< Mateo 21 >
1 At nang malapit na sila sa Jerusalem, at magsidating sa Betfage, sa bundok ng mga Olivo, ay nagsugo nga si Jesus ng dalawang alagad,
2 Na sinasabi sa kanila, Magsiparoon kayo sa nayong nasa tapat ninyo, at pagdaka'y masusumpungan ninyo ang isang nakatali na babaing asno, na may kasamang isang batang asno: kalagin ninyo, at dalhin ninyo sa akin.
3 At kung ang sinoman ay magsabi ng anoman sa inyo, ay sasabihin ninyo, Kinakailangan sila ng Panginoon; at pagdaka'y kaniyang ipadadala sila.
4 Nangyari nga ito, upang matupad ang sinalita sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi,
5 Sabihin ninyo sa anak na babae ng Sion: Narito, ang Hari mo'y pumaparito sa iyo, Na maamo, at nakasakay sa isang asno, At sa isang batang asno na anak ng babaing asno.
6 At nagsiparoon ang mga alagad, at ginawa ang ayon sa ipinagutos ni Jesus sa kanila,
7 At kanilang dinala ang babaing asno, at ang batang asno, at inilagay nila sa ibabaw ng mga ito ang kanilang mga damit; at dito siya'y sumakay.
8 At inilalatag sa daan ng kalakhang bahagi ng karamihan ang kanilang mga damit; at ang mga iba'y nagsiputol ng mga sanga ng mga punong kahoy, at inilalatag sa daan.
9 At ang mga karamihang nangasa unahan niya, at ang nagsisunod, ay nagsisigawan, na nagsisipagsabi, Hosana sa Anak ni David: Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon: Hosana sa kataastaasan.
10 At nang pumasok si Jesus sa Jerusalem, ay nagkagulo ang buong bayan, na nagsasabi, Sino kaya ito?
11 At sinabi ng mga karamihan, Ito'y ang propeta, Jesus, na taga Nazaret ng Galilea.
12 At pumasok si Jesus sa templo ng Dios, at itinaboy niya ang lahat na nangagbibili at nangamimili sa templo, at ginulo niya ang mga dulang ng mga mamamalit ng salapi, at ang mga upuan ng mga nagbibili ng mga kalapati;
13 At sinabi niya sa kanila, Nasusulat, Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan, datapuwa't ginagawa ninyong yungib ng mga tulisan.
14 At nagsilapit sa kaniya sa templo ang mga bulag at mga pilay, at sila'y kaniyang pinagaling.
15 Datapuwa't nang makita ng mga pangulong saserdote at ng mga eskriba ang mga katakatakang bagay na kaniyang ginawa, at ang mga batang nagsisigawan sa templo at nangagsasabi, Hosana sa Anak ni David; ay nangagalit sila,
16 At sinabi nila sa kaniya, Naririnig mo baga ang sinasabi ng mga ito? At sinabi sa kanila ni Jesus, Oo: kailan man baga'y hindi ninyo nabasa, Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga sumususo ay iyong nilubos ang pagpupuri?
17 At sila'y kaniyang iniwan, at pumaroon sa labas ng bayan sa Betania, at nakipanuluyan doon.
18 Pagka umaga nga nang siya'y bumabalik sa bayan, nagutom siya.
19 At pagkakita sa isang puno ng igos sa tabi ng daan, ay kaniyang nilapitan, at walang nasumpungang anoman doon, kundi mga dahon lamang; at sinabi niya rito, Mula ngayo'y huwag kang magbunga kailan man. At pagdaka'y natuyo ang puno ng igos. (aiōn )
20 At nang makita ito ng mga alagad, ay nangagtaka sila, na nangagsasabi, Ano't pagdaka'y natuyo ang puno ng igos?
21 At sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung kayo'y may pananampalataya, at di mangagaalinlangan, hindi lamang mangagagawa ninyo ang nangyari sa puno ng igos, kundi maging sabihin ninyo sa bundok na ito, mapataas ka, at mapasugba ka sa dagat, ay mangyayari.
22 At lahat ng mga bagay na inyong hihingin sa panalangin, na may pananampalataya, ay inyong tatanggapin.
23 At pagpasok niya sa templo, ay nagsilapit sa kaniya ang mga pangulong saserdote at ang matatanda sa bayan, samantalang siya'y nagtuturo, at nangagsabi, Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? at sino ang sa iyo'y nagbigay ng kapamahalaang ito?
24 At sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Tatanungin ko rin naman kayo ng isang tanong, na kung inyong sasabihin sa akin, ay sasabihin ko naman sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.
25 Ang bautismo ni Juan, saan baga nagmula? sa langit o sa mga tao? At kanilang pinagkatuwiranan sa kanilang sarili, na nangagsasabi, Kung sabihin natin, Sa langit; sasabihin niya sa atin, Bakit nga hindi ninyo siya pinaniwalaan?
26 Datapuwa't kung sasabihin, Sa mga tao; nangatatakot tayo sa karamihan; sapagka't kinikilala ng lahat na propeta si Juan.
27 At sila'y nagsisagot kay Jesus, at sinabi, Hindi namin nalalaman. Kaniyang sinabi naman sa kanila, Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.
28 Datapuwa't ano sa akala ninyo? Isang taong may dalawang anak; at lumapit siya sa una, at sinabi, Anak, pumaroon at gumawa ka ngayon sa ubasan.
29 At sinagot niya at sinabi, Ayaw ko: datapuwa't nagsisi siya pagkatapos, at naparoon.
30 At siya'y lumapit sa ikalawa, at gayon din ang sinabi. At sumagot siya at sinabi, Ginoo, ako'y paroroon: at hindi naparoon.
31 Alin baga sa dalawa ang gumanap ng kalooban ng kaniyang ama? Sinabi nila, Ang una. Sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ang mga maniningil ng buwis at ang mga patutot ay nangauuna sa inyo ng pagpasok sa kaharian ng Dios.
32 Sapagka't naparito si Juan sa inyo sa daan ng katuwiran, at hindi ninyo siya pinaniwalaan; datapuwa't pinaniwalaan siya ng mga maniningil ng buwis at ng mga patutot: at kayo, sa pagkakita ninyo nito, ay hindi man kayo nangagsisi pagkatapos, upang kayo'y magsipaniwala sa kaniya.
33 Pakinggan ninyo ang isa pang talinghaga: May isang tao, na puno ng sangbahayan, na nagtanim ng isang ubasan, at binakuran niya ng mga buhay na punong kahoy sa palibot, at humukay roon ng isang pisaan ng ubas, at nagtayo ng isang bantayan, at ipinagkatiwala yaon sa mga magsasaka, at napasa ibang lupain.
34 At nang malapit na ang panahon ng pamumunga, ay sinugo ang kaniyang mga alipin sa mga magsasaka, upang tanggapin ang kaniyang bunga.
35 At pinaghawakan ng mga magsasaka ang kaniyang mga alipin, at hinampas nila ang isa, at ang isa'y pinatay, at ang isa'y binato.
36 Muling sinugo niya ang ibang mga alipin, na mahigit pa sa nangauna; at ginawa rin sa kanila ang gayon ding paraan.
37 Datapuwa't pagkatapos ay sinugo niya sa kanila ang kaniyang anak na lalake, na nagsasabi, Igagalang nila ang aking anak.
38 Datapuwa't nang makita ng mga magsasaka ang anak, ay nangagusapan sila, Ito ang tagapagmana; halikayo, siya'y ating patayin, at kunin natin ang kaniyang mana.
39 At siya'y hinawakan nila, at itinaboy siya sa ubasan, at pinatay siya.
40 Pagdating nga ng panginoon ng ubasan, ano kaya ang gagawin sa mga magsasakang yaon?
41 Sinabi nila sa kaniya, Pupuksaing walang awa ang mga tampalasang yaon, at ibibigay ang ubasan sa mga ibang magsasaka, na sa kaniya'y mangagbibigay ng mga bunga sa kanilang kapanahunan.
42 Sinabi sa kanila ni Jesus, Kailan man baga'y hindi ninyo nabasa sa mga kasulatan, Ang batong itinakuwil ng nangagtatayo ng gusali, Ang siya ring ginawang pangulo sa panulok; Ito'y mula sa Panginoon, At ito'y kagilagilalas sa harap ng ating mga mata?
43 Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Aalisin sa inyo ang kaharian ng Dios, at ibibigay sa isang bansang nagkakabunga.
44 At ang mahulog sa ibabaw ng batong ito ay madudurog: datapuwa't sinomang kaniyang malagpakan, ay pangangalating gaya ng alabok.
45 At nang marinig ng mga pangulong saserdote at ng mga Fariseo ang kaniyang mga talinghaga, ay kanilang napaghalata na sila ang kaniyang pinagsasalitaan.
46 At nang sila'y nagsisihanap ng paraang siya'y mahuli, ay nangatakot sila sa karamihan, sapagka't ipinalalagay nito na siya'y propeta.