< Jonas 3 >
1 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jonas na ikalawa, na nagsasabi,
2 Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking bayang yaon, at ipangaral mo ang pangaral na aking iniutos sa iyo.
3 Sa gayo'y bumangon si Jonas, at naparoon sa Ninive, ayon sa salita ng Panginoon. Ang Ninive nga ay totoong malaking bayan, na tatlong araw na lakarin.
4 At pumasok si Jonas sa bayan na may isang araw na gumagala, at siya'y sumigaw, at nagsasabi, Apat na pung araw pa at ang Ninive ay mawawasak.
5 At ang bayan ng Ninive ay sumampalataya sa Dios; at sila'y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadakidakilaan sa kanila hanggang sa kaliitliitan sa kanila.
6 At ang mga balita ay dumating sa hari sa Ninive, at siya'y tumindig sa kaniyang luklukan, at hinubad niya ang kaniyang balabal, at nagbalot siya ng kayong magaspang, at naupo sa mga abo.
7 At kaniyang inihayag at itinanyag sa buong Ninive sa pasiya ng hari at ng kaniyang mga mahal na tao, na sinasabi, Huwag lumasa maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anomang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig;
8 Kundi mangagbalot sila ng kayong magaspang, ang tao at gayon din ang hayop, at magsidaing silang mainam sa Dios: oo, talikdan ng bawa't isa ang kaniyang masamang lakad, at ang pangdadahas na nasa kanilang mga kamay.
9 Sino ang nakaaalam kung manumbalik ang Dios at magsisisi, at hihiwalay sa kaniyang mabangis na galit, upang tayo'y huwag mangamatay.
10 At nakita ng Dios ang kanilang mga gawa, na sila'y nagsihiwalay sa kanilang masamang lakad; at nagsisi ang Dios sa kasamaan, na kaniyang sinabing kaniyang gagawin sa kanila; at hindi niya ginawa.