< Mga Hukom 20 >
1 Nang magkagayo'y lumabas ang lahat ng mga anak ni Israel, at ang kapisanan ay nagpisang gaya ng isang tao sa Panginoon sa Mizpa, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, na kalakip ng lupain ng Galaad.
2 At nagsiharap ang mga pinuno ng buong bayan, sa makatuwid baga'y ng lahat ng mga lipi ng Israel, sa kapulungan ng bayan ng Dios, na apat na raang libong lalake na humahawak ng tabak.
3 (Nabalitaan nga ng mga anak ni Benjamin na umahon ang mga anak ni Israel sa Mizpa.) At sinabi ng mga anak ni Israel, Saysayin ninyo sa amin kung bakit ang kasamaang ito ay nangyari?
4 At ang Levita, ang asawa ng babaing pinatay, ay sumagot at kaniyang sinabi, Ako'y naparoon sa Gabaa na ukol sa Benjamin, ako at ang aking babae upang tumigil.
5 At bumangon ang mga lalake sa Gabaa laban sa akin, at kinubkob ang bahay sa palibot laban sa akin nang kinagabihan; ako'y kanilang pinagakalaang patayin, at kanilang dinahas ang aking babae, at siya'y namatay.
6 At aking kinuha ang aking babae, at aking pinagputolputol, at ipinadala ko sa buong lupain ng mana ng Israel: sapagka't sila'y nagkasala ng kalibugan at ng kaululan sa Israel.
7 Narito, kayong mga anak ni Israel, kayong lahat, ibigay ninyo rito ang inyong payo at pasiya.
8 At ang buong bayan ay bumangong parang isang tao, na nagsasabi, Hindi na babalik ang sinoman sa amin sa kaniyang tolda, ni uuwi man ang sinoman sa amin sa kaniyang bahay.
9 Kundi ngayo'y ito ang bagay na aming gagawin sa Gabaa; magsisiahon kami laban sa kaniya na aming pagsasapalaran;
10 At magsisikuha kami ng sangpung lalake sa isang daan, sa lahat ng mga lipi ng Israel, at isang daan sa isang libo, at isang libo sa sangpung libo, upang ipagbaon ng pagkain ang bayan, upang kanilang gawin pagparoon nila sa Gabaa ng Benjamin ang ayon sa buong kaululang kanilang ginawa sa Israel.
11 Sa gayo'y nagpipisan ang lahat ng mga lalake ng Israel laban sa bayang yaon, na nagtibay na magkakapisang parang isang tao.
12 At nagsugo ang mga lipi ng Israel ng mga lalake sa buong lipi ng Benjamin, na sinasabi, Anong kasamaan ito na nangyari sa gitna ninyo?
13 Ngayon nga'y ibigay ninyo ang mga lalake, ang mga hamak na tao, na nasa Gabaa, upang aming patayin sila, at alisin ang kasamaan sa Israel. Nguni't hindi dininig ng mga anak ni Benjamin ang tinig ng kanilang mga kapatid na mga anak ni Israel.
14 At nagpisan ang mga anak ni Benjamin sa mga bayang patungo sa Gabaa, upang lumabas na makibaka laban sa mga anak ni Israel.
15 At ang mga anak ni Benjamin ay binilang nang araw na yaon sa mga bayan, na dalawang pu't anim na libong lalake na humahawak ng tabak, bukod pa ang mga tumatahan sa Gabaa na binilang, na pitong daang piling lalake.
16 Sa kabuoan ng bayang ito ay may pitong daang piling lalake na kaliwete: na bawa't isa'y nakapagpapahilagpos ng pagpapatama ng bato sa isang buhok, at hindi sumasala.
17 At binilang ang mga lalake sa Israel, bukod pa ang sa Benjamin, ay apat na raang libong lalake na humahawak ng tabak: lahat ng mga ito ay mga lalaking mangdidigma.
18 At bumangon ang mga anak ni Israel, at nagsiahon sa Beth-el upang sumangguni sa Dios; at kanilang sinabi, Sino ang unang aahon sa amin upang makibaka laban sa mga anak ni Benjamin? At sinabi ng Panginoon, Ang Juda ang unang aahon.
19 At nagsibangon ang mga anak ni Israel sa kinaumagahan, at humantong laban sa Gabaa.
20 At lumabas ang mga lalake ng Israel upang makibaka laban sa Benjamin; at humanay ang mga lalake ng Israel sa Gabaa, sa pakikibaka laban sa kanila.
21 At lumabas ang mga anak ni Benjamin sa Gabaa at ibinuwal sa lupa sa mga Israelita sa araw na yaon ay dalawang pu't dalawang libong lalake.
22 At ang bayan, ang mga lalake ng Israel, ay nagpakatapang, at humanay uli sa pakikibaka sa dakong kanilang hinanayan nang unang araw.
23 At nagsiahon ang mga anak ni Israel, at nagsiiyak sa harap ng Panginoon hanggang sa kinahapunan; at sila'y sumangguni sa Panginoon, na sinasabi, Lalapit ba uli ako upang makibaka laban sa mga anak ni Benjamin na aking kapatid? At sinabi ng Panginoon. Umahon ka laban sa kanila.
24 At lumapit uli ang mga anak ni Israel laban sa mga anak ni Benjamin nang ikalawang araw.
25 At lumabas ang sa Benjamin sa Gabaa laban sa kanila nang ikalawang araw, at nabuwal uli sa lupa sa mga anak ni Israel ay labing walong libong lalake; lahat ng mga ito ay humahawak ng tabak.
26 Nang magkagayo'y nagsiahon ang lahat ng mga anak ni Israel, at ang buong bayan, at nagsiparoon sa Bethel, at nagsiiyak, at nagsiupo roon sa harap ng Panginoon, at nagsipagayuno nang araw na yaon hanggang sa kinahapunan; at sila'y naghandog ng mga handog na susunugin at ng mga handog tungkol sa kapayapaan sa harap ng Panginoon.
27 At itinanong ng mga anak ni Israel sa Panginoon (sapagka't ang kaban ng tipan ng Dios ay nandoon nang mga araw na yaon,
28 At si Phinees, na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron, ay tumayo sa harap niyaon nang mga araw na yaon, ) na sinasabi, Lalabas ba ako uli upang makibaka laban sa mga anak ni Benjamin na aking kapatid, o magtitigil ako? At sinabi ng Panginoon, Umahon ka; sapagka't bukas ay ibibigay ko siya sa iyong kamay.
29 At bumakay ang Israel laban sa Gabaa, sa buong palibot.
30 At nagsiahon ang mga anak ni Israel laban sa mga anak ni Benjamin nang ikatlong araw, at humanay laban sa Gabaa, gaya ng dati.
31 At ang mga anak ni Benjamin ay nagsilabas laban sa bayan, na ipinalayo sa bayan; at kanilang pinasimulang sinaktan at pinatay ang bayan gaya ng dati, sa mga lansangan, na ang isa'y umahon sa Beth-el, at ang isa'y sa Gabaa, sa bukid, na may tatlong pung lalake ng Israel.
32 At sinabi ng mga anak ni Benjamin, Sila'y nangasaktan sa harap natin, gaya ng una. Nguni't sinabi ng mga anak ni Israel, Tayo'y tumakas, at palabasin natin sila mula sa bayan hanggang sa mga lansangan.
33 At lahat ng mga lalake sa Israel ay bumangon sa kanilang dako, at nagsihanay sa Baal-tamar: at ang mga bakay ng Israel ay nagsilabas mula sa kanilang dako, sa makatuwid baga'y mula sa Maare-Gabaa.
34 At nagsidating laban sa Gabaa ang sangpung libong piling lalake sa buong Israel, at ang pagbabaka ay lumala: nguni't hindi nila naalaman na ang kasamaan ay malapit na sa kanila.
35 At sinaktan ng Panginoon ang Benjamin sa harap ng Israel: at pinatay ng mga anak ni Israel sa Benjamin nang araw na yaon ay dalawang pu't limang libo at isang daang lalake: lahat ng mga ito'y humahawak ng tabak.
36 Sa gayo'y nakita ng mga anak ni Benjamin na sila'y nasaktan: sapagka't binigyang kaluwagan ng mga lalake ng Israel ang Benjamin, sapagka't sila'y umaasa sa mga bakay na kanilang inilagay laban sa Gabaa.
37 At nangagmadali ang mga bakay at nagsidaluhong sa Gabaa, at nangagpatuloy ang mga bakay, at sinugatan ang buong bayan ng talim ng tabak.
38 Nagkaroon nga ng palatandaan ang mga anak ng Israel at ang mga bakay, na sila'y gagawa ng alapaap na usok na pauusukin mula sa bayan.
39 At nang ang mga lalake ng Israel ay nagsipihit mula sa pagbabaka, at pinasimulang sinaktan at pinatay ng Benjamin ang mga lalake ng Israel na may tatlong pung lalake: sapagka't kanilang sinabi, Walang pagsalang sila'y nasaktan sa harap natin gaya ng unang pagbabaka.
40 Nguni't nang ang alapaap ay magpasimulang umilanglang mula sa bayan, sa isang haliging usok, ang mga Benjaminita ay lumingon sa likuran, at, narito, ang apoy ng buong bayan ay napaiilanglang sa langit.
41 At nangagbalik ang mga lalake ng Israel, at ang mga lalake ng Benjamin ay nangabalisa: sapagka't kanilang nakita na ang kasamaan ay dumating sa kanila.
42 Kaya't kanilang itinalikod ang kanilang likod sa harap ng mga lalake ng Israel, na nangagsitungo sa ilang; nguni't hinabol silang mainam ng pakikibaka; at yaong nangagsilabas sa mga bayan, ay nagsilipol sa kanila sa gitna ng ilang.
43 Kanilang kinubkob ang mga Benjamita sa palibot, at kanilang hinabol, at kanilang inabutan sa pahingahang dako hanggang sa tapat ng Gabaa, sa dakong sinisikatan ng araw.
44 At nabuwal sa Benjamin, ay labing walong libong lalake; lahat ng mga ito ay mga lalaking may tapang.
45 At sila'y nagsiliko at nagsitakas sa dakong ilang sa malaking bato sa Rimmon. At hinabol nila sa mga lansangan ang limang libong lalake; at hinabol silang mainam hanggang sa Gidom, at pumatay sa kanila ng dalawang libong lalake.
46 Na ano pa't lahat na nabuwal nang araw na yaon sa Benjamin ay dalawang pu't limang libong lalake na humawak ng tabak; lahat ng mga ito ay mga lalaking may tapang.
47 Nguni't anim na raang lalake ay nagsiliko at nagsitakas sa dakong ilang sa malaking bato ng Rimmon, at nagsitahan sa malaking bato ng Rimmon na apat na buwan.
48 At binalikan ng mga lalake ng Israel ang mga anak ni Benjamin, at sinugatan nila ng talim ng tabak, ang buong bayan, at gayon din ang kawan, at yaong lahat na kanilang nasumpungan: bukod dito'y yaong lahat ng mga bayan na kanilang nasumpungan ay kanilang sinilaban.