< Mga Hukom 7 >
1 Nang magkagayo'y si Jerobaal na siyang Gedeon, at ang buong bayan na kasama niya ay bumangong maaga, at humantong sa bukal ng Harod: at ang kampamento ng Madian ay nasa dakong hilagaan nila, sa dako roon ng Moreh, sa libis.
2 At sinabi ng Panginoon kay Gedeon, Ang bayang kasama mo ay totoong marami sa akin upang aking ibigay ang mga Madianita sa kanilang kamay, baka ang Israel ay magmalaki laban sa akin, na sabihin, Aking sariling kamay ang nagligtas sa akin.
3 Kaya't ngayo'y yumaon ka, ipagpatawag mo sa mga pakinig ng bayan, na iyong sabihin, Sinomang matatakutin at mapanginig, ay bumalik at pumihit mula sa bundok ng Galaad. At bumalik sa bayan ang dalawang pu't dalawang libo; at naiwan ang sangpung libo.
4 At sinabi ng Panginoon kay Gedeon, Ang bayan ay totoong marami pa; palusungin mo sila sa tubig, at doo'y aking susubukin sila sa iyo: at mangyayari, na sinomang aking sabihin sa iyo, Ito'y sumama sa iyo, yaon sumama sa iyo; at sa sinomang sabihin ko sa iyo, Ito'y huwag sumama sa iyo, yao'y huwag sumama sa iyo.
5 Sa gayo'y kaniyang inilusong ang bayan sa tubig: at sinabi ng Panginoon kay Gedeon, Bawa't humimod sa tubig ng kaniyang dila, gaya ng paghimod ng aso, ay iyong ihihiwalay: gayon din ang bawa't yumukong lumuhod upang uminom.
6 At ang bilang ng mga humimod, na inilalagay ang kanilang kamay sa kanilang bibig, ay tatlong daang lalake: nguni't ang buong labis ng bayan ay yumukong lumuhod upang uminom ng tubig.
7 At sinabi ng Panginoon kay Gedeon, Sa pamamagitan ng tatlong daang lalake na humimod ay ililigtas ko kayo, at ibibigay ko ang mga Madianita sa iyong kamay: at pabayaan mong ang buong bayan ay yumaon bawa't isa sa kanikaniyang dako.
8 Sa gayo'y nagbaon ang bayan sa kanilang kamay ng mga pagkain at ng kanilang mga pakakak: at kaniyang sinugo ang lahat ng mga lalake sa Israel na bawa't isa ay umuwi sa kanikaniyang tolda, nguni't pinigil ang tatlong daang lalake: at ang kampamento ng Madian ay nasa ibaba niya sa libis.
9 At nangyari nang gabi ring yaon, na sinabi ng Panginoon sa kaniya, Bumangon ka, lusungin mo ang kampamento; sapagka't aking ibinigay sa iyong kamay.
10 Nguni't kung ikaw ay natatakot na lumusong, ay lumusong ka sa kampamento na kasama ni Phara na iyong lingkod.
11 At iyong maririnig kung ano ang kanilang sinasabi, at pagkatapos ang iyong mga kamay ay lalakas na lumusong sa kampamento. Nang magkagayo'y lumusong siyang kasama si Phara na kaniyang lingkod sa pinakahangganan ng mga lalaking may sakbat na nangasa kampamento.
12 At ang mga Madianita at ang mga Amalecita at ang lahat ng mga anak sa silanganan ay nalalatag sa libis na parang balang dahil sa karamihan; at ang kanilang mga kamelyo ay walang bilang, na gaya ng buhangin na nasa tabi ng dagat dahil sa karamihan.
13 At nang dumating si Gedeon, narito, may isang lalake na nagsasaysay ng isang panaginip sa kaniyang kasama, at kaniyang sinabi, Nanaginip ako ng isang panaginip; at, narito, isang munting tinapay na sebada, ay gumulong hanggang sa kampamento ng Madian, at umabot sa tolda, at tinamaan yaon ng malakas na tuloy bumagsak, at natiwarik, na ang tolda'y lumagpak.
14 At sumagot ang kaniyang kasama, at nagsabi, Ito'y hindi iba, kundi ang tabak ni Gedeon, na anak ni Joas, isang lalaking Israelita, na ibinigay ng Dios sa kaniyang kamay ang Madian at ang buong hukbo niya.
15 At nangyari, nang marinig ni Gedeon ang salaysay tungkol sa panaginip, at ang pagkapaliwanag niyaon, na siya'y sumamba; at siya'y bumalik sa kampamento ng Israel, at sinabi, Tumindig kayo; sapagka't ibinigay ng Panginoon sa inyong kamay ang hukbo ng Madian.
16 At binahagi niya ang tatlong daang lalake ng tatlong pulutong, at kaniyang nilagyan ang mga kamay nilang lahat ng mga pakakak, at mga bangang walang laman at mga sulo sa loob ng mga banga.
17 At kaniyang sinabi sa kanila, Masdan ninyo ako, at inyong parisan: at, narito, pagka ako'y dumating sa pinakahuling bahagi ng kampamento, ay mangyayari, na kung anong aking gawin ay siya ninyong gagawin.
18 Pagka ako'y hihihip ng pakakak, ako at lahat na kasama ko, ay humihip nga naman kayo ng mga pakakak, sa buong palibot ng buong kampamento, at sabihin ninyo, Ang tabak ng Panginoon at ni Gedeon.
19 Sa gayo'y si Gedeon, at ang isang daang lalake na kasama niya ay napasa pinakahuling bahagi ng kampamento sa pasimula ng pagbabantay sa hating gabi, ng halos kahahalili lamang ng bantay: at sila'y humihip ng mga pakakak, at kanilang binasag ang mga banga na nasa kanilang mga kamay.
20 At hinipan ng tatlong pulutong ang mga pakakak, at binasag ang mga banga, at itinaas ang mga sulo sa kanilang kaliwang kamay, at ang mga pakakak sa kanilang kanang kamay na kanilang hinihipan, at sila'y naghiyawan, Ang tabak ng Panginoon at ni Gedeon.
21 At sila'y nangakatayo, bawa't isa, sa kaniyang dako sa palibot ng kampamento: at ang buong hukbo ay tumakbo; at sila'y sumigaw at pinatakas nila.
22 At hinipan nila ang tatlong daang pakakak at inilagay ng Panginoon ang tabak ng bawa't isa laban sa kaniyang kasama, at laban sa buong hukbo: at tumakas ang hukbo hanggang sa Beth-sitta sa dakong Cerera, hanggang sa hangganan ni Abelmehola, sa siping ng Tabbat.
23 At ang mga lalake ng Israel ay nagpipisan, ang sa Nephtali, at ang sa Aser, at sa buong Manases, at hinabol ang Madian.
24 At nagsugo si Gedeon ng mga sugo sa buong lupaing maburol ng Ephraim, na sinasabi, Lusungin ninyo ang Madian, at agapan ninyo ang tubig, hanggang sa Beth-bara, at ang Jordan. Sa gayo'y ang lahat ng mga lalake ng Ephraim ay nagkapisan, at inagapan ang tubig hanggang sa Beth-bara, at ang Jordan.
25 At kanilang hinuli ang dalawang prinsipe sa Madian, si Oreb at si Zeeb: at kanilang pinatay si Oreb sa batuhan ni Oreb at si Zeeb ay kanilang pinatay sa pisaan ng ubas ni Zeeb, at hinabol ang Madian: at kanilang dinala ang mga ulo ni Oreb at ni Zeeb kay Gedeon sa dako roon ng Jordan.