< Panaghoy 2 >
1 Ano't tinakpan ng Panginoon ang anak na babae ng Sion ng alapaap sa kaniyang galit! Kaniyang inihagis mula sa langit hanggang sa lupa ang kagandahan ng Israel, at hindi inalaala ang kaniyang tungtungan ng paa sa kaarawan ng kaniyang galit.
2 Nilamon ng Panginoon ang lahat na tahanan ng Jacob, at siya'y hindi naawa: Kanyang ibinagsak sa kaniyang poot ang mga katibayan ng anak na babae ng Juda; kaniyang inilugmok ang mga yaon sa lupa: kaniyang ipinahamak ang kaharian at ang mga prinsipe niyaon.
3 Kaniyang inihiwalay sa pamamagitan ng mabangis na galit ang buong sungay ng Israel; kaniyang iniurong ang kaniyang kanang kamay sa harap ng kaaway: at kaniyang sinilaban ang Jacob na parang maalab na apoy, na namumugnaw sa palibot.
4 Kaniyang iniakma ang kaniyang busog na parang kaaway, kaniyang iniyamba ang kaniyang kanan na parang kalaban, at pinatay ang lahat na maligaya sa mata: sa tolda ng anak na babae ng Sion ay kaniyang ibinuhos ang kaniyang kapusukan na parang apoy.
5 Ang Panginoon ay naging parang kaaway, kaniyang nilamon ang Israel; kaniyang nilamon ang lahat niyang palacio, kaniyang iginiba ang kaniyang mga katibayan; at kaniyang pinarami sa anak na babae ng Juda ang panangis at panaghoy.
6 At kaniyang inalis na may karahasan ang tabernakulo niya na gaya ng nasa halamanan; kaniyang sinira ang kaniyang mga dako ng kapulungan: ipinalimot ng Panginoon ang takdang kapulungan at sabbath sa Sion, at hinamak sa pagiinit ng kaniyang galit ang hari at ang saserdote.
7 Iniwasak ng Panginoon ang kaniyang dambana, kaniyang kinayamutan ang kaniyang santuario; kaniyang ibinigay sa kamay ng kaaway ang mga pader ng kaniyang mga palacio: sila'y nangagingay sa bahay ng Panginoon, na parang kaarawan ng takdang kapulungan.
8 Ipinasiya ng Panginoon na gibain ang kuta ng anak na babae ng Sion; kaniyang iniladlad ang lubid, hindi niya iniurong ang kaniyang kamay sa paggiba: at kaniyang pinapanaghoy ang moog at ang kuta; nanganglulupaypay kapuwa.
9 Ang kaniyang mga pintuang-bayan ay nangabaon sa lupa; kaniyang giniba at nasira ang kaniyang mga halang: ang kaniyang hari at ang kaniyang mga prinsipe ay nangasa gitna ng mga bansa na hindi kinaroroonan ng kautusan; Oo, ang kaniyang mga propeta ay hindi nangakakasumpong ng pangitaing mula sa Panginoon.
10 Ang mga matanda ng anak na babae ng Sion ay nangauupo sa lupa, sila'y nagsisitahimik; sila'y nangagsabog ng alabok sa kanilang mga ulo; sila'y nangagbigkis ng kayong magaspang: itinungo ng mga dalaga sa Jerusalem ang kanilang mga ulo sa lupa.
11 Pinangangalumata ng mga luha ang aking mga mata, namamanglaw ang aking puso, ako'y lubhang nahahapis, dahil sa pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan, dahil sa ang mga bata at ang mga pasusuhin ay nanganglulupaypay sa mga lansangan ng bayan.
12 Kanilang sinasabi sa kanilang mga ina, saan nandoon ang trigo at alak? Pagka sila'y nanganglulupaypay na parang sugatan sa mga lansangan sa bayan, pagka ang kanilang kaluluwa ay nanglulupaypay sa kandungan ng kanilang mga ina.
13 Ano ang aking patototohanan sa iyo? sa ano kita iwawangis, Oh anak na babae ng Jerusalem? Ano ang ihahalintulad ko sa iyo, upang maaliw kita, Oh anak na dalaga ng Sion? Sapagka't ang iyong sira ay malaking parang dagat: sinong makapagpapagaling sa iyo?
14 Ang iyong mga propeta ay nakakita para sa iyo ng mga pangitain na walang kabuluhan at kamangmangan; at hindi nila inilitaw ang iyong kasamaan, upang bawiin ang iyong pagkabihag, kundi nakarinig para sa iyo ng mga hulang walang kabuluhan at mga kadahilanan ng pagkatapon.
15 Lahat na nangagdaraan ay ipinapakpak ang kanilang kamay sa iyo; sila'y nagsisisutsot at iginagalaw ang kanilang ulo sa anak na babae ng Jerusalem, na sinasabi, Ito baga ang bayan na tinatawag ng mga tao Ang kasakdalan ng kagandahan, Ang kagalakan ng buong lupa?
16 Ibinukang maluwang ng lahat mong kaaway ang kanilang bibig laban sa iyo: sila'y nagsisisutsot at nagsisipagngalit ng ngipin; kanilang sinasabi, Aming nilamon siya; tunay na ito ang kaarawan na aming hinihintay; aming nasumpungan, aming nakita.
17 Ginawa ng Panginoon ang kaniyang ipinasiya; kaniyang tinupad ang kaniyang salita na kaniyang iniutos nang mga kaarawan nang una; kaniyang ibinagsak, at hindi naawa: at kaniyang pinapagkatuwa sa iyo ang kaaway; kaniyang pinataas ang sungay ng iyong mga kalaban.
18 Ang kanilang puso ay nagsisidaing sa Panginoon: Oh kuta ng anak na babae ng Sion, dumaloy ang mga luha na parang ilog araw at gabi; huwag kang magpahinga; huwag maglikat ang itim ng iyong mata.
19 Bumangon ka, humiyaw ka sa gabi, sa pasimula ng mga pagpupuyat; ibuhos mo ang iyong puso na parang tubig sa harap ng mukha ng Panginoon: igawad mo ang iyong mga kamay sa kaniya dahil sa buhay ng iyong mga batang anak, na nanglulupaypay sa gutom sa dulo ng lahat na lansangan.
20 Tingnan mo, Oh Panginoon, at masdan mo, kung kanino mo ginawa ang ganito! Kakanin baga ng mga babae ang kanilang ipinanganak, ang mga anak na kinakalong sa mga kamay? Papatayin baga ang saserdote at ang propeta sa santuario ng Panginoon?
21 Ang binata at ang matanda ay humihiga sa lupa sa mga lansangan; ang aking mga dalaga at ang aking mga binata ay nangabuwal sa tabak: iyong pinatay sila sa kaarawan ng iyong galit; iyong pinatay at hindi ka naawa.
22 Tinawag mo, gaya ng sa kaarawan ng takdang kapulungan, ang aking mga kakilabutan ay sa bawa't dako; at walang nakatanan, o nalabi sa kaarawan ng galit ng Panginoon: yaong aking mga kinalong at pinalaki ay nilipol ng aking kaaway.