< Mateo 4 >
1 Nang magkagayo'y inihatid ng Espiritu Santo si Jesus sa ilang upang siya'y tuksuhin ng diablo.
2 At nang siya'y makapagayunong apat na pung araw at apat na pung gabi, sa wakas ay nagutom siya.
3 At ang manunukso ay dumating at nagsabi sa kaniya, Kung ikaw ang Anak ng Dios, ay ipagutos mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay.
4 Datapuwa't siya'y sumagot, at sinabi, Nasusulat, Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa't salitang lumalabas sa bibig ng Dios.
5 Nang magkagayo'y dinala siya ng diablo sa bayang banal; at inilagay siya sa taluktok ng templo,
6 At sa kaniya'y sinabi, Kung ikaw ang Anak ng Dios, ay magpatihulog ka: sapagka't nasusulat, Siya'y magbibilin sa kaniyang mga anghel tungkol sa iyo: at, Aalalayan ka ng kanilang mga kamay, Baka matisod ka ng iyong paa sa isang bato.
7 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Nasusulat din naman, Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Dios.
8 Muling dinala siya ng diablo sa isang bundok na lubhang mataas, at ipinamalas sa kaniya ang lahat ng mga kaharian sa sanglibutan, at ang kaluwalhatian nila;
9 At sinabi niya sa kaniya, Lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa iyo, kung ikaw ay magpapatirapa at sasambahin mo ako.
10 Nang magkagayo'y sinabi sa kaniya ni Jesus, Humayo ka, Satanas: sapagka't nasusulat, Sa Panginoon mong Dios sasamba ka, at siya lamang ang iyong paglilingkuran.
11 Nang magkagayo'y iniwan siya ng diablo; at narito, nagsidating ang mga anghel at siya'y pinaglingkuran.
12 Nang marinig nga niya na si Juan ay dinakip, ay umuwi siya sa Galilea;
13 At pagkaiwan sa Nazaret, ay naparoon siya at tumahan sa Capernaum, na nasa tabi ng dagat, sa mga hangganan ng Zabulon at Neftali:
14 Upang maganap ang sinalita sa pamamagitan ng propeta Isaias na nagsasabi,
15 Ang lupa ni Zabulon at ang lupa ni Neftali, Sa gawing dagat, sa dako pa roon ng Jordan, Galilea ng mga Gentil,
16 Ang bayang nalulugmok sa kadiliman, ay Nakakita ng dakilang ilaw, At sa nangalulugmok sa pook at lilim ng kamatayan, ay Lumiwanag sa kanila ang ilaw.
17 Mula noon ay nagpasimulang mangaral si Jesus, at magsabi, Mangagsisi kayo; sapagka't malapit na ang kaharian ng langit.
18 At sa paglalakad niya sa tabi ng dagat ng Galilea; ay nakita niya ang dalawang magkapatid, si Simon na tinatawag na Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid, na inihuhulog ang isang lambat sa dagat; sapagka't sila'y mga mamamalakaya.
19 At sinabi niya sa kanila, Magsisunod kayo sa hulihan ko, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.
20 At pagdaka'y iniwan nila ang mga lambat, at nagsisunod sa kaniya.
21 At paglakad sa dako roon ay nakita niya ang dalawa pang magkapatid, si Santiago na anak ni Zebedeo, at ang kaniyang kapatid na si Juan, sa daong na kasama si Zebedeo na kanilang ama, na nagsisipaghayuma ng kanilang mga lambat; at sila'y kaniyang tinawag.
22 At pagdaka'y iniwan nila ang daong at ang kanilang ama, at nagsisunod sa kaniya.
23 At nilibot ni Jesus ang buong Galilea, na nagtuturo sa mga sinagoga nila, at ipinangangaral ang evangelio ng kaharian, at nagpapagaling ng lahat ng sarisaring sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao.
24 At lumaganap ang pagkabantog niya sa buong Siria: at kanilang dinadala sa kaniya ang lahat ng mga may karamdaman, at ang mga pinipighati ng sarisaring sakit at pahirap, at ang mga inaalihan ng mga demonio, at ang mga himatayin, at ang mga lumpo: at sila'y pinagagaling niya.
25 At sinundan siya ng lubhang karamihang tao mula sa Galilea at Decapolis at Jerusalem at Judea at mula sa dakong ibayo ng Jordan.