ito'y marinig niya, ay kaniyang sinabi, Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit.
13 Datapuwa't magsihayo kayo at inyong pagaralan kung ano ang kahulugan nito, Habag ang ibig ko, at hindi hain: sapagka't hindi ako naparito upang tumawag ng mga matuwid, kundi ng mga makasalanan.
14 Nang magkagayo'y nagsilapit sa kaniya ang mga alagad ni Juan, na nangagsabi, Bakit kami at ang mga Fariseo ay nangagaayunong madalas, datapuwa't hindi nangagaayuno ang mga alagad mo?
15 At sinabi sa kanila ni Jesus, Mangyayari bagang mangagluksa ang mga abay sa kasalan, samantalang ang kasintahang lalake ay kasama nila? datapuwa't darating ang mga araw, na ang kasintahang lalake ay aalisin sa kanila, at kung magkagayo'y mangagaayuno sila.
16 At sinoma'y hindi nagtatagpi ng bagong kayo sa damit na luma; sapagka't ang tagpi ay bumabatak sa damit, at lalong lumalala ang punit.
17 Hindi rin nagsisilid ng bagong alak sa mga balat na luma: sa ibang paraan ay nangagpuputok ang mga balat, at nangabububo ang alak, at nangasisira ang mga balat: kundi isinisilid ang bagong alak sa mga bagong balat, at kapuwa nagsisitagal.
18 Samantalang sinasalita niya ang mga bagay na ito sa kanila, narito, dumating ang isang pinuno, at siya'y sinamba, na nagsasabi, Kamamatay pa lamang ng aking anak na babae: datapuwa't halina at ipatong mo ang iyong kamay sa kaniya, at siya'y mabubuhay.
19 At si Jesus ay nagtindig, at sumama sa kaniya, pati ng kaniyang mga alagad.
20 At narito, isang babaing inaagasang may labingdalawang taon na, ay lumapit sa kaniyang likuran, at hinipo ang laylayan ng kaniyang damit:
21 Sapagka't sinabi niya sa kaniyang kalooban, Kung mahipo ko man lamang ang kaniyang damit, ay gagaling ako.
22 Datapuwa't paglingon ni Jesus at pagkakita sa kaniya, ay sinabi, Anak, laksan mo ang iyong loob; pinagaling ka ng iyong pananampalataya. At gumaling ang babae mula sa oras na yaon.
23 At nang pumasok si Jesus sa bahay ng pinuno, at makita ang mga tumutugtog ng mga plauta, at ang mga taong nangagkakagulo,
24 Ay sinabi niya, Magparaan kayo: sapagka't hindi patay ang dalaga, kundi natutulog. At tinawanan nila siya na nililibak.
25 Datapuwa't nang mapalabas na ang mga tao, ay pumasok siya, at tinangnan niya siya sa kamay; at nagbangon ang dalaga.
26 At kumalat ang pagkabantog na ito sa buong lupang yaon.
27 At pagkaraan doon ni Jesus ay sinundan siya ng dalawang lalaking bulag, na nangagsisisigaw, at nangagsasabi, Mahabag ka sa amin, ikaw na Anak ni David.
28 At nang pumasok siya sa bahay, ay nagsilapit sa kaniya ang mga lalaking bulag: at sinabi sa kanila ni Jesus, Nagsisisampalataya baga kayo na magagawa ko ito? Sinabi nila sa kaniya, Oo, Panginoon.
29 Nang magkagayo'y kaniyang hinipo ang mga mata nila, na sinasabi, Alinsunod sa inyong pananampalataya ay siyang mangyari sa inyo.
30 At nangadilat ang kanilang mga mata. At mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila, na sinasabi, Ingatan ninyong sinoma'y huwag makaalam nito.
31 Datapuwa't sila'y nagsialis, at kanilang inilathala ang kaniyang kabantugan sa buong lupang yaon.
32 At samantalang sila'y nagsisialis, narito, sa kaniya'y dinala ang isang lalaking pipi na inaalihan ng demonio.
33 At nang mapalabas ang demonio, ay nagsalita ang lalaking pipi: at nangagtaka ang mga karamihan, na nangagsasabi, Kailan ma'y hindi nakita sa Israel ang ganito.
34 Datapuwa't sinabi ng mga Fariseo, sa pamamagitan ng prinsipe ng mga demonio ay nagpapalabas siya ng mga demonio.
35 At nililibot ni Jesus ang lahat ng mga bayan at mga nayon, na nagtuturo sa mga sinagoga nila, at ipinangangaral ang evangelio ng kaharian, at pinagagaling ang sarisaring sakit at ang sarisaring karamdaman.
36 Datapuwa't nang makita niya ang mga karamihan, ay nahabag siya sa kanila, sapagka't pawang nangahahapis at nangangalat, na gaya ng mga tupa na walang pastor.
37 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Katotohana'y ang aanihin ay marami, datapuwa't kakaunti ang mga manggagawa.
38 Idalangin nga ninyo sa Panginoon ng aanihin, na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.