< Josue 17 >
1 At ito ang kapalaran ng lipi ni Manases; sapagka't siya ang panganay ni Jose. Tungkol kay Machir na panganay ni Manases, na ama ni Galaad, sapagka't siya'y lalaking mangdidigma, ay kaniya ngang tinangkilik ang Galaad at ang Basan.
Ito ang lupaing itinalaga para sa lipi ng Manases (panganay na anak na lalaki ni Jose) —iyon ay, para kay Makir, na panganay ni Manases na siya mismong ama ng Galaad. Itinalaga ang lupain ng Galaad at Basan sa mga kaapu-apuhan ni Makir, dahil naging mandirigma si Makir.
2 At ang napasa ibang mga anak ni Manases ayon sa kanilang mga angkan, sa mga anak ng Abiezer, at sa mga anak ng Helec, at sa mga anak ng Esriel, at sa mga anak ng Sichem, at sa mga anak ng Hepher, at sa mga anak ng Semida; ang mga ito ang mga anak na lalake ni Manases na anak ni Jose, ayon sa kanilang mga angkan.
Ang lupain itinalaga sa natirang lipi ni Manases, ibinigay sa kanilang mga angkan—Abiezer, Helek, Asriel, Secem, Heper, at Semida. Ito ang mga lalaking kaapu-apuhan ni Manases anak na lalaki ni Jose, iniharap sa kanilang mga angkan.
3 Nguni't si Salphaad na anak ni Hepher, na anak ni Galaad na anak ni Machir, na anak ni Manases, ay hindi nagkaroon ng mga anak na lalake kundi mga babae: at ito ang mga pangalan ng kaniyang mga anak: Maala, at Noa, Hogla, Milcha, at Tirsa.
Ngayon si Zelopehad na anak na lalaki ni Heper na anak na lalaki ni Galaad anak na lalaki ni Makir anak na lalaki ni Manases ay walang mga anak na lalaki, pero mga anak na babae lamang. Ito ang mga pangalan ng kaniyang mga anak na babae: Mala, Noe, Hogla, Milka, and Tirza.
4 At sila'y lumapit sa harap ni Eleazar na saserdote at sa harap ni Josue na anak ni Nun, at sa harap ng mga prinsipe, na sinasabi, Iniutos ng Panginoon kay Moises na bigyan kami ng mana sa gitna ng aming mga kapatid: kaya't ayon sa utos ng Panginoon ay binigyan niya sila ng mana sa gitna ng mga kapatid ng kanilang ama.
Nilapitan nila si Eleazar na pari, Josue anak na lalaki ni Nun at ang mga pinuno, at kanilang sinabi, “Iniutos ni Yahweh kay Moises na ibigay sa amin ang isang pamana kasama ng aming mga kapatid na lalaki.” Kaya, sa pagsunod sa kautusan ni Yahweh, binigyan niya ang mga kababaihang iyon ng isang pamana kasama ng mga kapatid na lalaki ng kanilang ama.
5 At nahulog ang sangpung bahagi kay Manases, bukod sa lupain ng Galaad at ang Basan, na nasa dako roon ng Jordan;
Itinalaga ang sampung piraso ng lupa kay Manases sa Galaad at Basan, na nasa kabilang dako ng Jordan,
6 Sapagka't ang mga anak na babae ni Manases ay nagkaroon ng mana sa gitna ng kaniyang mga anak; at ang lupain ng Galaad ay ukol sa nalabi sa mga anak ni Manases.
dahil nakatanggap ng pamana ang mga anak na babae ni Manases kasama ng kaniyang mga anak na lalaki. Itinalaga ang lupain ng Galaad sa natitirang lipi ni Manases.
7 At ang hangganan ng Manases ay mula sa Aser hanggang sa Michmetat, na nasa tapat ng Sichem; at ang hangganan ay patuloy sa kanan, hanggang sa mga taga En-tappua.
Umabot mula Aser hanggang Micmetat ang lupain ni Manases, na nasa silangan ng Secem. Pagkatapos umabot ang hangganan patimog sa mga naninirahan na malapit sa bukal ng Tappua.
8 Ang lupain ng Tappua ay ukol sa Manases: nguni't ang Tappua sa hangganan ng Manases ay ukol sa mga anak ni Ephraim.
(Ang lupain ng Tappua ay pag-aari ng Manases, pero ang bayan ng Tappua sa hangganan ng Manases ay pag-aari ng lipi ni Efraim.)
9 At ang hangganan ay pababa hanggang sa batis ng Cana, na dakong timugan ng batis: ang mga bayang ito ay ukol sa Ephraim sa gitna ng mga bayan ng Manases: at ang hangganan ng Manases ay nasa dakong hilagaan ng batis, at ang labasan niyaon ay sa dagat;
Nagtuloy ang hangganan sa batis ng Kana. Ang mga katimugang lungsod ng batis na ito kasama ng mga bayan ni Manases ay pag-aari ni Efraim. Ang hangganan ng Manases na nasa tagiliran ng hilagang batis, at nagtapos ito sa dagat.
10 Ang dakong timugan ay ang sa Ephraim, at ang dakong hilagaan ay ang sa Manases, at ang dagat ay hangganan niyaon; at abot sa Aser sa hilagaan at sa Issachar sa silanganan.
Ang lupain sa timog ay pag-aari ni Efraim, at ang lupain sa hilaga ay kay Manases; ang dagat ay ang hangganan. Sa hilagang dako mararating ang Aser, at sa silangan, ang Isacar.
11 At tinatangkilik ng Manases sa Issachar at sa Aser ang Beth-san at ang mga nayon niyaon, at ang Ibleam at ang mga nayon niyaon, at ang mga taga Dor, at ang mga nayon niyaon, at ang mga taga En-dor at ang mga nayon niyaon, at ang mga taga Taanach at ang mga nayon niyaon, at ang mga taga Megiddo, at ang mga nayon niyaon, ang tatlong kaitaasan.
Gayundin sa Isacar at sa Aser, Inangkin ni Manases ang Beth San at nayon nito, Ibleam at nayo nito, ang mga maninirahan sa Dor at nayon nito, ang mga naninirahan sa Endor at nayon nito, ang mga naninirahan sa Taanac at nayon nito, ang mga naninirahan sa Megiddo at nayon nito (at ang ikatlong lungsod ay Napet).
12 Gayon ma'y hindi napalayas ng mga anak ni Manases ang mga taga-roon sa mga bayang yaon; kundi ang mga Cananeo ay nanahan sa lupaing yaon.
Gayon pa man hindi maangkin ng lipi ni Manases ang mga lungsod na iyon, dahil patuloy na naninirahan sa lupaing ito ang mga Cananaeo.
13 At nangyari, nang ang mga anak ni Israel ay lumakas, na kanilang inilagay ang mga Cananeo sa pagaatag, at hindi nila lubos na pinalayas.
Nang lumakas ang bayan ng Israel, pinagtrabaho nila nang sapilitan ang mga Cananaeo, pero hindi sila ganap na napaalis.
14 At ang mga anak ni Jose ay nagsalita kay Josue, na sinasabi, Bakit ang ibinigay mo sa akin ay isang kapalaran at isang bahagi lamang na pinakamana, dangang malaking bayan ako, sapagka't pinagpala ako hanggang ngayon ng Panginoon?
Pagkatapos sinabi ng mga kaapu-apuhan ni Jose kay Josue, sinabing, “Bakit isang lupain lamang ang iyong itinalaga sa amin at isang bahagi bilang pamana, yamang kami ay isang bayang marami ang bilang at sa lahat ng pagkakataon kami ay pinagpala ni Yahweh?”
15 At sinabi ni Josue sa kanila, Kung ikaw ay malaking bayan, sumampa ka sa gubat, at iyong malalawag doon sa iyong sarili ang lupain ng mga Pherezeo at ng mga Rephaim; yamang ang lupaing maburol ng Ephraim ay totoong makipot sa ganang iyo.
Sinabi ni Josue sa kanila, “Kung kayo ay isang bayan na marami ang bilang, umakyat kayo mismo sa kagubatan at doon linisin ang lupa para sa inyong mga sarili sa lupain ng mga Perezeo at ng Rephaim. Gawin ito, yamang napakaliit ng maburol na lupain ng Efraim para sa inyo.”
16 At sinabi ng mga anak ni Jose, Ang lupaing maburol ay hindi sukat sa amin; at ang lahat ng mga Cananeo na tumatahan sa lupain ng libis ay may mga karong bakal, sila na tumatahan sa Beth-san at sa mga nayon niyaon, at gayon din sila na nasa libis ng Jezreel.
Sinabi ng mga kaapu-apuhan ni Jose, “Hindi sapat para sa amin ang maburol na lupain. Pero may mga karwaheng bakal ang lahat ng Cananaeo na naninirahan sa lambak, kapwa ang nasa Beth San at mga nayon nito at ang mga nasa lambak ng Jezreel.”
17 At si Josue ay nagsalita sa sangbahayan ni Jose, ni Ephraim at ni Manases, na sinasabi, Ikaw ay malaking bayan, at may dakilang kapangyarihan: hindi marapat sa iyo ang isang kapalaran lamang:
Pagkatapos sinabi ni Josue sa sambahayan ni Jose—para kay Efraim at Manases, “Kayo ay isang bayan na marami ang bilang, at may malakas kayong kapangyarihan. Hindi dapat isang pirasong lupain lamang ang italaga sa inyo.
18 Kundi ang lupaing maburol ay magiging iyo; sapagka't bagaman isang gubat ay iyong malalawag, at ang labasan niyaon ay magiging iyo, sapagka't iyong palalayasin ang mga Cananeo, bagaman sila'y may mga karong bakal, at bagaman sila'y matibay.
Magiging inyo rin ang maburol na lupaing ito. Kahit na kagubatan ito, lilinisin ninyo ito at aangkinin ito hanggang sa pinakamalayong hangganan nito. Palalayasin ninyo ang mga Cananaeo, kahit sila ay may mga karwaheng bakal at kahit na malakas sila.”