< Marcos 1 >
1 Ang pasimula ng evangelio ni Jesucristo, ang Anak ng Dios.
2 Ayon sa pagkasulat kay Isaias na propeta, Narito, sinusugo ko ang aking sugo sa unahan ng iyong mukha, Na maghahanda ng iyong daan;
3 Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang, Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas;
4 Dumating si Juan, na nagbabautismo sa ilang at ipinangaral ang bautismo ng pagsisisi sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.
5 At nilalabas siya ng buong lupain ng Judea, at nilang lahat na mga taga Jerusalem; at sila'y binabautismuhan niya sa ilog ng Jordan, na nangagpapahayag ng kanilang mga kasalanan.
6 At si Juan ay nananamit ng balahibo ng kamelyo, at may isang pamigkis na katad sa palibot ng kaniyang baywang, at kumakain ng mga balang at pulot-pukyutan.
7 At siya'y nangangaral, na nagsasabi, Sumusunod sa hulihan ko ang lalong makapangyarihan kay sa akin; hindi ako karapatdapat yumukod at kumalag ng tali ng kaniyang mga pangyapak.
8 Binabautismuhan ko kayo sa tubig; datapuwa't kayo'y babautismuhan niya sa Espiritu Santo.
9 At nangyari nang mga araw na yaon, na nanggaling si Jesus sa Nazaret ng Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa Jordan.
10 At karakarakang pagahon sa tubig, ay nakita niyang biglang nangabuksan ang mga langit, at ang Espiritu na tulad sa isang kalapati na bumababa sa kaniya:
11 At may isang tinig na nagmula sa mga langit, Ikaw ang sinisinta kong Anak, sa iyo ako lubos na nalulugod.
12 At pagdaka'y itinaboy siya ng Espiritu sa ilang.
13 At siya'y nasa ilang na apat na pung araw na tinutukso ni Satanas; at kasama siya ng mga ganid; at pinaglingkuran siya ng mga anghel.
14 Pagkatapos ngang madakip si Juan, ay napasa Galilea si Jesus na ipinangangaral ang evangelio ng Dios,
15 At sinasabi, Naganap na ang panahon, at malapit na ang kaharian ng Dios: kayo'y mangagsisi, at magsisampalataya sa evangelio.
16 At pagdaraan sa tabi ng dagat ng Galilea, ay nakita niya si Simon at si Andres na kapatid ni Simon na naghahagis ng lambat sa dagat; sapagka't sila'y mga mamamalakaya.
17 At sinabi sa kanila ni Jesus, Magsisunod kayo sa aking hulihan, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.
18 At pagdaka'y iniwan nila ang mga lambat, at nagsisunod sa kaniya.
19 At paglakad sa dako pa roon ng kaunti, ay nakita niya si Santiago na anak ni Zebedeo, at si Juan na kaniyang kapatid, na sila rin naman ay nangasa daong na hinahayuma ang mga lambat.
20 At pagdaka'y kaniyang tinawag sila: at kanilang iniwan sa daong ang kanilang amang si Zebedeo na kasama ng mga aliping upahan, at nagsisunod sa kaniya.
21 At nagsipasok sila sa Capernaum; at pagdaka'y pumasok siya sa sinagoga nang araw ng sabbath at nagtuturo.
22 At nangagtaka sila sa kaniyang aral: sapagka't sila'y tinuturuan niyang tulad sa may kapamahalaan, at hindi gaya ng mga eskriba.
23 At pagdaka'y may isang tao sa kanilang sinagoga na may isang karumaldumal na espiritu; at siya'y sumigaw,
24 Na nagsasabi, Anong pakialam namin sa iyo, Jesus ikaw na Nazareno? naparito ka baga upang kami'y puksain? Nakikilala kita kung sino ka, ang Banal ng Dios.
25 At sinaway siya ni Jesus, na nagsasabi, Tumahimik ka, at lumabas ka sa kaniya.
26 At ang karumaldumal na espiritu, nang mapangatal niya siya at makapagsisigaw ng malakas na tinig, ay lumabas sa kaniya.
27 At silang lahat ay nangagtaka, ano pa't sila-sila rin ay nangagtatanungan, na sinasabi, Ano kaya ito? isang bagong aral yata! may kapamahalaang naguutos pati sa mga karumaldumal na espiritu, at siya'y tinatalima nila.
28 At lumipana pagdaka ang pagkabantog niya sa lahat ng dako sa buong palibotlibot ng lupain ng Galilea.
29 At paglabas nila sa sinagoga, ay nagsipasok pagdaka sa bahay ni Simon at ni Andres, na kasama si Santiago at si Juan.
30 Nakahiga ngang nilalagnat ang biyanang babae ni Simon; at pagdaka'y pinakiusapan nila siya tungkol sa kaniya:
31 At lumapit siya at tinangnan niya sa kamay, at siya'y itinindig; at inibsan siya ng lagnat, at siya'y naglingkod sa kanila.
32 At nang kinagabihan, paglubog ng araw, ay kanilang dinala sa kaniya ang lahat ng mga may-sakit, at ang mga inaalihan ng mga demonio.
33 At ang buong bayan ay nangagkatipon sa pintuan.
34 At nagpagaling siya ng maraming may karamdaman ng sarisaring sakit, at nagpalabas ng maraming demonio; at hindi tinulutang magsipagsalita ang mga demonio, sapagka't siya'y kanilang kilala.
35 At nagbangon siya nang madaling-araw, na malalim pa ang gabi, at lumabas, at napasa isang dakong ilang, at doo'y nanalangin.
36 At si Simon at ang kasamahan niya ay nagsisunod sa kaniya;
37 At siya'y nasumpungan nila, at sinabi sa kaniya, Hinahanap ka ng lahat.
38 At sinabi niya sa kanila, Magsiparoon tayo sa ibang dako ng mga kalapit na bayan, upang ako'y makapangaral din naman doon; sapagka't sa ganitong dahilan ako'y naparito.
39 At siya'y pumasok sa mga sinagoga nila sa buong Galilea, na nangangaral at nagpapalabas ng mga demonio.
40 At lumapit sa kaniya ang isang ketongin, na namamanhik sa kaniya, at nanikluhod sa kaniya, at sa kaniya'y nagsasabi, Kung ibig mo, ay maaaring malinis mo ako.
41 At sa pagkaawa ay iniunat niya ang kaniyang kamay, at siya'y hinipo, at sinabi sa kaniya, Ibig ko; luminis ka.
42 At pagdaka'y nawalan siya ng ketong, at siya'y nalinis.
43 At siya'y kaniyang pinagbilinang mahigpit, at pinaalis siya pagdaka,
44 At sinabi sa kaniya, Ingatan mong huwag sabihin sa kanino mang tao ang anoman: kundi yumaon ka, at pakita ka sa saserdote, at maghandog ka sa pagkalinis sa iyo ng mga bagay na ipinagutos ni Moises, na bilang isang patotoo sa kanila.
45 Datapuwa't siya'y umalis, at pinasimulang ipamalitang mainam, at ipahayag ang nangyari, ano pa't hindi na makapasok ng hayag si Jesus sa bayan, kundi dumoon sa labas sa mga dakong ilang: at pinagsasadya nila siya mula sa lahat ng panig.