< Josue 5 >
1 At nangyari, nang mabalitaan ng lahat ng mga hari ng mga Amorrheo na nasa dako roon ng Jordan sa dakong kalunuran, at ng lahat ng mga hari ng mga Cananeo, na nangasa tabi ng dagat, kung paanong tinuyo ng Panginoon ang tubig ng Jordan sa harap ng mga anak ni Israel, hanggang sa kami ay nangakatawid, na nanglumo ang kanilang puso, at sila'y nawalan ng loob dahil sa mga anak ni Israel.
2 Nang panahong yaon ay sinabi ng Panginoon kay Josue, Gumawa ka ng mga sundang na pinkiang bato at tuliin mo uli na ikalawa ang mga anak ni Israel.
3 At gumawa si Josue ng mga sundang na pinkiang bato, at tinuli ang mga anak ni Israel sa burol ng mga balat ng masama.
4 At ito ang dahil na itinuli ni Josue: ang buong bayan na lumabas mula sa Egipto, na mga lalake, lahat na lalaking pangdigma, ay namatay sa ilang sa daan, pagkatapos na sila'y makalabas na mula sa Egipto.
5 Sapagka't ang buong bayan na lumabas ay mga tuli; nguni't ang buong bayan na ipinanganak sa ilang sa daan pagkalabas sa Egipto, ay hindi tuli.
6 Sapagka't ang mga anak ni Israel ay lumakad na apat na pung taon sa ilang, hanggang sa ang buong bansa, sa makatuwid baga'y ang mga lalaking pangdigma na lumabas mula sa Egipto, ay nalipol, sapagka't hindi nila dininig ang tinig ng Panginoon: na siyang sinumpaan ng Panginoon na hindi niya ipakikita sa kanila ang lupain na isinumpa ng Panginoon sa kanilang mga magulang na ibibigay sa atin, na lupaing binubukalan ng gatas at pulot.
7 At ang kanilang mga anak na kaniyang ibinangong kahalili nila, ay pinagtuli ni Josue, sapagka't mga hindi tuli, sapagka't hindi nila tinuli sila sa daan.
8 At nangyari nang kanilang matuli ang buong bansa, na tumahan sila sa kanilang mga dako sa kampamento hanggang sa sila'y magsigaling.
9 At sinabi ng Panginoon kay Josue, Sa araw na ito ay inalis ko sa inyo ang pagdusta ng Egipto. Kaya't ang pangalan ng dakong yaon ay tinawag na Gilgal hanggang sa araw na ito.
10 At ang mga anak ni Israel ay humantong sa Gilgal; at kanilang ipinagdiwang ang paskua nang ikalabing apat na araw ng buwan sa kinahapunan sa mga kapatagan ng Jerico.
11 At sila'y kumain ng imbak na trigo ng lupain sa kinabukasan pagkatapos ng paskua, ng mga tinapay na walang lebadura, at ng sinangag na trigo, sa araw ding yaon.
12 At ang mana ay naglikat nang kinabukasan, pagkatapos na sila'y makakain ng imbak na trigo ng lupain; at hindi naman nagkaroon pa ng mana ang mga anak ni Israel; kundi sila'y kumain ng bunga ng lupain ng Canaan ng taong yaon.
13 At nangyari, nang si Josue ay malapit sa Jerico, na kaniyang itiningin ang kaniyang mga mata at tumingin, at, narito, nakatayo ang isang lalake sa tapat niya na may kaniyang tabak sa kaniyang kamay na bunot: at si Josue ay naparoon sa kaniya, at sinabi sa kaniya, Ikaw ba'y sa amin, o sa aming mga kaaway?
14 At kaniyang sinabi, Hindi; kundi ako'y naparito ng parang prinsipe ng hukbo ng Panginoon. At si Josue ay nagpatirapa sa lupa at sumamba, at nagsabi sa kaniya, Anong sabi ng aking panginoon sa kaniyang lingkod?
15 At sinabi ng prinsipe ng hukbo ng Panginoon kay Josue, Hubarin mo ang iyong panyapak sa iyong paa; sapagka't ang dakong iyong kinatatayuan ay banal. At ginawang gayon ni Josue.