< Lucas 13 >
1 Nang panahon ding ngang yaon ay nangaroon ang ilan, na nagsipagsabi sa kaniya tungkol sa mga Galileo, na ang dugo ng mga ito'y inihalo ni Pilato sa mga hain nila.
Nang panahong iyon, sinabi sa kaniya ng ilang tao na naroon ang tungkol sa mga taga-Galilea, na ang dugo ng mga ito'y inihalo ni Pilato sa kanilang mga sariling alay.
2 At siya'y sumagot at sinabi sa kanila, Inaakala baga ninyo na ang mga Galileong ito ay higit ang pagkamakasalanan kay sa lahat ng mga Galileo, dahil sa sila'y nangagbata ng mga bagay na ito?
Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Sa tingin ba ninyo ay mas makasalanan ang mga taga-Galilea na ito kaysa sa ibang mga taga-Galilea dahil nagdusa sila sa ganitong paraan?
3 Sinasabi ko sa inyo, Hindi: datapuwa't, malibang kayo'y mangagsisi, ay mangamamatay kayong lahat sa gayon ding paraan.
Hindi, sinasabi ko sa inyo. Ngunit kung hindi kayo magsisisi, mamamatay kayong lahat sa ganoon ding paraan.
4 O yaong labingwalo, na nalagpakan ng moog sa Siloe, at nangamatay, ay inaakala baga ninyo na sila'y lalong salarin kay sa lahat ng taong nangananahan sa Jerusalem?
O iyong labing walong tao sa Siloam na nabagsakan ng tore at namatay, sa tingin ba ninyo ay mas makasalanan sila kaysa sa ibang tao sa Jerusalem?
5 Sinasabi ko sa inyo, Hindi: datapuwa't, malibang kayo'y mangagsisi, ay mangamamatay kayong lahat sa gayon ding paraan.
Hindi, sinasabi ko. Ngunit kung hindi kayo magsisisi, lahat kayo ay mamatay din.”
6 At sinalita niya ang talinghagang ito, Isang tao ay may isang puno ng igos na natatanim sa kaniyang ubasan; at siya'y naparoong humahanap ng bunga niyaon, at walang nasumpungan.
Sinabi ni Jesus ang talinghagang ito, “May isang taong may isang puno ng igos na nakatanim sa kaniyang ubasan at dumating siya at naghanap ng bunga nito ngunit wala siyang matagpuan.
7 At sinabi niya sa nagaalaga ng ubasan, Narito, tatlong taon nang pumaparito akong humahanap ng bunga sa puno ng igos na ito, at wala akong masumpungan: putulin mo; bakit pa makasisikip sa lupa?
Sinabi niya sa hardinero, 'Tingnan mo, tatlong taon na akong pumaparito, at sinubukang maghanap ng bunga ng puno ng igos na ito ngunit wala akong natagpuan. Putulin mo ito. Bakit hahayaang sayangin nito ang lupa?'
8 At pagsagot niya'y sinabi sa kaniya, Panginoon, pabayaan mo muna sa taong ito, hanggang sa aking mahukayan sa palibot, at malagyan ng pataba:
Sumagot ang hardinero at sinabi, 'Pabayaan mo muna ito sa taong ito hanggang sa aking mahukayan ang palibot nito at malagyan ito ng pataba.
9 At kung pagkatapos ay magbunga, ay mabuti; datapuwa't kung hindi, ay puputulin mo.
Kung mamunga ito sa susunod na taon, mabuti; ngunit kung hindi, putulin mo ito!”'
10 At siya'y nagtuturo sa mga sinagoga nang araw ng sabbath.
Ngayon, nagtuturo si Jesus sa isa sa mga sinagoga sa Araw ng Pamamahinga.
11 At narito, ang isang babae na may espiritu ng sakit na may labingwalong taon na; at totoong baluktot at hindi makaunat sa anomang paraan.
Masdan, may isang babaeng naroon na labing-walong taon nang may masamang espiritu ng panghihina, at siya ay baluktot at hindi siya lubusang makatayo.
12 At nang siya'y makita ni Jesus, ay kaniyang tinawag siya, at sinabi niya sa kaniya, Babae, kalag ka na sa iyong sakit.
Nang makita siya ni Jesus, tinawag niya ito at sinabi, “Babae, napalaya ka na mula sa iyong panghihina.”
13 At ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kaniya: at pagdaka siya'y naunat, at niluwalhati niya ang Dios.
Ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa babae, at kaagad siyang naunat at niluwalhati niya ang Diyos.
14 At ang pinuno sa sinagoga, dala ng kagalitan, sapagka't si Jesus ay nagpagaling nang sabbath, ay sumagot at sinabi sa karamihan, May anim na araw na ang mga tao'y dapat na magsigawa: kaya sa mga araw na iyan ay magsiparito kayo, at kayo'y pagagalingin, at huwag sa araw ng sabbath.
Ngunit nagalit ang pinuno ng sinagoga dahil nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pamamahinga. Kaya sumagot ang pinuno at sinabi sa maraming mga tao, “May anim na araw kung saan kinakailangang magtrabaho. Pumarito kayo at mapagaling sa mga araw na iyon, huwag sa Araw ng Pamamahinga.”
15 Datapuwa't sinagot siya ng Panginoon, at sinabi, Kayong mga mapagpaimbabaw, hindi baga kinakalagan ng bawa't isa sa inyo sa sabbath ang kaniyang bakang lalake o ang kaniyang asno sa sabsaban, at ito'y inilalabas upang painumin?
Sinagot siya ng Panginoon at sinabi, “Mga mapagkunwari! Hindi ba kinakalag ng bawat isa sa inyo ang tali ng kaniyang asno o baka mula sa sabsaban nito upang painumin sa Araw ng Pamamahinga?
16 At ang babaing itong anak ni Abraham, na tinalian ni Satanas, narito, sa loob ng labingwalong taon, hindi baga dapat kalagan ng taling ito sa araw ng sabbath?
Kaya ito ring babaeng anak ni Abraham, na labing-walong taon nang iginapos ni Satanas, hindi ba nararapat kalagan ang kaniyang gapos sa Araw ng Pamamahinga?”
17 At samantalang sinasabi niya ang mga bagay na ito, ay nangapahiya ang lahat ng kaniyang mga kaalit: at nangagagalak ang buong karamihan dahil sa lahat ng maluwalhating bagay na kaniyang ginawa.
Nang sinabi niya ang mga bagay na ito, lahat ng sumalungat sa kaniya ay napahiya, ngunit nagagalak ang maraming tao sa mga maluwalhating bagay na kaniyang ginawa.
18 Sinabi nga niya, Sa ano tulad ang kaharian ng Dios? at sa ano ko itutulad?
At sinabi ni Jesus, “Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos, at ano ang maaari kong ihambing dito?
19 Tulad sa isang butil ng mostasa na kinuha ng isang tao, at inihagis sa kaniyang sariling halamanan; at ito'y sumibol, at naging isang punong kahoy; at humapon sa mga sanga nito ang mga ibon sa langit.
Ito ay tulad ng isang buto ng mustasa na kinuha ng isang tao at inihagis sa kaniyang halamanan, at ito ay tumubo at naging isang malaking puno, at namugad sa mga sanga nito ang mga ibon sa langit.”
20 At muling sinabi niya, Sa ano ko itutulad ang kaharian ng Dios?
Muli, sinabi niya, “Saan ko maaaring ihambing ang salita ng Diyos?
21 Tulad sa lebadura na kinuha ng isang babae, at itinago sa tatlong takal na harina, hanggang sa ito'y nalebadurahang lahat.
Ito ay tulad ng lebadura na kinuha ng isang babae at inihalo sa tatlong takal ng harina hanggang sa ito ay umalsa.”
22 At siya'y yumaon sa kaniyang lakad sa mga bayan at mga nayon, na nagtuturo, at naglalakbay na tungo sa Jerusalem.
Binisita ni Jesus ang bawat bayan at baryo sa daan patungong Jerusalem at tinuruan sila.
23 At may isang nagsabi sa kaniya, Panginoon, kakaunti baga ang mangaliligtas? At sinabi niya sa kanila,
May nagsabi sa kaniya, “Panginoon, kakaunti lamang bang tao ang maliligtas?” Kaya sinabi niya sa kanila,
24 Magpilit kayong magsipasok sa pintuang makipot: sapagka't sinasabi ko sa inyo na marami ang mangagsisikap na pumasok, at hindi mangyayari.
“Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan, dahil marami ang susubok ngunit hindi sila makakapasok.
25 Kung makatindig na ang puno ng sangbahayan, at mailapat na ang pinto, at magpasimula kayong mangagsitayo sa labas, at mangagsituktok sa pintuan, na mangagsasabi, Panginoon, buksan mo kami; at siya'y sasagot at sasabihin sa inyo, Hindi ko kayo nangakikilala kung kayo'y taga saan;
Kapag tumayo na ang may-ari ng bahay at isinara ang pintuan, at kayo ay tatayo sa labas at kakalabugin ang pinto at sasabihin, 'Panginoon, Panginoon, papasukin mo kami.' At siya ay sasagot at sasabihin sa inyo, 'Hindi ko kayo kilala o kung taga-saan kayo.'
26 Kung magkagayo'y pasisimulan ninyong sabihin, Nagsikain kami at nagsiinom sa harap mo, at nagturo ka sa aming mga lansangan;
Pagkatapos ay inyong sasabihin, 'Kami ay kumain at uminom sa iyong harapan at nagturo ka sa aming mga lansangan.'
27 At sasabihin niya, Sinasabi ko sa inyo na hindi ko kayo nangakikilala kung kayo'y taga saan; magsilayo kayo sa akin, kayong lahat na manggagawa ng kalikuan.
Ngunit sasagot siya, 'Sinasabi ko sa inyo, hindi ko alam kung taga-saan kayo. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama!'
28 Diyan na nga ang pagtangis, at ang pagngangalit ng mga ngipin, kung mangakita ninyo si Abraham, at si Isaac, at si Jacob, at ang lahat ng mga propeta sa kaharian ng Dios, at kayo'y palabasin.
Magkakaroon ng pagnanangis at pagngangalit ng ngipin kapag nakita ninyo sina Abraham, Isaac, Jacob at ang lahat ng propeta sa kaharian ng Diyos, ngunit kayo—kayo ay itinapon sa labas.
29 At sila'y magsisipanggaling sa silanganan at sa kalunuran, at sa timugan at sa hilagaan, at magsisiupo sa kaharian ng Dios.
Darating sila mula sa silangan, kanluran, hilaga, at timog at sila ay uupo sa hapag-kainan sa kaharian ng Diyos.
30 At narito, may mga huling magiging una at may mga unang magiging huli.
At alamin ninyo ito, ang mga pinakahuli ay ang mga una, at ang una ay magiging huli.”
31 Nagsidating nang oras ding yaon ang ilang Fariseo, na nangagsasabi sa kaniya, Lumabas ka, at humayo ka rito: sapagka't ibig kang patayin ni Herodes.
Hindi nagtagal, may ilang mga Pariseong dumating at sinabi sa kaniya, “Pumunta ka at umalis dito dahil nais kang patayin ni Herodes.”
32 At sinabi niya sa kanila, Magsiparoon kayo, at inyong sabihin sa sorrang yaon, Narito, nagpapalabas ako ng mga demonio at nagpapagaling ngayon at bukas, at ako'y magiging sakdal sa ikatlong araw.
Sinabi ni Jesus, “Pumunta kayo at sabihin sa asong-gubat na iyon, 'Tingnan mo, nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling ako ngayon at bukas, at sa ikatlong araw ay maaabot ko ang aking layunin.'
33 Gayon ma'y kailangang ako'y yumaon sa aking lakad ngayon at bukas at sa makalawa: sapagka't hindi mangyayari na ang isang propeta ay mamatay sa labas ng Jerusalem.
Gayunman, kinakailangan na ako ay magpatuloy ngayon, bukas at sa susunod na araw, sapagkat hindi katanggap-tanggap na pumatay ng isang propeta sa labas ng Jerusalem.
34 Oh Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta, at bumabato sa mga sinugo sa kaniya! Makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang sariling mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, at ayaw kayo!
Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga ipinadala sa iyo. Kaydalas kong ninais na tipunin ang iyong mga anak tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, ngunit hindi mo ito ninais.
35 Narito, sa inyo'y iniwang walang anoman ang inyong bahay: at sinasabi ko sa inyo, Hindi ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon.
Tingnan mo, iniwan ang iyong bahay. Sinasabi ko sa iyo, hindi mo ako makikita hanggang sabihin mo, 'Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon.”'