< Levitico 7 >
1 At ito ang kautusan tungkol sa handog dahil sa pagkakasala: bagay ngang kabanalbanalan.
Ito ang batas ng handog na pambayad para sa kasalanan. Pinakabanal ito.
2 Sa dakong pinagpapatayan ng handog na susunugin ay doon papatayin ang handog dahil sa pagkakasala: at ang dugo niyao'y iwiwisik niya sa ibabaw ng dambana hanggang sa palibot.
Dapat nila patayin ang handog na pambayad para sa kasalanan sa lugar ng pagpatay dito, at dapat isaboy nila ang dugo nito sa bawat gilid ng altar.
3 At siya'y maghahandog niyaon ng lahat ng taba niyaon; ang buntot na mataba at ang tabang nakatatakip sa lamang loob,
Ihahandog ang lahat ng taba nito: ang taba ng buntot, ang taba na nasa panloob na mga bahagi,
4 At ang dalawang bato at ang tabang nasa ibabaw ng mga yaon, ang nasa siping ng mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay, ay kaniyang aalisin na kalakip ng mga bato:
ang dalawang bato at ang taba na nasa mga ito, na kasunod sa mga puson, at ang bumalot sa atay, kasama ang mga bato—dapat tanggalin ang lahat ng ito.
5 At susunugin ng saserdote sa ibabaw ng dambana na pinakahandog sa Panginoon na pinaraan sa apoy; handog nga dahil sa pagkakasala.
Dapat sunugin ng pari ang mga bahagi sa altar bilang isang handog na sinunog sa apoy para kay Yahweh. Ito ang handog na pambayad para sa kasalanan.
6 Bawa't lalake sa mga saserdote ay kakain niyaon; sa dakong banal kakanin yaon: bagay ngang kabanalbanalan.
Bawat lalaki na kabilang sa mga pari ay maaaring kumain ng bahagi ng handog na ito. Dapat kainin ito sa isang banal na lugar dahil pinakabanal ito.
7 Kung paano ang handog dahil sa kasalanan ay gayon ang handog dahil sa pagkakasala: ang dalawa'y may isang kautusan: mapapasa saserdoteng tumutubos.
Ang handog para sa kasalanan ay katulad ng handog na pambayad para sa kasalanan. Parehong batas ang ginagamit sa dalawang ito. Nabibilang ang mga ito sa pari na siyang gumawa ng pambayad para sa kasalanan sa kanila.
8 At ang saserdoteng naghahandog ng handog na susunugin ng sinomang tao, ay siyang magtatangkilik ng balat ng handog na susunugin na inihandog.
Ang pari na siyang naghahandog ng kanino mang handog na sinunog ay maaaring ilaan para sa kaniyang sarili ang balat ng handog na iyon.
9 At bawa't handog na harina na niluto sa hurno, at yaong lahat na pinagyaman sa kawaling bakal at sa kawaling lupa, ay mapapasa saserdote na naghahandog.
Bawat handog na pagkaing butil na inihurno sa isang hurno, at ang bawat handog na niluto sa isang kawali o sa isang kawaling panghurno ay mabibilang sa pari na siyang naghahandog nito.
10 At bawa't handog na harina na hinaluan ng langis o tuyo, ay mapapasa lahat ng anak ni Aaron; sa isa na gaya sa iba.
Bawat handog na pagkaing butil, kahit tuyo o hinaluan ng langis, parehong mabibilang sa lahat ng mga kaapu-apuhan ni Aaron.
11 At ito ang kautusan hinggil sa haing mga handog tungkol sa kapayapaan, na ihahandog sa Panginoon:
Ito ang batas ng alay na handog para sa kapayapaan na ihahandog ng mga tao kay Yahweh.
12 Kung ihahandog niya na pinaka pasalamat, ay ihahandog nga niyang kalakip ng haing pasalamat ang mga munting tinapay na walang lebadura na hinaluan ng langis, at ang mga manipis na tinapay na walang lebadura na pinahiran ng langis, at ang mainam na harina na munting tinapay na hinaluan ng langis.
Kung sinuman ang maghahandog nito para magbigay ng mga pasasalamat, kung gayon dapat niya ihandog ito kasama ng isang alay na mga tinapay na ginawa na walang pampaalsa, ngunit hinaluan ng langis, mga tinapay na ginawa na walang pampaalsa, ngunit pinahiran ng langis, at ang mga tinapay na ginawa gamit ang pinong harina na hinaluan ng langis.
13 Kalakip ng munting tinapay na walang lebadura kaniyang ihahandog ang alay niya, na kalakip ng haing mga handog tungkol sa kapayapaan na pinaka pasalamat.
Pati rin ang para sa layunin ng pagbibigay ng mga pasasalamat, dapat ihandog niya kasama ang kaniyang handog na para sa kapayapaan ang mga tinapay na niluto na may pampaalsa.
14 At maghahandog ng isa niyaon na kaakbay ng bawa't alay na pinakahandog na itinaas sa Panginoon; mapapasa saserdoteng magwiwisik ng dugo ng mga handog tungkol sa kapayapaan.
Ihahandog niya ang isa sa bawat uri ng mga alay bilang isang handog na idudulog kay Yahweh. Magiging pag-aari ito ng mga pari na siyang nagsaboy ng dugo ng mga handog para sa kapayapaan sa altar.
15 At ang laman ng hain na kaniyang mga handog tungkol sa kapayapaan na pinaka pasalamat ay kakanin sa kaarawan ng kaniyang pagaalay; siya'y hindi magtitira niyaon ng hanggang sa umaga.
Ang taong naghahandog ng isang handog para sa kapayapaan para sa layunin ng pagbibigay ng mga pasasalamat ay dapat kainin ang karne na kanyang handog sa araw ng pag-alay. Wala siyang dapat itira na anuman nito hanggang sa susunod na umaga.
16 Nguni't kung ang hain ng kaniyang alay ay sa pagtupad ng isang panata, o kusang handog, ay kaniyang makakain sa araw na kaniyang ihandog ang kaniyang hain: at sa kinaumagahan man ay kaniyang makakain ang labis:
Ngunit kung ang alay na kaniyang handog ay para sa layunin ng isang panata, o para sa isang layunin ng pagkukusang-loob na handog, kakainin dapat ang karne sa araw na kaniyang ihahandog ang kanyang alay, pero kung anuman ang natira nito ay maaaring kainin kinabukasan.
17 Datapuwa't ang lumabis sa laman ng hain hanggang sa ikatlong araw ay susunugin sa apoy.
Subalit, kung anumang karne ng alay na natira sa ikatlong araw ay dapat sunugin.
18 At kung kanin sa ikatlong araw ang anomang bahagi ng laman ng haing kaniyang mga handog tungkol sa kapayapaan ay hindi tatanggapin, at hindi man maipatutungkol doon sa naghahandog niyaon: aariing kasuklamsuklam, at ang taong kumain niyaon ay magtataglay ng kaniyang kasamaan.
Kung anuman sa karne ng alay ng tao na handog para sa kapayapaan ay kinain sa ikatlong araw, hindi ito tatanggapin, ni bibigyang pagkilala ang taong naghandog nito. Ito ay magiging isang kasuklam-suklam na bagay, at ang tao na siyang kumain nito ay dadalhin ang pagkakasala ng kaniyang kasalanan.
19 At ang lamang masagi sa anomang bagay na karumaldumal ay hindi kakanin; yao'y susunugin sa apoy. At tungkol sa lamang hindi nahawa, lahat ng taong malinis ay makakakain niyaon.
Anumang karne na madikit sa maruming bagay ay hindi dapat kainin. Dapat itong sunugin. Ganoon din sa natirang karne, sinuman ang malinis ay maaaring kumain nito.
20 Nguni't ang taong kumain ng laman ng haing mga handog tungkol sa kapayapaan na ukol sa Panginoon, na taglay niya ang kaniyang karumihan, ay ihihiwalay ang taong yaon sa kaniyang bayan.
Subalit, ang taong marumi na kumain sa anumang karne mula sa alay ng isang handog para sa kapayapaan na pag-aari ni Yahweh—dapat itiwalag ang taong iyon mula sa kaniyang mga kababayan.
21 At pagka ang sinoman ay nakahipo ng anomang maruming bagay, ng dumi ng tao, o ng hayop na karumaldumal, o ng alin mang kasuklamsuklam, at kumain ng laman ng haing mga handog tungkol sa kapayapaan na ukol sa Panginoon, ay ihihiwalay ang taong yaon sa kaniyang bayan.
Kung sinuman ang makahahawak ng anumang bagay na marumi—kahit ang taong walang kalinisan, o hayop na hindi malinis, o alin mang hindi malinis at nakapandidiring bagay, at kung kinain niya ang ilan sa karne na isang alay na handog para sa kapayapaan na pag-aari ni Yahweh, dapat itiwalag ang taong iyon mula sa kaniyang mga kababayan.”'
22 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
Pagkatapos nangusap si Yahweh kay Moises, sinasabing,
23 Iyong salitain sa mga anak ni Israel, na sabihin, Huwag kayong kakain ng taba ng baka, ng tupa, o ng kambing.
“Kausapin mo ang bayan ng Israel at sabihin, 'Hindi kayo dapat kumain ng taba ng isang baka o tupa o kambing.
24 At ang taba ng namatay sa kaniyang sarili, at ang taba ng nilapa ng ganid, ay magagamit sa alin mang kagamitan: nguni't sa anomang paraan ay huwag ninyong kakanin.
Ang taba ng isang hayop na namatay na hindi naalay, o ang taba ng isang hayop na nilapang mga mababangis na hayop, maaaring gamitin para sa ibang mga layunin, pero tiyak na hindi ninyo dapat kainin ito.
25 Sapagka't sinomang kumain ng taba ng hayop na yaon na inihahandog ng mga tao sa Panginoon, na handog na pinaraan sa apoy, ay ihihiwalay sa kaniyang bayan ang taong kumain.
Sinuman ang kumain ng taba ng isang hayop na maaaring ihandog ng mga lalaki bilang isang alay na susunugin sa apoy para kay Yahweh, dapat itiwalag ang taong iyon mula sa kaniyang mga lahi.
26 At huwag kayong kakain sa anomang paraan ng dugo sa lahat ng inyong tahanan, maging sa ibon o sa hayop.
Hindi dapat kayo kumain ng anumang dugo sa anuman sa inyong mga bahay, mula man ito sa isang ibon o sa isang hayop.
27 Sinomang taong kumain ng alin mang dugo, ay ihihiwalay sa kaniyang bayan ang taong yaon.
Sinuman ang kumain ng anumang dugo, dapat itiwalag ang taong iyon mula sa kaniyang mga kababayan.”'
28 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
Kaya nangusap si Yahweh kay Moises at sinabi,
29 Iyong salitain sa mga anak ng Israel na sabihin, Ang naghahandog sa Panginoon ng hain niyang mga handog tungkol sa kapayapaan ay magdadala sa Panginoon ng kaniyang alay sa hain niyang mga handog tungkol sa kapayapaan;
“Kausapin mo ang bayan ng Israel at sabihin, 'Sino man ang maghandog ng alay ng isang handog para sa kapayapaan para kay Yahweh ay dapat magdala ng bahagi ng kaniyang alay para kay Yahweh.
30 Na dadalhin ng kaniyang sariling mga kamay sa Panginoon ang mga handog na pinaraan sa apoy; ang taba pati ng dibdib ay dadalhin niya, upang ang dibdib ay alugin na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon.
Ang handog para kay Yahweh na susunugin sa apoy, dapat ang kaniyang sariling mga kamay ang magdala nito. Dapat niya dalhin ang taba kasama ang dibdib, para ang dibdib ay maging isang handog na maitaas sa harapan ni Yahweh at idulog sa kaniya.
31 At susunugin ng saserdote ang taba sa ibabaw ng dambana: datapuwa't ang dibdib ay mapapasa kay Aaron at sa kaniyang mga anak.
Dapat sunugin ng pari ang taba sa altar, pero ang dibdib ay ikakaloob kay Aaron at sa kaniyang mga kaapu-apuhan.
32 At ibibigay ninyo sa saserdote na pinakahandog na itinaas, ang hitang kanan sa mga haing inyong mga handog tungkol sa kapayapaan.
Dapat ibigay ninyo ang kanang hita sa pari bilang isang handog na idinulog mula sa alay ng inyong handog para sa kapayapaan.
33 Yaong sa mga anak ni Aaron na naghahandog ng dugo ng mga handog tungkol sa kapayapaan at ng taba, ay mapapasa kaniya ang kanang hita, na pinaka bahagi niya.
Ang pari, isa sa mga kaapu-apuhan ni Aaron, ang naghandog ng dugo ng mga handog para sa kapayapaan at ang taba—magkakaroon siya ng kanang hita bilang kaniyang bahagi sa handog.
34 Sapagka't aking kinuha sa mga anak ni Israel, sa kanilang mga haing mga handog tungkol sa kapayapaan, ang dibdib na inalog at ang hitang itinaas, at aking ibinigay kay Aaron na saserdote at sa kaniyang mga anak, na karampatang bahagi nila magpakailan man, sa ganang mga anak ni Israel.
Dahil kinuha ko ang handog na dibdib at hita na itinaas at idinulog sa akin, at ibinigay ko ang mga ito kay Aaron, ang pinakapunong pari at sa kaniyang mga kaapu-apuhan; patuloy itong magiging kanilang bahagi mula sa mga alay na handog para sa kapayapaan na ginawa ng bayan ng Israel.
35 Ito ang nauukol sa pahid na langis ni Aaron at sa pahid na langis ng kaniyang mga anak, sa mga handog na pinaraan sa apoy sa Panginoon, sa araw na iniharap sila, upang mangasiwa sa Panginoon sa katungkulang saserdote;
Ito ay bahagi para kay Aaron at sa kaniyang mga kaapu-apuhan mula sa mga handog para kay Yahweh na sinunog sa apoy, sa araw na iniharap sila ni Moises para maglingkod kay Yahweh sa gawain ng pari.
36 Na iniutos ng Panginoon sa kanila'y ibibigay para sa mga anak ni Israel sa araw na kaniyang pinahiran sila. Karampatang bahagi nga nila magpakailan man, sa buong panahon ng kanilang lahi.
Ito ang mga bahagi na iniutos ni Yahweh na ibigay sa kanila mula sa bayan ng Israel, sa araw na kaniyang hinirang ang mga pari. Patuloy itong magiging kanilang bahagi sa lahat ng mga salinlahi.
37 Ito ang kautusan tungkol sa handog na susunugin, sa handog na harina, at sa handog dahil sa kasalanan, at sa handog dahil sa pagkakasala, at sa pagtatalaga, at sa haing mga handog tungkol sa kapayapaan.
Ito ang batas ng sinunog na handog, handog na pagkaing butil, handog para sa kasalanan, handog na pambayad para sa kasalanan, handog na pagpapabanal, at alay na handog para sa kapayapaan,
38 Na iniutos ng Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai, nang araw na iniutos sa mga anak ni Israel na kanilang ihandog ang kanilang mga alay sa Panginoon sa ilang ng Sinai.
kung saan ibinigay ni Yahweh ang mga utos kay Moises sa Bundok Sinai sa araw na kaniyang iniutusan ang bayan ng Israel na maghandog ng kanilang mga alay kay Yahweh sa ilang g Sinai.”'