< Jonas 4 >
1 Nguni't naghinanakit na mainam si Jonas, at siya'y nagalit.
2 At siya'y nanalangin sa Panginoon, at nagsabi, Ako'y nakikipanayam sa iyo, Oh Panginoon, di baga ito ang aking sinabi, nang ako'y nasa aking lupain pa? Kaya't ako'y nagmadaling tumakas na patungo sa Tarsis; sapagka't talastas ko na ikaw ay Dios na mapagbiyaya, at puspos ng kahabagan, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kagandahang-loob, at nagsisisi ka sa kasamaan.
3 Kaya nga, Oh Panginoon, isinasamo ko sa iyo, na kitlin mo ang aking buhay; sapagka't mabuti sa akin ang mamatay kay sa mabuhay.
4 At sinabi ng Panginoon, Mabuti baga ang iyong ginagawa na magalit?
5 Nang magkagayo'y lumabas si Jonas sa bayan, at naupo sa dakong silanganan ng bayan, at doo'y gumawa siya ng isang balag, at naupo siya sa ilalim niyaon sa lilim, hanggang sa kaniyang makita kung ano ang mangyayari sa bayan.
6 At naghanda ang Panginoong Dios ng isang halamang kikayon, at pinataas sa itaas ni Jonas, upang maging lilim sa kaniyang ulo, upang iligtas siya sa kaniyang masamang kalagayan. Sa gayo'y natuwang mainam si Jonas dahil sa kikayon.
7 Nguni't naghanda ang Dios ng isang uod nang magumaga nang kinabukasan at sinira ang halamang kikayon, na anopa't natuyo.
8 At nangyari, nang sumikat ang araw, na naghanda ang Dios ng mainit na hanging silanganan; at sinikatan ng araw ang ulo ni Jonas, na anopa't siya'y nanglupaypay, at hiniling niya tungkol sa kaniya na siya'y mamatay, at nagsasabi, Mabuti sa akin ang mamatay kay sa mabuhay.
9 At sinabi ng Dios kay Jonas, Mabuti baga ang ginagawa mo na magalit dahil sa kikayon? At kaniyang sinabi, Mabuti ang ginagawa ko na magalit hanggang sa kamatayan.
10 At sinabi ng Panginoon, Ikaw ay nanghinayang sa kikayon na hindi mo pinagpagalan o pinatubo man; na sumampa sa isang gabi, at nawala sa isang gabi:
11 At hindi baga ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking bayang yaon, na mahigit sa isang daan at dalawang pung libong katao na hindi marunong magmunimuni ng kanilang kamay at ng kanilang kaliwang kamay; at marami ring hayop?