< Lucas 8 >
1 At nangyari pagkatapos ng kaunting panahon, na siya'y naglalakad sa mga bayan at mga nayon, na ipinangangaral at dinadala ang mabubuting balita ng kaharian ng Dios, at kasama niya ang labingdalawa,
Pagkatapos, nangyari agad na si Jesus ay nagsimulang maglakbay sa iba't ibang mga lungsod at mga nayon, nangangaral at nagpapahayag ng magandang balita tungkol sa kaharian ng Diyos at ang Labindalawa ay sumama sa kaniya,
2 At ang ilang babae na pinagaling sa masasamang espiritu at sa mga sakit, si Maria, na tinatawag na Magdalena, na sa kaniya'y pitong demonio ang nagsilabas,
at gayundin ang mga ilang kababaihan na napagaling mula sa mga masasamang espiritu at mga karamdaman. Sila ay sina Maria na tinatawag na Magdalena, na mula sa kaniya ay pitong demonyo ang pinalayas,
3 At si Juana na asawa ni Chuza, katiwala ni Herodes, at si Susana, at iba pang marami na ipinaglilingkod sa kanila ang kanilang tinatangkilik.
si Juana ang asawa ni Cusa, na tagapangasiwa ni Herodes, si Susana at marami pang ibang mga kababaihan na nagbigay sa kanilang pangangailangan mula sa kanilang sariling mga pinagkukunan.
4 At nang magkatipon ang malaking karamihang tao, at ang mga mula sa bawa't bayan na nagsadya sa kaniya, ay nagsalita siya sa pamamagitan ng isang talinghaga:
Ngayon, nang ang napakaraming bilang ng tao ay nagtipun-tipon, kasama ang mga tao na pumupunta sa kaniya mula sa iba't-ibang mga lungsod, siya ay nagsalita sa kanila gamit ang isang talinghaga.
5 Ang manghahasik ay yumaon upang maghasik ng kaniyang binhi: at sa kaniyang paghahasik ang ilan ay nangahulog sa tabi ng daan; at napagyapakan, at ito'y kinain ng mga ibon sa langit.
“May isang manghahasik na lumabas upang maghasik ng mga butil. Sa kaniyang paghahasik, ang ilang mga butil ay nahulog sa tabi ng daan at ang mga ito ay natapakan, at nilamon ang mga ibon sa langit ang mga ito.
6 At ang iba'y nahulog sa batuhan; at pagsibol, ay natuyo, sapagka't walang halumigmig.
Ang ibang mga butil ay nahulog sa mabatong lupa, at agad sa kanilang pagtubo, ang mga ito ay nalanta dahil sa kawalan ng halumigmig.
7 At ang iba'y nahulog sa mga dawagan; at tumubong kasama ang mga dawag, at yao'y ininis.
Ang ibang mga butil naman ay nahulog sa mga matitinik na halaman, at ang mga matitinik na halaman ay tumubo kasabay ng mga butil at sinakal ang mga ito.
8 At ang iba'y nahulog sa mabuting lupa, at tumubo at nagbunga ng tigiisang daan. Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, siya ay sumigaw, Ang may mga pakinig na ipakikinig, ay makinig.
Ngunit ang ilang mga butil ay nahulog sa mabuting lupa at namunga ng higit pa sa isandaan.” Pagkatapos na sabihin ni Jesus ang mga bagay na ito, siya ay nangusap, “Sinuman ang may taingang pandinig, makinig siya.”
9 At tinanong siya ng kaniyang mga alagad, kung ano kaya ang talinghagang ito.
Pagkatapos, ang kaniyang mga alagad ay nagtanong kung ano ang ibig sabihin ng talinghagang ito.
10 At sinabi niya, Sa inyo'y ipinagkaloob ang mangakaalam ng mga hiwaga ng kaharian ng Dios: datapuwa't sa mga iba'y sa mga talinghaga; upang kung magsitingin ay huwag silang mangakakita, at mangakarinig ay huwag silang mangakaunawa.
Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang mga hiwaga sa kaharian ng Diyos, ngunit ang ibang mga tao ay tuturuan lamang sa mga talinghaga, kaya tumingin man sila ay hindi talaga sila makakakita, at makinig man sila ay hindi talaga sila makakaunawa.
11 Ito ang talinghaga: Ang binhi ay ang salita ng Dios.
Ngayon, ito ang ibig sabihin ng talinghaga. Ang butil ay ang salita ng Diyos.
12 At ang mga sa tabi ng daan, ay ang nangakinig; kung magkagayo'y dumarating ang diablo, at inaalis ang salita sa kanilang puso, upang huwag silang magsisampalataya at mangaligtas.
Ang mga butil na nahulog sa tabi ng daan ay ang mga taong nakarinig ng salita ngunit ang diyablo ay dumating at kinuha ang salita mula sa kanilang puso upang sila ay hindi manampalataya at mailigtas.
13 At ang mga sa batuhan, ay yaong mga pagkarinig, ay tinatanggap na may galak ang salita; at ang mga ito'y walang ugat, na sila sa sangdaling panaho'y nagsisisampalataya, at sa panahon ng tukso ay nagsisihiwalay.
At ang mga nahulog sa mabatong lupa ay ang mga tao na, nang marinig nila ang salita, tinanggap nila ito nang may galak, ngunit sila ay walang anumang mga ugat; sila ay maniniwala nang panandalian at pagkatapos, sa panahon ng pagsubok, sila ay tumiwalag.
14 At ang nahulog sa dawagan, ay ito ang nangakinig, at samantalang sila'y nagsisiyaon sa kanilang lakad ay iniinis sila ng mga pagsusumakit at mga kayamanan at mga kalayawan sa buhay na ito, at hindi nangagbubunga ng kasakdalan.
Ang mga butil na nahulog sa mga matitinik na halaman ay ang mga taong nakarinig ng salita ngunit sa kanilang pagtahak ng daan, sila ay nasakal ng kanilang mga alalahanin at mga kayamanan at mga kaligayahan sa buhay na ito, kaya wala silang bungang madala sa paglago.
15 At ang sa mabuting lupa ay ang mga pusong timtiman at mabuti, na iniingatan ang salita pagkarinig, at nangagbubunga may pagtitiis.
Ngunit ang mga butil na nahulog sa mabuting lupa, ito ay ang mga tao na may tapat at mabuting puso, pagkatapos nilang marinig ang salita, ito ay kanilang pinanghawakan nang mabuti at nagbunga nang may pagtitiyaga.
16 At walang taong pagkapaningas niya ng ilawan ay tinatakpan ng isang banga, o inilalagay kaya ito sa ilalim ng isang higaan; kundi inilalagay ito sa talagang lalagyan, upang makita ng nagsisipasok ang ilaw.
Ngayon, walang sinuman, na kung kaniyang sisindihan ang ilawan ay tatakpan ito ng mangkok o ilalagay ito sa ilalim ng kama. Sa halip ito ay kaniyang ilalagay sa patungan ng ilawan, upang ang lahat ng papasok ay makikita ang liwanag.
17 Sapagka't walang bagay na natatago, na di mahahayag; o walang lihim, na di makikilala at mapapasa liwanag.
Sapagkat walang nakatago na hindi malalaman, ni anumang lihim na hindi malalaman at mabubunyag sa liwanag.
18 Ingatan ninyo kung paano ang inyong pakikinig: sapagka't sino mang mayroon ay bibigyan; at ang sinomang wala, pati ng inaakala niyang nasa kaniya ay aalisin.
Kaya mag-ingat kung paano kayo makinig, dahil kung sinuman ang mayroon, siya ay bibigyan pa ng mas marami, at kung sinuman ang wala ay kukunin kahit na ang inaakala niyang mayroon siya.”
19 At nagsiparoon sa kaniya ang kaniyang ina at mga kapatid, at sila'y hindi mangakalapit sa kaniya dahil sa karamihan ng tao.
Pagkatapos, ang ina at mga kapatid na lalaki ni Jesus ay lumapit sa kaniya, ngunit sila ay hindi makalapit dahil sa napakaraming tao.
20 At may nagsabi sa kaniya, Nangakatayo sa labas ang iyong ina at iyong mga kapatid, na ibig nilang makita ka.
At ito ay sinabi sa kaniya, “Ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na lalaki ay nakatayo sa labas, ninanais kang makita.”
21 Datapuwa't siya'y sumagot, at sinabi sa kanila, Ang aking ina at ang aking mga kapatid ay itong nangakikinig ng salita ng Dios, at ginagawa.
Ngunit sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Ang aking ina at ang aking mga kapatid na lalaki ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at sinusunod ito.”
22 Nangyari nga sa mga araw na yaon, na siya'y lumulan sa isang daong, siya at ang kaniyang mga alagad; at sinabi niya sa kanila, Magsitawid tayo sa kabilang ibayo ng dagatdagatan: at sila'y nagsitulak.
Ngayon, nangyari isa sa mga araw na iyon na si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay sumakay sa isang bangka, at sinabi niya sa kanila, “Pumunta tayo sa kabilang dako ng lawa.” At sila ay naglayag.
23 Datapuwa't samantalang sila'y nangaglalayag, siya'y nakatulog: at bumugso ang isang unos ng hangin sa dagatdagatan; at sila'y nangatitigib ng tubig, at nangasa kapanganiban.
Ngunit sa kanilang paglalayag, si Jesus ay nakatulog, at isang bagyo na may napakalakas na hangin ang dumating sa buong lawa, at ang kanilang bangka ay nagsimulang mapuno ng tubig, at sila ay nasa matinding panganib.
24 At sila'y nangagsilapit sa kaniya at siya'y ginising, na nangagsasabi, Guro, guro, tayo'y mangamamatay. At siya'y gumising, at sinaway ang hangin at ang galit ng tubig: at nangagsitigil, at humusay ang panahon.
At lumapit ang mga alagad ni Jesus sa kaniya at siya ay ginising, nagsasabi, “Panginoon! Panginoon! Tayo ay nasa bingit ng kamatayan!” Siya ay gumising at sinaway ang hangin at ang nagngangalit na tubig at ang mga ito ay humupa, at nagkaroon ng kapanatagan.
25 At sinabi niya sa kanila, Saan naroon ang inyong pananampalataya? At palibhasa'y nangatakot sila'y nagsisipanggilalas, na sinasabi ng isa sa iba, Sino nga ito, na siya'y naguutos maging sa hangin at sa tubig, at siya'y tinatalima nila?
Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Nasaan ang inyong pananampalataya?” Sa pagkatakot, sila ay lubos na namangha, at sinabi sa isa't isa. “Sino nga kaya ito, na kaniyang nauutusan kahit na ang mga hangin at tubig at ang mga ito ay sumusunod sa kaniya?”
26 At sila'y nagsidating sa lupain ng mga Gadareno, na nasa tapat ng Galilea.
Dumating sila sa rehiyon ng Geraseno, na katapat ng Galilea.
27 At pagkalunsad niya sa lupa, siya'y sinalubong ng isang lalaking galing sa bayan, na may mga demonio; at malaong panahon na hindi siya nagdaramit, at hindi tumatahan sa bahay, kundi sa mga libingan.
Nang nakababa si Jesus sa lupa, may isang lalaki mula sa lungsod ang sumalubong sa kaniya at ang lalaking ito ay may mga demonyo. Sa matagal na panahon, siya ay walang suot na damit at hindi tumira sa isang bahay, sa halip, ay sa mga libingan.
28 At nang makita niya si Jesus, siya'y sumigaw, at nagpatirapa sa harap niya, at sinabi ng malakas na tinig, Ano ang pakialam ko sa iyo, Jesus, ikaw na Anak ng Dios na Kataastaasan? Ipinamamanhik ko sa iyo, na huwag mo akong pahirapan.
Nang makita niya si Jesus, sumigaw siya at lumuhod sa harap niya. Sa malakas na tinig kaniyang sinabing, “Ano ang kinalaman ko sa iyo, Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Nakikiusap ako sayo, huwag mo akong pahirapan.”
29 Sapagka't ipinagutos niya sa karumaldumal na espiritu na lumabas sa tao. Sapagka't madalas siyang inaalihan: at siya'y binabantayan at gapos ng mga tanikala at mga damal; at pagka pinapatid ang gapos ay siya'y itinataboy ng demonio sa mga ilang.
Sapagkat inuutusan ni Jesus ang maruming espiritu na umalis sa lalaking iyon, dahil maraming beses na siyang sinaniban nito. Kahit na siya ay nakagapos sa mga kadena at mga tanikala at binabantayan nang mabuti, napuputol niya ang mga gapos at dinadala ng demonyo sa ilang.
30 At tinanong siya ni Jesus, Ano ang pangalan mo? At sinabi niya, Pulutong; sapagka't maraming demonio ang nagsipasok sa kaniya.
At nagtanong sa kaniya si Jesus, “Ano ang iyong pangalan?” At siya ay sumagot, “Pulutong”, dahil maraming demonyo ang sumanib sa kaniya.
31 At ipinamamanhik nila sa kaniya na huwag silang paparoonin sa kalalimlaliman. (Abyssos )
Patuloy silang nagsusumamo sa kaniya na huwag silang utusang itapon sa bangin na napakalalim. (Abyssos )
32 Doon nga'y may isang kawan ng maraming baboy na nagsisipanginain sa bundok: at ipinamanhik nila sa kaniya na pabayaang sila'y magsipasok sa mga yaon. At sila'y pinahintulutan niya.
Ngayon, may kawan ng mga baboy na kumakain sa burol, at nakiusap ang mga demonyo na payagan silang pasukin ang mga baboy. Pinahintulutan niya silang gawin ito.
33 At nagsilabas ang mga demonio sa tao, at nagsipasok sa mga baboy: at ang kawan ay napadaluhong sa bangin hanggang sa dagatdagatan, at nangalunod.
Kaya ang mga demonyo ay lumabas sa lalaki at pumasok sa mga baboy, at ang kawan ng baboy ay tumakbo nang mabilis pababa ng matarik na burol papunta sa lawa at nalunod.
34 At nang makita ng nagsisipagalaga ng mga yaon ang nangyari, ay nagsitakas, at isinaysay sa bayan at sa bukid.
Nang makita ng mga lalaki na nagbabantay sa mga baboy ang nangyari, tumakbo sila at ibinalita ito sa lungsod at sa kabukiran.
35 At sila'y nagsilabas upang makita ang nangyari; at nagsilapit sila kay Jesus, at kanilang naratnan sa paanan ni Jesus ang taong nilabasan ng mga demonio, na nakaupo, may pananamit, at matino ang kaniyang bait: at sila'y nangatakot.
Kaya ang mga taong nakarinig tungkol dito ay lumabas upang makita kung ano ang nangyari, at sila ay pumunta kay Jesus at nakita nila ang lalaki na pinalaya mula sa mga demonyo. Siya ay nakadamit at nasa matinong pag-iisip, nakaupo sa paanan ni Jesus at sila ay natakot.
36 At sa kanila'y isinaysay ng nangakakita kung paanong pinagaling ang inaalihan ng mga demonio.
Pagkatapos, ang mga nakakita sa nangyari ay sinabi sa iba kung paanong ang lalaking dating nasasaniban ng mga demonyo ay nailigtas.
37 At ipinamanhik sa kaniya ng lahat ng mga tao sa palibotlibot ng lupain ng mga Gadareno na siya'y umalis sa kanila, sapagka't sila'y napipigilan ng malaking takot: at siya'y lumulan sa daong, at nagbalik.
Lahat ng taong nasa rehiyon ng Geraseno at sa palibot na mga lugar ay humiling kay Jesus na lumayo sa kanila, sapagkat sila ay nabalot ng matinding takot. Kaya siya ay sumakay sa bangka upang bumalik.
38 Datapuwa't namanhik sa kaniya ang taong nilabasan ng mga demonio, na siya'y ipagsama niya: datapuwa't siya'y pinaalis niya, na sinasabi,
Ang lalaki na napalaya mula sa mga demonyo ay nagmakaawa kay Jesus na siya ay hayaang sumama kasama niya, ngunit siya ay pinaalis ni Jesus, na sinasabing,
39 Umuwi ka sa iyong bahay, at ipahayag mo kung gaano kadakilang mga bagay ang ginawa ng Dios sa iyo. At siya'y yumaon ng kaniyang lakad, na ibinabalita sa buong bayan, kung gaanong kadakilang mga bagay ang sa kaniya'y ginawa ni Jesus.
“Bumalik ka sa iyong bahay at sabihin ang lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Diyos para sa iyo.” Ang lalaki ay umalis, ipinahayag sa buong lungsod ang lahat ng mga kamangha-manghang bagay na ginawa ni Jesus para sa kaniya.
40 At sa pagbalik ni Jesus, ay sinalubong siyang may galak ng karamihan; sapagka't hinihintay siya nilang lahat.
Sa pagbabalik ni Jesus, sinalubong siya ng napakaraming tao, dahil sa sila ay naghihintay sa kaniya.
41 At narito, lumapit ang isang lalaking nagngangalang Jairo, at siya'y isang pinuno sa sinagoga: at siya'y nagpatirapa sa paanan ni Jesus, at ipinamamanhik sa kaniya, na pumasok sa kaniyang bahay;
Masdan ito, may isang lalaki na dumating na nagngangalang Jairo, at siya ay isa sa mga pinuno ng sinagoga. Si Jairo ay lumuhod sa paanan ni Jesus at nakiusap na pumunta sa kaniyang bahay,
42 Sapagka't siya'y may isang bugtong na anak na babae, na may labingdalawang taong gulang, at siya'y naghihingalo. Datapuwa't samantalang siya'y lumalakad ay sinisiksik siya ng karamihan.
dahil sa siya ay may kaisa-isang anak na babae, na nasa labindalawang taon ang edad, at siya ay nag-aagaw-buhay. Ngunit nang papunta siya kay Jesus, maraming tao ang nagsisiksikan sa kaniya.
43 At isang babae na may labingdalawang taon nang inaagasan, na ginugol sa mga manggagamot ang lahat niyang pagkabuhay, at sinoma'y walang makapagpagaling sa kaniya,
Isang babae ang naroroon na labindalawang taon nang dinudugo at ginugol ang lahat ng kaniyang pera sa mga manggagamot, ngunit hindi siya mapagaling ng kahit sinuman sa kanila.
44 Ay lumapit sa kaniyang likuran, at hinipo ang laylayan ng kaniyang damit at pagdaka'y naampat ang kaniyang agas.
Siya ay pumunta sa likuran ni Jesus at hinipo ang laylayan ng kaniyang damit, at agad na huminto ang kaniyang pagdurugo.
45 At sinabi ni Jesus, Sino ang humipo sa akin? At nang tumatanggi ang lahat, ay sinabi ni Pedro, at ng mga kasamahan niya, Guro, iniimpit ka at sinisiksik ka ng karamihan.
Sinabi ni Jesus, “Sino ang humipo sa akin?” Nang ang lahat ay tumanggi, sinabi ni Pedro, “Panginoon, napakaraming tao ang nagsisiksikan sa inyo at sila ay nanggigitgit sa inyo.
46 Datapuwa't sinabi ni Jesus, May humipo sa akin, sapagka't naramdaman ko na may umalis na bisa sa akin.
Ngunit sinabi ni Jesus, “May isa ngang humipo sa akin, dahil alam ko na may kapangyarihang lumabas sa akin.”
47 At nang makita ng babae na siya'y hindi nalingid, ay lumapit siya na nangangatal, at nagpatirapa sa harapan niya na isinasaysay sa harapan ng buong bayan ang dahil kung bakit siya'y hinipo niya, at kung paanong gumaling siya kapagdaka.
Nang makita ng babae na hindi niya maitago ang kaniyang ginawa, siya ay lumapit na nanginginig. Habang lumuluhod sa harap ni Jesus, ipinahayag niya sa harap ng lahat ng tao ang dahilan ng paghipo niya sa kaniya at kung paano siya gumaling agad.
48 At sinabi niya sa kaniya, Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya; yumaon kang payapa.
Pagkatapos, sinabi niya sa kaniya, “Anak, ang iyong pananampalataya ang siyang nagpagaling sa iyo. Humayo ka nang may kapayapaan.”
49 Samantalang nagsasalita pa siya ay dumating ang isa na mula sa bahay ng pinuno sa sinagoga, na nagsasabi, Patay na ang anak mong babae; huwag mong bagabagin ang Guro.
Habang siya ay patuloy pang nagsasalita, may isang lumapit mula sa bahay ng pinuno ng sinagoga, na nagsasabi, “Ang iyong anak na babae ay patay na. Huwag mong gambalain ang guro.”
50 Datapuwa't nang marinig ito ni Jesus ay sumagot sa kaniya, Huwag kang matakot: manampalataya ka lamang, at siya'y gagaling.
Ngunit nang marinig iyon ni Jesus, siya ay sumagot sa kaniya, “Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang, at siya ay maliligtas.”
51 At nang dumating siya sa bahay, ay hindi niya ipinahintulot na pumasok na kasama niya ang sinomang tao, maliban na kay Pedro, at kay Juan, at kay Santiago, at ang ama ng dalaga at ang ina nito.
Pagkatapos, nang siya ay dumating sa bahay, hindi niya pinayagan ang sinuman na pumasok kasama niya, maliban kina Pedro, Juan, at Santiago, ang ama ng batang babae, at ang kaniyang ina.
52 At tumatangis ang lahat, at pinananambitanan ang dalaga: datapuwa't sinabi niya, Huwag kayong magsitangis; sapagka't siya'y hindi patay, kundi natutulog.
Ngayon, lahat ng taong naroroon ay nagluluksa at tumataghoy para sa kaniya, ngunit sinabi niya, “Huwag kayong tumaghoy. Hindi siya patay, ngunit natutulog lamang.”
53 At tinawanan nila siya na nililibak, na napagaalamang siya'y patay na.
Ngunit siya ay pinagtawanan nila nang may pangungutya, sa pagkakaalam na siya ay patay na.
54 Datapuwa't tinangnan niya sa kamay, at tinawag, na sinasabi, Dalaga, magbangon ka.
Ngunit hinawakan niya ang batang babae sa kaniyang mga kamay, tumawag, na nagsasabing, “Bata, tumayo ka.”
55 At nagbalik ang kaniyang espiritu, at siya'y nagbangon pagdaka: at kaniyang ipinagutos na siya'y bigyan ng pagkain.
Ang espiritu ng bata ay bumalik, at siya ay agad na bumangon. Nag-utos si Jesus na bigyan siya ng makakain.
56 At nangagtaka ang kaniyang mga magulang: datapuwa't ipinagbilin niya sa kanila na huwag sabihin kanino man ang kaniyang ginawa.
Namangha ang mga magulang ng bata, ngunit inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin kanino man kung ano ang nangyari.